Unang Liham sa mga Taga-Tesalonica
3 Kaya nang hindi na kami makatiis, nagpasiya kaming manatili na lang sa Atenas;+ 2 at isinugo namin sa inyo si Timoteo,+ ang ating kapatid at lingkod ng Diyos alang-alang sa mabuting balita tungkol sa Kristo, para patatagin ang pananampalataya ninyo at aliwin kayo, 3 nang sa gayon, walang sinuman sa inyo ang manghina* dahil sa mga paghihirap na ito. Dahil alam ninyong hindi talaga natin maiiwasang pagdusahan ang mga bagay na ito.+ 4 Noong kasama pa namin kayo, sinasabi na namin sa inyo na magdurusa tayo, at gaya ng alam ninyo, iyan nga ang nangyari.+ 5 Kaya nang hindi na ako makatiis, may isinugo ako sa inyo para malaman kung nananatili kayong tapat,+ dahil baka sa anumang paraan ay nadaya na kayo ng Manunukso+ at nasayang na ang mga pagsisikap namin.
6 Pero kararating lang ni Timoteo+ at may dala siyang magandang balita tungkol sa inyong katapatan at pag-ibig; sinabi niya na lagi ninyong naaalaala ang masasayang panahon natin at na gustong-gusto rin ninyo kaming makita gaya ng pananabik naming makita kayo. 7 Kaya naman mga kapatid, kahit nagigipit kami at nagdurusa, napapatibay kami dahil sa inyo at sa katapatang ipinapakita ninyo.+ 8 Dahil lumalakas kami kapag nananatiling matibay ang kaugnayan ninyo sa Panginoon. 9 Paano ba kami makapagpapasalamat sa Diyos dahil talagang napasaya ninyo kami? 10 Gabi’t araw kaming marubdob na nagsusumamo na makita sana namin kayo nang personal* at mailaan ang anumang kailangan* para mapatibay ang inyong pananampalataya.+
11 Gumawa sana ng paraan ang atin mismong Diyos at Ama at ang ating Panginoong Jesus para makapunta kami sa inyo. 12 Pasaganain din sana kayo ng Panginoon, oo, pasidhiin sana niya ang pag-ibig ninyo sa isa’t isa+ at sa lahat, gaya ng nadarama namin para sa inyo, 13 para mapatatag niya ang puso ninyo at kayo ay maging walang kapintasan at banal sa harap ng ating Diyos+ at Ama sa panahon ng presensiya ng ating Panginoong Jesus+ kasama ang lahat ng kaniyang banal.