Unang Cronica
21 Pagkatapos, kumilos si Satanas* laban sa Israel at inudyukan si David na bilangin ang mga Israelita.+ 2 Kaya sinabi ni David kay Joab+ at sa mga pinuno ng bayan: “Bilangin ninyo ang mga Israelita mula sa Beer-sheba hanggang sa Dan;+ pagkatapos, mag-ulat kayo sa akin para malaman ko ang bilang nila.” 3 Pero sinabi ni Joab: “Palakihin nawa ni Jehova ang bilang ng bayan niya nang 100 ulit! Panginoon kong hari, hindi ba lahat sila ay lingkod na ng aking panginoon? Bakit ito gustong gawin ng panginoon ko? Magiging dahilan ka ng pagkakasala ng Israel.”
4 Pero ang sinabi ng hari ang nasunod at hindi ang kay Joab. Kaya umalis si Joab at lumibot sa buong Israel. Pagkatapos nito, pumunta siya sa Jerusalem.+ 5 Ibinigay ngayon ni Joab kay David ang bilang ng mga nairehistro. Ang Israel ay may 1,100,000 lalaki na may espada, at ang Juda, 470,000 lalaki na may espada.+ 6 Pero hindi niya inirehistro ang Levi at Benjamin,+ dahil kasuklam-suklam kay Joab ang utos ng hari.+
7 Napakasama nito sa paningin ng tunay na Diyos, kaya pinarusahan niya ang Israel. 8 Sinabi ni David sa tunay na Diyos: “Malaking kasalanan ang nagawa ko.+ Pakisuyo, patawarin mo ang pagkakamali ng iyong lingkod,+ dahil malaking kamangmangan ang nagawa ko.”+ 9 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Gad,+ ang lingkod ni David na nakakakita ng pangitain: 10 “Pumunta ka kay David at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Bibigyan kita ng tatlong mapagpipilian. Pumili ka ng isa na gagawin ko sa iyo.”’” 11 Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi rito: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Mamili ka: 12 magkakaroon ng tatlong-taóng taggutom,+ o sa loob ng tatlong buwan ay tatalunin ka ng mga kalaban mo at maaabutan ka ng espada ng mga kaaway mo,+ o tatlong araw na pupuksa ang espada ni Jehova—salot sa lupain+—at pupuksa ang anghel ni Jehova+ sa buong teritoryo ng Israel.’ Pag-isipan mo ang isasagot ko sa nagsugo sa akin.” 13 Sinabi ni David kay Gad: “Hirap na hirap ang loob ko. Pakisuyo, mahulog nawa ako sa kamay ni Jehova, dahil napakamaawain niya.+ Huwag mo akong hayaang mahulog sa kamay ng tao.”+
14 Pagkatapos, nagpadala si Jehova ng salot+ sa Israel, at 70,000 ang namatay sa Israel.+ 15 Bukod diyan, ang tunay na Diyos ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem para pumuksa; pero nang gagawin na ito ng anghel, nakita iyon ni Jehova at nalungkot siya sa kapahamakan ng bayan,+ at sinabi niya sa anghel na tagapuksa: “Tama na!+ Ibaba mo na ang kamay mo.” Ang anghel ni Jehova ay nakatayo malapit sa giikan ni Ornan+ na Jebusita.+
16 Pagtingala ni David, nakita niya ang anghel ni Jehova na nakatayo sa pagitan ng lupa at ng langit na may hawak na espada+ na nakaturo sa Jerusalem. Si David at ang matatandang lalaki, na nakasuot ng telang-sako,+ ay agad na sumubsob sa lupa.+ 17 Sinabi ni David sa tunay na Diyos: “Hindi ba ako ang nagsabi na bilangin ang mga tao? Ako ang nagkasala. Ako ang nagkamali;+ pero ang mga tupang ito—ano ang nagawa nila? O Jehova na aking Diyos, pakisuyo, ako na lang at ang sambahayan ng aking ama ang parusahan mo; huwag mong pasapitin ang salot na ito sa bayan mo.”+
18 At inutusan ng anghel ni Jehova si Gad+ na sabihin kay David na pumunta sa giikan ni Ornan na Jebusita para magtayo roon ng isang altar para kay Jehova.+ 19 Kaya pumunta roon si David ayon sa sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Gad. 20 Samantala, habang naggigiik ng trigo si Ornan, lumingon siya at nakita niya ang anghel, at ang apat niyang anak na kasama niya ay nagtago. 21 Nang papalapit na si David, nakita siya ni Ornan, at agad itong lumabas ng giikan at sumubsob sa lupa sa harap ni David. 22 Sinabi ni David kay Ornan: “Ipagbili* mo sa akin ang giikan, para makapagtayo ako roon ng isang altar para kay Jehova at matigil ang salot sa bayan. Ipagbili mo iyon sa akin sa buong halaga nito.”+ 23 Pero sinabi ni Ornan kay David: “Sa iyo na iyon, at gawin ng panginoon kong hari kung ano ang gusto* niya. Magbibigay ako ng mga baka para gawing handog na sinusunog at ng panggiik na kareta+ para gawing panggatong at ng trigo para gawing handog na mga butil. Ibibigay ko ang lahat ng iyon.”
24 Pero sinabi ni Haring David kay Ornan: “Hindi, bibilhin ko iyon sa buong halaga nito, dahil hindi ko kukunin ang sa iyo para ibigay kay Jehova at hindi ako maghahandog ng mga haing sinusunog nang wala akong ibinayad.”+ 25 Kaya nagbayad si David kay Ornan ng 600 siklong* ginto para sa lugar na iyon. 26 At nagtayo roon si David ng isang altar+ para kay Jehova at naghandog ng mga haing sinusunog at mga haing pansalo-salo. Pagkatapos, tumawag siya kay Jehova, na sumagot sa kaniya sa pamamagitan ng apoy+ mula sa langit. At natupok ang handog na sinusunog sa ibabaw ng altar. 27 Pagkatapos, inutusan ni Jehova ang anghel+ na ibalik sa lalagyan ang espada niya. 28 Sa pagkakataong iyon, nang makita ni David na sinagot siya ni Jehova sa giikan ni Ornan na Jebusita, nagpatuloy siya sa paghahandog doon. 29 Ang tabernakulo ni Jehova na ginawa ni Moises sa ilang at ang altar ng handog na sinusunog ay nasa mataas na lugar sa Gibeon+ nang panahong iyon. 30 Pero hindi makapunta roon si David para sumangguni sa Diyos, dahil natatakot siya sa espada ng anghel ni Jehova.