Levitico
13 Sinabi pa ni Jehova kina Moises at Aaron: 2 “Kung ang isang tao ay magkaroon ng umbok, langib, o patse sa balat* at posible itong maging ketong,*+ dapat siyang dalhin kay Aaron na saserdote o sa isa sa mga anak nito, na mga saserdote.+ 3 Susuriin ng saserdote ang impeksiyon sa balat niya. Kung namuti ang balahibo sa bahaging iyon at tagos sa balat ang impeksiyon, iyon ay ketong. Susuriin iyon ng saserdote at ipahahayag siyang marumi. 4 Pero kung ang patse sa balat niya ay puti at hindi tagos sa balat at hindi namuti ang balahibo nito, ibubukod* ng saserdote ang taong may impeksiyon sa loob ng pitong araw.+ 5 Pagkatapos, susuriin siya ng saserdote sa ikapitong araw, at kung mukhang hindi lumala ang impeksiyon at hindi kumalat sa balat, ibubukod siya ng saserdote nang pitong araw pa.
6 “Dapat siyang suriing muli ng saserdote sa ikapitong araw, at kung bumabalik na sa dati nitong kulay ang naimpeksiyong bahagi at hindi kumalat sa balat, ipahahayag siyang malinis ng saserdote;+ langib lang iyon. Pagkatapos, lalabhan niya ang mga damit niya at magiging malinis siya. 7 Pero kung ang langib* ay kitang-kita na kumalat sa balat pagkatapos niyang humarap sa saserdote para maipahayag siyang malinis, haharap siyang muli* sa saserdote. 8 Susuriin ito ng saserdote, at kung kumalat sa balat ang langib, ipahahayag siyang marumi ng saserdote. Iyon ay ketong.+
9 “Kung magkaketong ang isang tao, dapat siyang dalhin sa saserdote, 10 at susuriin siya ng saserdote.+ Kung may puting umbok sa balat at pinaputi nito ang balahibo at may sariwang sugat+ sa umbok, 11 iyon ay malalang ketong, at ipahahayag siyang marumi ng saserdote. Hindi na siya ibubukod nito,+ dahil marumi siya. 12 Kung kumalat ang ketong sa balat ng isang tao at matakpan nito ang buong katawan niya, mula ulo hanggang paa, ang lahat ng makikita ng saserdote, 13 at sinuri siya ng saserdote at nakita nitong natakpan ng ketong ang buong katawan niya, ipahahayag nitong malinis* ang taong may ketong. Namuti itong lahat; malinis siya. 14 Pero kapag nagkaroon ito ng sariwang sugat, magiging marumi siya. 15 Kapag nakita ng saserdote ang sariwang sugat, ipahahayag siya nitong marumi.+ Marumi ang sariwang sugat. Iyon ay ketong.+ 16 Pero kapag namuti ulit* ang sariwang sugat, babalik siya sa saserdote. 17 Susuriin siya ng saserdote,+ at kung namuti ang impeksiyon, ipahahayag ng saserdote na malinis na ang taong may ketong. Siya ay malinis.
18 “Kung may tumubong pigsa sa balat ng isang tao at gumaling ito, 19 pero may tumubong puting umbok o puti at mamula-mulang patse sa bahagi ng balat na dating may pigsa, dapat siyang magpakita sa saserdote. 20 Susuriin ito ng saserdote,+ at kung tagos ito sa balat at namuti ang balahibo nito, ipahahayag siyang marumi ng saserdote. Iyon ay ketong na lumitaw sa pigsa. 21 Pero kung suriin ito ng saserdote at makita niyang wala itong puting balahibo at hindi ito tagos sa balat at maputla ito, ibubukod siya ng saserdote sa loob ng pitong araw.+ 22 At kung kitang-kita na kumalat ito sa balat, ipahahayag siyang marumi ng saserdote. Iyon ay ketong. 23 Pero kung hindi kumalat ang patse, iyon ay pamamaga lang dahil sa pigsa, at ipahahayag siyang malinis ng saserdote.+
24 “O kung masunog ang balat ng isang tao at magkasugat siya, at ang sariwang sugat ay maging puti at mamula-mulang patse o maging puting patse, 25 susuriin ito ng saserdote. Kung namuti ang balahibo sa patse at tagos ito sa balat, iyon ay ketong na lumitaw sa sugat, at ipahahayag siyang marumi ng saserdote. Iyon ay ketong. 26 Pero kung suriin ito ng saserdote at makita niyang walang puting balahibo sa patse at hindi ito tagos sa balat at maputla ito, ibubukod siya ng saserdote sa loob ng pitong araw.+ 27 Susuriin siya ng saserdote sa ikapitong araw, at kung kitang-kita na kumalat ito sa balat, ipahahayag siyang marumi ng saserdote. Iyon ay ketong. 28 Pero kung hindi kumalat sa balat ang patse at maputla ito, ito ay umbok lang sa sugat, at ipahahayag siyang malinis ng saserdote dahil pamamaga iyon ng sugat.
29 “Kung ang isang lalaki o babae ay magkaroon ng impeksiyon sa ulo o sa baba, 30 susuriin ito ng saserdote.+ Kung tagos ito sa balat at ang buhok doon ay madilaw at manipis, ipahahayag siyang marumi ng saserdote; iyon ay impeksiyon sa anit o sa balbas. Iyon ay ketong sa ulo o sa baba. 31 Pero kung makita ng saserdote na hindi tagos sa balat ang impeksiyon at walang itim na buhok doon, dapat ibukod ng saserdote ang taong iyon sa loob ng pitong araw.+ 32 Susuriin ng saserdote ang impeksiyon sa ikapitong araw, at kung hindi ito kumalat at hindi ito nagkaroon ng dilaw na buhok at hindi ito tagos sa balat, 33 dapat magpaahit ang taong iyon, pero hindi niya ipaaahit ang naimpeksiyong bahagi. At ibubukod siya ng saserdote sa loob ng pitong araw.
34 “Susuriin ulit ito ng saserdote sa ikapitong araw, at kung ang impeksiyon sa anit o sa balbas ay hindi kumalat sa balat at hindi tagos sa balat, ipahahayag siyang malinis ng saserdote, at dapat niyang labhan ang mga damit niya at siya ay magiging malinis. 35 Pero kung ang impeksiyon ay kitang-kita na kumalat sa balat pagkatapos niyang humarap sa saserdote para maipahayag siyang malinis, 36 susuriin siya ng saserdote, at kung kumalat ang impeksiyon sa balat, hindi na kailangang maghanap ng dilaw na buhok ang saserdote; ang taong iyon ay marumi. 37 Pero kung makita sa pagsusuri na hindi kumalat ang impeksiyon at may tumubong itim na buhok doon, gumaling na ang impeksiyon. Siya ay malinis, at ipahahayag siyang malinis ng saserdote.+
38 “Kung magkaroon ng mga patse sa balat* ang isang lalaki o babae at puti ang mga patse, 39 susuriin ng saserdote ang mga iyon.+ Kung ang mga patse sa balat ay maputlang puti, mga pantal lang iyon na lumitaw sa balat. Ang taong iyon ay malinis.
40 “Kung malugas ang buhok sa ulo ng isang tao at makalbo siya, malinis siya. 41 Kung malugas ang buhok niya sa harap ng ulo niya at makalbo iyon, malinis siya. 42 Pero kung may puti at mamula-mulang sugat na lumitaw sa kalbong bahagi ng kaniyang anit o noo, iyon ay ketong na lumitaw sa kaniyang anit o noo. 43 Susuriin siya ng saserdote, at kung puti at mamula-mula ang pamamaga ng impeksiyon sa kalbong bahagi sa tuktok ng ulo niya o sa noo niya at mukhang ketong iyon sa balat, 44 siya ay isang ketongin. Marumi siya, at dapat siyang ipahayag na marumi ng saserdote dahil sa ketong sa ulo niya. 45 Dapat punitin ng ketongin ang mga damit niya at pabayaang hindi nakaayos ang buhok* niya at dapat niyang takpan ang bigote niya at dapat siyang sumigaw, ‘Marumi, marumi!’ 46 Siya ay marumi hangga’t may ketong siya. Dahil marumi siya, dapat siyang bumukod ng tirahan. Sa labas ng kampo siya dapat tumira.+
47 “Kung magkaroon ng ketong ang isang damit, ito man ay lana o lino, 48 sa hiblang paayon man o hiblang pahalang ng lino o ng lana, o sa katad o sa anumang gawa sa katad, 49 at ang hitsura nito ay manilaw-nilaw na berde o mamula-mulang mantsa sa damit, katad, hiblang paayon, hiblang pahalang, o anumang bagay na gawa sa katad, iyon ay ketong, at dapat ipakita iyon sa saserdote. 50 Susuriin ng saserdote ang ketong, at ibubukod niya iyon sa loob ng pitong araw.+ 51 Kapag sinuri niya ang ketong sa ikapitong araw at nakita niyang kumalat ito sa damit, sa hiblang paayon, sa hiblang pahalang, o sa katad (saanman ginagamit ang katad), iyon ay malalang ketong, at marumi iyon.+ 52 Dapat niyang sunugin ang damit, ang hiblang paayon o hiblang pahalang sa lana o sa lino, o ang anumang bagay na gawa sa katad na nagkaroon ng ketong, dahil iyon ay malalang ketong. Dapat sunugin iyon.
53 “Pero kapag sinuri iyon ng saserdote at hindi kumalat ang ketong sa damit, sa hiblang paayon, sa hiblang pahalang, o sa anumang bagay na gawa sa katad, 54 uutusan sila ng saserdote na labhan ang gamit na may ketong, at ibubukod niya iyon nang pitong araw pa. 55 Pagkatapos malabhang mabuti, susuriin iyon ng saserdote. Kung hindi nagbago ang hitsura ng ketong, kahit hindi ito kumalat, marumi iyon. Dapat mong sunugin iyon dahil kinain na ng ketong ang loob o labas na bahagi nito.
56 “Pero kapag sinuri iyon ng saserdote at naging maputla ang hitsura ng bahaging may ketong pagkatapos malabhang mabuti, pupunitin niya iyon mula sa damit o sa katad o sa hiblang paayon o sa hiblang pahalang. 57 Pero kung lumitaw iyon sa iba pang bahagi ng damit o sa hiblang paayon o sa hiblang pahalang o sa anumang bagay na gawa sa katad, iyon ay kumakalat, at dapat mong sunugin ang anumang gamit na may ketong.+ 58 Pero kung mawala ang ketong sa damit o sa hiblang paayon o sa hiblang pahalang o sa anumang bagay na gawa sa katad na nilabhan mo, dapat mong labhan iyon sa ikalawang pagkakataon, at iyon ay magiging malinis.
59 “Ito ang kautusan tungkol sa ketong sa damit na yari sa lana o lino, o sa hiblang paayon o hiblang pahalang, o sa anumang bagay na gawa sa katad, para maipahayag iyon na malinis o marumi.”