Jeremias
13 Ito ang sinabi ni Jehova sa akin: “Bumili ka ng sinturong lino at isuot mo iyon, pero huwag mong ilubog iyon sa tubig.” 2 Kaya bumili ako ng sinturon gaya ng sinabi ni Jehova at isinuot ko iyon. 3 At dumating sa akin ang salita ni Jehova sa ikalawang pagkakataon: 4 “Dalhin mo ang sinturong binili mo at suot mo ngayon, at pumunta ka sa Eufrates. Itago mo iyon sa bitak ng isang malaking bato roon.” 5 Kaya pumunta ako roon at itinago ko iyon sa may Eufrates, gaya ng iniutos ni Jehova sa akin.
6 Pero pagkalipas ng maraming araw, sinabi sa akin ni Jehova: “Pumunta ka sa Eufrates at kunin mo ang sinturon na iniutos kong itago mo roon.” 7 Kaya pumunta ako sa Eufrates at hinukay ko ang sinturon at kinuha ito sa pinagtaguan ko, at nakita kong ang sinturon ay sira na; hindi na iyon mapapakinabangan.
8 Pagkatapos ay dumating sa akin ang salita ni Jehova: 9 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Ganiyan ko wawakasan ang pagmamalaki ng Juda at ang labis na kahambugan ng Jerusalem.+ 10 Ang masamang bayang ito na ayaw sumunod sa mga salita ko,+ nagmamatigas sa pagsunod sa sarili nilang puso,+ sumusunod sa ibang mga diyos, at naglilingkod at yumuyukod sa mga iyon ay magiging gaya ng sinturong ito na hindi mapapakinabangan.’ 11 ‘Dahil kung paanong ang sinturon ay nakakapit sa baywang ng isang lalaki, gayon ko pinakapit sa akin ang buong sambahayan ng Israel at ang buong sambahayan ng Juda,’ ang sabi ni Jehova, ‘para sila ay maging bayan ko,+ maging kaluwalhatian,+ kapurihan, at karangalan ko. Pero hindi sila sumunod.’+
12 “At sabihin mo rin sa kanila ang mensaheng ito, ‘Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: “Ang bawat malaking banga ay dapat punuin ng alak.”’ At sasabihin nila sa iyo, ‘Hindi ba alam na namin na ang bawat malaking banga ay dapat punuin ng alak?’ 13 At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Paiinumin ko ng alak ang lahat ng nakatira sa lupaing ito,+ ang mga haring nakaupo sa trono ni David, ang mga saserdote at ang mga propeta, at ang lahat ng taga-Jerusalem, hanggang sa malasing sila. 14 At ihahampas ko sila sa isa’t isa na parang mga banga, ang mga ama at ang mga anak na lalaki,” ang sabi ni Jehova.+ “Hindi ako mahahabag o malulungkot o maaawa sa kanila; walang makapipigil sa akin sa pagpuksa sa kanila.”’+
15 Makinig kayo at magbigay-pansin.
Huwag kayong magmalaki, dahil si Jehova ang nagsalita.
16 Luwalhatiin ninyo si Jehova na inyong Diyos
Bago siya magpasapit ng kadiliman
At bago matisod ang mga paa ninyo sa mga bundok sa dapit-hapon.
17 At kung hindi kayo makikinig,
Iiyak ako nang palihim dahil sa inyong kahambugan.
18 Sabihin mo sa hari at sa inang reyna,+ ‘Umupo kayo sa mas mababang puwesto,
Dahil ang maganda ninyong korona ay malalaglag mula sa ulo ninyo.’
19 Ang mga lunsod sa timog ay sinarhan* at walang makapagbukas sa mga iyon.
Ang buong Juda ay ipinatapon, ang lahat ng naroon ay ipinatapon.+
20 Tingnan mo ang mga dumarating mula sa hilaga.+
Nasaan ang kawan na ibinigay sa iyo, ang magaganda mong tupa?+
21 Ano ang sasabihin mo kapag dumating na ang parusa sa iyo
Mula sa itinuturing mong matatalik na kaibigan noon pa man?+
Hindi ka ba makadarama ng kirot na gaya ng nararanasan ng babaeng nanganganak?+
22 At sasabihin mo sa sarili, ‘Bakit nangyari sa akin ang mga bagay na ito?’+
Dahil sa malaking pagkakamali mo kaya hinubaran ka+
At sinaktan ang mga sakong mo.
23 “Mababago ba ng isang Cusita* ang balat niya, o ng leopardo ang mga batik nito?+
Kung oo, makagagawa rin kayo ng mabuti,
Kayo na sinanay sa paggawa ng masama.
24 Kaya pangangalatin ko silang gaya ng dayaming tinatangay ng hangin ng disyerto.+
25 Ito ang kahihinatnan mo, ang parteng ibinigay ko sa iyo,” ang sabi ni Jehova,
“Dahil kinalimutan mo ako+ at nagtitiwala ka sa mga kasinungalingan.+
26 Kaya itataas ko ang laylayan ng damit mo hanggang sa iyong mukha,
At makikita ang kahihiyan mo,+
27 Ang pangangalunya mo+ at ang mahalay mong paghalinghing,
Ang kahiya-hiya mong prostitusyon.
Sa mga burol, sa parang,
Nakita ko ang kasuklam-suklam na mga ginagawa mo.+
Kaawa-awa ka, O Jerusalem!
Hanggang kailan ka mananatiling marumi?”+