Ikalawang Samuel
19 Ibinalita kay Joab: “Ang hari ay umiiyak at nagdadalamhati para kay Absalom.”+ 2 Kaya ang tagumpay* nang araw na iyon ay naging pagdadalamhati para sa buong bayan, dahil nalaman nila na labis na dinamdam ng hari ang pagkamatay ng anak niya. 3 Ang bayan ay tahimik na bumalik sa lunsod+ nang araw na iyon, gaya ng mga taong napahiya dahil sa pagtakas sa digmaan. 4 Tinakpan ng hari ang kaniyang mukha at umiyak nang umiyak. Isinisigaw niya: “Anak kong Absalom! Absalom, anak ko, anak ko!”+
5 Pagkatapos, pinuntahan ni Joab ang hari sa bahay at sinabi: “Ipinahiya mo ngayon ang lahat ng lingkod mo na sa araw na ito ay nagligtas sa buhay mo at sa buhay ng iyong mga anak na lalaki,+ mga anak na babae,+ mga asawa, at mga pangalawahing asawa.+ 6 Mahal mo ang mga napopoot sa iyo at napopoot ka sa mga nagmamahal sa iyo, dahil ipinakita mo ngayon na hindi mahalaga sa iyo ang mga pinuno at mga lingkod mo. Sigurado ako na kung buháy si Absalom ngayon at kaming lahat ay patay, bale-wala iyon sa iyo. 7 Tumayo ka ngayon, lumabas ka at palakasin mo ang loob* ng iyong mga lingkod, dahil sumusumpa ako sa ngalan ni Jehova na kung hindi ka lalabas, walang isa mang maiiwang kasama mo ngayong gabi. Mas masahol iyon kaysa sa lahat ng kapahamakang naranasan mo mula nang kabataan ka hanggang ngayon.” 8 Kaya tumayo ang hari at umupo sa pintuang-daan ng lunsod, at ipinaalám sa buong bayan: “Nakaupo ngayon ang hari sa pintuang-daan.” Pagkatapos, pumunta ang bayan sa harap ng hari.
Pero ang Israel* ay tumakas papunta sa kani-kaniyang bahay.+ 9 Ang lahat ng tao sa lahat ng tribo ng Israel ay nagtatalo-talo. Sinasabi nila: “Iniligtas tayo ng hari mula sa mga kaaway natin,+ at sinagip niya tayo mula sa mga Filisteo; pero ngayon ay tumakas siya sa lupain dahil kay Absalom.+ 10 At si Absalom, na pinili* nating maghari sa atin,+ ay namatay sa labanan.+ Kaya bakit wala kayong ginagawa ngayon para ibalik ang hari?”
11 Nagpadala si Haring David ng ganitong mensahe sa mga saserdoteng sina Zadok+ at Abiatar:+ “Sabihin ninyo sa matatandang lalaki ng Juda,+ ‘Bakit wala pa kayong ginagawa para maibalik ang hari sa bahay niya? Ang sinasabi ng mga tao sa buong Israel ay nakarating na sa hari sa bahay niya. 12 Mga kapatid ko kayo, mga kadugo.* Bakit wala pa kayong ginagawa para maibalik ang hari?’ 13 At sabihin ninyo kay Amasa,+ ‘Hindi ba kadugo kita? Bigyan nawa ako ng Diyos ng mabigat na parusa kung hindi ikaw ang maging pinuno ng aking hukbo mula ngayon sa halip na si Joab.’”+
14 At nakumbinsi niya ang lahat ng lalaki ng Juda, at nagpadala sila ng ganitong mensahe sa hari: “Bumalik ka, ikaw at ang lahat ng lingkod mo.”
15 Ang hari ay naglakbay pabalik at nakarating sa Jordan, at ang bayan ng Juda ay pumunta sa Gilgal+ para salubungin ang hari at samahan siya sa pagtawid sa Jordan. 16 Si Simei,+ na anak ni Gera at isang Benjaminita mula sa Bahurim, ay nagmadali at sumama sa mga lalaki ng Juda para salubungin si Haring David, 17 at may kasama siyang 1,000 lalaki mula sa Benjamin. Si Ziba,+ na tagapaglingkod ng sambahayan ni Saul, kasama ang kaniyang 15 anak na lalaki at 20 lingkod, ay nagmadali rin papunta sa Jordan at nauna sa hari. 18 Lumusong siya* sa tawiran para itawid ang sambahayan ng hari at gawin kung ano ang gustong ipagawa ng hari. Pero si Simei na anak ni Gera ay sumubsob sa harap ng hari nang patawid na ito sa Jordan. 19 Sinabi niya sa hari: “Huwag mo akong hatulan, panginoon ko, at huwag mo nang alalahanin ang pagkakamali ng iyong lingkod+ nang araw na lumabas ng Jerusalem ang panginoon kong hari. Huwag na sana itong isipin ng hari, 20 dahil alam na alam ng iyong lingkod na nagkasala ako; kaya sa buong sambahayan ni Jose, ako ang kauna-unahang pumunta rito ngayon para salubungin ang panginoon kong hari.”
21 Agad na sinabi ni Abisai+ na anak ni Zeruias:+ “Hindi ba dapat patayin si Simei sa ginawa niya? Isinumpa niya ang pinili* ni Jehova.”+ 22 Pero sinabi ni David: “Bakit kayo nakikialam, mga anak ni Zeruias?+ Bakit ninyo ako kinakalaban ngayon? May dapat bang patayin ngayon sa Israel? Hindi ko ba alam na ako ang hari ngayon sa Israel?” 23 Pagkatapos, sinabi ng hari kay Simei: “Hindi ka mamamatay.” At sumumpa sa kaniya ang hari.+
24 Si Mepiboset+ na apo ni Saul ay dumating din para salubungin ang hari. Hindi siya naglinis ng paa o naggupit ng bigote o naglaba ng damit niya mula nang araw na umalis ang hari hanggang sa araw na makabalik itong payapa. 25 Nang dumating siya sa* Jerusalem para salubungin ang hari, sinabi ng hari sa kaniya: “Bakit hindi ka sumama sa akin, Mepiboset?” 26 Sumagot siya: “Panginoon kong hari, niloko ako ng lingkod ko.+ Sinabi ko,* ‘Lagyan mo ng síya* ang asno para masakyan ko iyon at makasama ako sa hari,’ dahil lumpo ako.+ 27 Pero siniraan niya ang iyong lingkod sa panginoon kong hari.+ Gayunman, ang panginoon kong hari ay gaya ng isang anghel ng tunay na Diyos, kaya gawin mo kung ano ang mabuti sa paningin mo. 28 Puwede sanang lipulin ng panginoon kong hari ang buong sambahayan ng aking ama, pero isinama mo ang iyong lingkod sa mga kumakain sa iyong mesa.+ Kaya ano pa ang mahihiling ko sa hari?”
29 Sinabi ng hari sa kaniya: “Sapat na ang narinig ko. Ito ang desisyon ko: Maghahati kayo ni Ziba sa bukid.”+ 30 Sinabi ni Mepiboset sa hari: “Kunin na niyang lahat iyon. Sapat na sa akin na nakarating nang payapa sa bahay niya ang panginoon kong hari.”
31 Si Barzilai+ na Gileadita ay umalis sa Rogelim papunta sa Jordan para samahan ang hari sa Ilog Jordan. 32 Napakatanda na ni Barzilai, 80 taóng gulang na, at naglaan siya ng pagkain sa hari habang nakatira ito sa Mahanaim,+ dahil napakayaman niya. 33 Kaya sinabi ng hari kay Barzilai: “Tumawid kang kasama ko, at paglalaanan kita ng pagkain sa Jerusalem.”+ 34 Pero sinabi ni Barzilai sa hari: “Ilang araw* na lang ang natitira sa buhay ko. Kaya bakit pa ako sasama sa hari sa Jerusalem? 35 Ako ay 80 taóng gulang na ngayon.+ Makikita ko pa ba ang pagkakaiba ng mabuti at masama? Malalasahan ko pa ba ang kinakain at iniinom ko? Maririnig ko pa ba ang tinig ng mga mang-aawit na lalaki at babae?+ Magiging pabigat lang ang iyong lingkod sa panginoon kong hari. 36 Hindi mo na ako kailangang gantimpalaan, mahal na hari. Sapat na sa akin ang maihatid ka sa Jordan. 37 Pakisuyo, hayaan mong bumalik ang iyong lingkod, para sa sariling lunsod ko ako mamatay malapit sa libingan ng aking ama at ina.+ Pero heto ang lingkod mong si Kimham.+ Hayaan mo siyang tumawid na kasama mo, panginoon kong hari, at gawin mo para sa kaniya kung ano ang mabuti sa paningin mo.”
38 Kaya sinabi ng hari: “Kasama kong tatawid si Kimham, at gagawin ko para sa kaniya kung ano ang sa tingin mo ay mabuti; anumang hilingin mo sa akin ay gagawin ko para sa iyo.” 39 Tumawid ngayon sa Jordan ang buong bayan, at nang tumawid ang hari, hinalikan niya si Barzilai+ at pinagpala ito; at umuwi si Barzilai. 40 Nang tumawid ang hari papunta sa Gilgal,+ sumama sa kaniya si Kimham. Ang buong bayan ng Juda at ang kalahati ng bayan ng Israel ay sumama sa hari sa pagtawid.+
41 Pagkatapos, lumapit sa hari ang lahat ng lalaki ng Israel at sinabi sa kaniya: “Bakit ka palihim na kinuha ng mga kapatid naming taga-Juda para itawid ka at ang iyong sambahayan sa Jordan, pati na ang lahat ng tauhan mo?”+ 42 Sinagot ng lahat ng lalaki ng Juda ang mga lalaki ng Israel: “Dahil kamag-anak namin ang hari.+ Bakit kayo nagagalit? May kinain ba kaming ginastusan ng hari, o may kaloob bang ibinigay sa amin?”
43 Pero ang mga lalaki ng Israel ay sumagot sa mga lalaki ng Juda: “Mayroon kaming 10 bahagi sa hari, kaya mas may karapatan kami kay David kaysa sa inyo. Bakit ninyo kami hinamak? Hindi ba dapat ay kami ang maunang maghatid sa hari pabalik?” Pero nangibabaw* ang salita ng mga lalaki ng Juda sa salita ng mga lalaki ng Israel.