Ezra
10 Habang nananalangin si Ezra+ at nagtatapat ng kasalanan, na umiiyak at nakadapa sa harap ng bahay ng tunay na Diyos, isang malaking grupo ng mga Israelitang lalaki, babae, at bata ang pumalibot sa kaniya, at wala silang tigil sa pag-iyak. 2 Pagkatapos, si Secanias na anak ni Jehiel+ mula sa mga anak ni Elam+ ay nagsabi kay Ezra: “Hindi kami naging tapat sa ating Diyos dahil nag-asawa kami* ng mga banyaga mula sa nakapalibot na mga lupain.+ Pero may pag-asa pa ang Israel. 3 At ngayon ay sumumpa tayo sa ating Diyos+ na paaalisin natin ang lahat ng asawang babae at ang mga anak nila gaya ng iniutos ni Jehova at ng mga taong may matinding paggalang* sa mga utos ng ating Diyos.+ Sundin natin ang Kautusan. 4 Bumangon ka, dahil responsibilidad mo ito, at susuportahan ka namin. Magpakalakas ka at kumilos.”
5 Bumangon nga si Ezra at pinanumpa ang mga pinuno ng mga saserdote, ang mga Levita, at ang buong Israel na gawin ang bagay na ito.+ Kaya nanumpa sila. 6 Si Ezra ngayon ay umalis sa harap ng bahay ng tunay na Diyos at pumunta sa silid* ni Jehohanan na anak ni Eliasib. Pero hindi siya kumain o uminom ng tubig doon dahil nagdadalamhati siya sa kataksilan ng ipinatapong bayan.+
7 Pagkatapos ay nagpalabas sila ng panawagan sa buong Juda at Jerusalem na lahat ng dating ipinatapon ay magtipon sa Jerusalem; 8 at ipinasiya ng matataas na opisyal at ng matatandang lalaki na kung may sinumang hindi darating sa loob ng tatlong araw, kukumpiskahin ang* lahat ng pag-aari niya at palalayasin siya mula sa kongregasyon ng ipinatapong bayan.+ 9 Kaya ang lahat ng lalaki mula sa tribo ng Juda at Benjamin ay nagtipon sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw, noong ika-20 araw ng ikasiyam na buwan. Ang buong bayan ay nakaupo sa looban* ng bahay ng tunay na Diyos, na nanginginig dahil sa kasalukuyang sitwasyon at dahil sa malakas na ulan.
10 Pagkatapos ay tumayo ang saserdoteng si Ezra, at sinabi niya sa kanila: “Nagtaksil kayo nang mag-asawa kayo ng mga babaeng banyaga,+ kaya lalong lumaki ang kasalanan ng Israel. 11 Ngayon ay magtapat kayo kay Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno at gawin ninyo ang kalooban niya. Humiwalay kayo sa mga tao sa nakapalibot na mga lupain at sa mga asawang banyaga na ito.”+ 12 Sumagot nang malakas ang buong kongregasyon: “Pananagutan naming gawin ang lahat ng sinabi mo. 13 Pero ang dami ng tao at maulan ngayon. Hindi kami makatatagal sa labas, at hindi matatapos ang bagay na ito sa loob lang ng isa o dalawang araw, dahil marami kami na nakagawa ng kasalanang ito. 14 Kaya kung maaari, ang matataas na opisyal na lang natin ang kakatawan sa buong kongregasyon;+ at papuntahin na lang dito sa itinakdang panahon ang lahat ng nasa lunsod natin na nag-asawa ng mga babaeng banyaga, kasama ang matatandang lalaki at mga hukom ng bawat lunsod, hanggang sa mapahupa natin ang nag-aapoy na galit ng ating Diyos dahil sa bagay na ito.”
15 Tumutol dito si Jonatan na anak ni Asahel at si Jahzeias na anak ni Tikva, at sinuportahan sila ng mga Levitang sina Mesulam at Sabetai.+ 16 Pero sumunod sa napagkasunduan ang mga dating ipinatapon; at ang saserdoteng si Ezra at ang mga ulo ng mga angkan nila, na ang mga pangalan ay nasa talaan, ay nagpulong nang bukod sa unang araw ng ika-10 buwan para mag-imbestiga sa bagay na ito; 17 at sa unang araw ng unang buwan, naharap na nila ang kaso ng lahat ng lalaking nag-asawa ng banyaga. 18 Natuklasang ang ilan sa mga anak ng mga saserdote ay nag-asawa ng mga babaeng banyaga:+ ang mga anak at mga kapatid ni Jesua+ na anak ni Jehozadak, sina Maaseias, Eliezer, Jarib, at Gedalias. 19 Pero nangako sila* na paaalisin nila ang mga asawa nila. At dahil nagkasala sila, maghahandog sila ng isang lalaking tupa mula sa kawan para sa kasalanan nila.+
20 Kabilang din sa mga nagkasala ang mga sumusunod: sa mga anak ni Imer,+ sina Hanani at Zebadias; 21 sa mga anak ni Harim,+ sina Maaseias, Elias, Semaias, Jehiel, at Uzias; 22 sa mga anak ni Pasur,+ sina Elioenai, Maaseias, Ismael, Netanel, Jozabad, at Eleasa; 23 sa mga Levita, sina Jozabad, Simei, Kelaias (o, Kelita), Petahias, Juda, at Eliezer; 24 sa mga mang-aawit, si Eliasib; at sa mga bantay ng pintuang-daan, sina Salum, Telem, at Uri.
25 Ito naman ang mga nagmula sa Israel: sa mga anak ni Paros,+ sina Ramias, Izias, Malkias, Mijamin, Eleazar, Malkias, at Benaias; 26 sa mga anak ni Elam,+ sina Matanias, Zacarias, Jehiel,+ Abdi, Jeremot, at Elias; 27 sa mga anak ni Zatu,+ sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza; 28 sa mga anak ni Bebai,+ sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai; 29 sa mga anak ni Bani, sina Mesulam, Maluc, Adaias, Jasub, Seal, at Jeremot; 30 sa mga anak ni Pahat-moab,+ sina Adna, Kelal, Benaias, Maaseias, Matanias, Bezalel, Binui, at Manases; 31 sa mga anak ni Harim,+ sina Eliezer, Isias, Malkias,+ Semaias, Shimeon, 32 Benjamin, Maluc, at Semarias; 33 sa mga anak ni Hasum,+ sina Matenai, Matatah, Zabad, Elipelet, Jeremai, Manases, at Simei; 34 sa mga anak ni Bani, sina Maadai, Amram, Uel, 35 Benaias, Bedaias, Keluhi, 36 Vanias, Meremot, Eliasib, 37 Matanias, Matenai, at Jaasu; 38 sa mga anak ni Binui, sina Simei, 39 Selemias, Natan, Adaias, 40 Macnadebai, Sasai, Sharai, 41 Azarel, Selemias, Semarias, 42 Salum, Amarias, at Jose; 43 at sa mga anak ni Nebo, sina Jeiel, Matitias, Zabad, Zebina, Jadai, Joel, at Benaias. 44 Lahat sila ay nag-asawa ng mga babaeng banyaga,+ at pinaalis nila ang kanilang mga asawa at mga anak.+