Genesis
38 Nang mga panahong iyon, iniwan ni Juda ang mga kapatid niya at nagtayo ng tolda malapit sa isang lalaking Adulamita na ang pangalan ay Hira. 2 Nakita roon ni Juda ang anak na babae ni Shua, na isang Canaanita.+ Kinuha niya ang babae at sinipingan ito, 3 kaya nagdalang-tao ang babae. Nang maglaon, nagsilang ito ng isang lalaki, at pinangalanan ito ni Juda na Er.+ 4 Nagdalang-tao siya ulit at nanganak ng isang lalaki at pinangalanan itong Onan. 5 Nanganak siya ulit ng isang lalaki at pinangalanan itong Shela. Nasa Aczib+ siya* noong manganak ang babae.
6 Nang maglaon, kumuha si Juda ng asawa para sa panganay niyang si Er, at ang pangalan nito ay Tamar.+ 7 Pero si Er, na panganay ni Juda, ay gumawa ng masama sa paningin ni Jehova; kaya pinatay siya ni Jehova. 8 Sinabi ni Juda kay Onan: “Pakasalan mo ang asawa ng kapatid mo bilang pagtupad sa pananagutan mo bilang bayaw* at sipingan mo siya para magkaroon ng anak ang namatay mong kapatid.”+ 9 Pero alam ni Onan na ang magiging anak ay hindi ituturing na kaniya.+ Kaya kapag sinisipingan niya ang asawa ng kapatid niya, sinasayang niya* ang semilya niya para hindi mabigyan ng anak ang kapatid niya.+ 10 Ang ginawa ni Onan ay masama sa paningin ni Jehova, kaya pinatay niya rin ito.+ 11 Sinabi ni Juda sa manugang niyang si Tamar: “Tumira ka muna bilang biyuda sa bahay ng iyong ama hanggang sa lumaki ang anak kong si Shela,” dahil sinabi niya sa sarili niya: ‘Baka mamatay rin siyang gaya ng mga kapatid niya.’+ Kaya umalis si Tamar at tumira sa bahay ng ama niya.
12 Lumipas ang ilang panahon at namatay ang asawa ni Juda, na anak na babae ni Shua.+ Nang matapos ang panahon ng pagdadalamhati ni Juda, pumunta siya sa mga manggugupit ng kaniyang mga tupa sa Timnah,+ kasama ang kaibigan niyang Adulamita na si Hira.+ 13 May nagsabi kay Tamar: “Ang biyenan mo ay pupunta sa Timnah para gupitan ang mga tupa niya.” 14 Dahil dito, hinubad niya ang kaniyang damit na pambiyuda at nagsuot ng belo at ng alampay, at umupo siya sa pasukan ng Enaim, na madadaanan papuntang Timnah, dahil nakita niyang malaki na si Shela pero hindi pa rin siya ibinibigay rito para maging asawa.+
15 Nang makita ni Juda si Tamar, inisip niya agad na isa itong babaeng bayaran, dahil may takip ito sa mukha. 16 Kaya nilapitan niya ito sa tabing-daan at sinabi: “Pakisuyo, pahintulutan mo akong sipingan ka,” dahil hindi niya alam na manugang niya ito.+ Sinabi nito: “Ano ang ibibigay mo sa akin para masipingan mo ako?” 17 Sumagot siya: “Magpapadala ako ng isang batang kambing mula sa kawan ko.” Pero sinabi nito: “Magbibigay ka ba ng paniguro hanggang sa maipadala mo iyon?” 18 Sinabi niya: “Anong paniguro ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot ito: “Ang iyong singsing na pantatak,+ ang panali nito, at ang tungkod na hawak mo.” Kaya ibinigay niya ang mga ito sa babae at sumiping siya rito, at ipinagbuntis nito ang anak niya. 19 Pagkatapos, tumayo ito at umalis. Inalis nito ang kaniyang alampay at isinuot ulit ang kaniyang damit na pambiyuda.
20 At ipinadala ni Juda sa kaibigan niyang Adulamita+ ang batang kambing para mabawi ang paniguro mula sa babae, pero hindi nito nakita ang babae. 21 Nagtanong-tanong siya sa mga tagaroon: “Nasaan na ang babaeng bayaran* na nasa tabi ng daan sa Enaim?” Pero sinasabi nila: “Walang babaeng bayaran dito.” 22 Kaya bumalik siya kay Juda, at sinabi niya: “Hindi ko siya nakita, at sinasabi rin ng mga tagaroon, ‘Walang babaeng bayaran dito.’” 23 Sinabi ni Juda: “Hayaan na natin sa kaniya ang mga iyon, at baka pagtawanan pa tayo ng mga tao dahil sa kakahanap sa kaniya. Basta ipinadala ko itong batang kambing, pero hindi mo naman siya nakita.”
24 Pero pagkaraan ng mga tatlong buwan, may nagsabi kay Juda: “Ang iyong manugang na si Tamar ay naging babaeng bayaran, at nagdadalang-tao siya ngayon.” Kaya sinabi ni Juda: “Ilabas ninyo siya at sunugin.”+ 25 Nang inilalabas na siya, ipinasabi niya sa biyenan niya: “Ang may-ari ng mga ito ang ama ng dinadala ko.” Idinagdag pa niya: “Pakisuyo, tingnan mong mabuti kung kanino ang mga ito, ang singsing na pantatak, ang panali nito, at ang tungkod.”+ 26 At tiningnang mabuti ni Juda ang mga iyon at sinabi: “Mas matuwid siya kaysa sa akin, dahil hindi ko siya ibinigay sa anak kong si Shela.”+ At hindi na siya muling nakipagtalik dito.
27 Nang dumating ang panahon ng panganganak niya, nalamang kambal ang nasa sinapupunan niya. 28 Habang nanganganak siya, inilabas ng isa ang kamay nito kaya kumuha agad ang komadrona ng pulang sinulid at itinali iyon sa kamay nito at sinabi: “Ito ang unang lumabas.” 29 Nang ipasok ng sanggol ang kamay niya, lumabas ang kapatid niya, kaya sinabi ng komadrona: “Napakalaking punit ang ginawa mo!” Kaya pinangalanan itong Perez.*+ 30 Pagkatapos, lumabas ang kapatid nitong may pulang sinulid sa kamay, at pinangalanan siyang Zera.+