Unang Hari
12 Pumunta si Rehoboam sa Sikem+ dahil nagtipon doon ang buong Israel para gawin siyang hari.+ 2 At nabalitaan iyon ni Jeroboam na anak ni Nebat (nasa Ehipto pa rin siya dahil tumakas siya kay Haring Solomon at doon nanirahan).+ 3 Pagkatapos, ipinatawag nila siya. At pumunta si Jeroboam at ang buong kongregasyon ng Israel kay Rehoboam at nagsabi: 4 “Mabigat ang pasan* na ibinigay sa amin ng iyong ama.+ Pero kung pagagaanin mo ang mahirap na paglilingkod na ipinagawa ng iyong ama at ang mabigat* na pasan na ibinigay niya sa amin, maglilingkod kami sa iyo.”
5 Sinabi niya sa kanila: “Umalis muna kayo at bumalik pagkatapos ng tatlong araw.” Kaya umalis ang bayan.+ 6 Pagkatapos, sumangguni si Haring Rehoboam sa matatandang lalaki na naglingkod sa ama niyang si Solomon noong nabubuhay pa ito. Tinanong niya sila: “Sa tingin ninyo, ano ang dapat kong isagot sa bayang ito?” 7 Sumagot sila: “Kung magiging lingkod ka ngayon ng bayang ito at pagbibigyan mo ang hinihiling nila at sasagot ka sa kanila sa mabait na paraan, habambuhay silang maglilingkod sa iyo.”
8 Pero binale-wala niya ang payo ng matatandang lalaki, at sumangguni siya sa mga nakababatang lalaki na lumaking kasama niya at naglilingkod ngayon sa kaniya.+ 9 Tinanong niya ang mga ito: “Sa tingin ninyo, ano ang isasagot natin sa bayang ito na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasan na ibinigay sa amin ng iyong ama’?” 10 Sumagot ang mga nakababatang lalaki na lumaking kasama niya: “Sinabi sa iyo ng bayang ito, ‘Mabigat ang pasan na ibinigay ng iyong ama sa amin, pero dapat mo itong pagaanin.’ Ito naman ang sabihin mo sa kanila, ‘Ang hinliliit ko ay magiging mas malapad pa sa balakang ng aking ama.* 11 Nagbigay sa inyo ang ama ko ng mabigat na pasan, pero pabibigatin ko pa iyon. Pinarusahan kayo ng ama ko gamit ang latigo, pero paparusahan ko kayo gamit ang latigong may mga panusok.’”
12 Si Jeroboam at ang buong bayan ay pumunta kay Rehoboam sa ikatlong araw dahil sinabi ng hari: “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.”+ 13 Pero mabagsik ang sagot ng hari sa bayan; binale-wala niya ang payo sa kaniya ng matatandang lalaki. 14 Sinunod niya ang payo ng mga nakababatang lalaki at sinabi sa mga tao: “Mabigat ang pasan na ibinigay sa inyo ng ama ko, pero pabibigatin ko pa iyon. Pinarusahan kayo ng ama ko gamit ang latigo, pero paparusahan ko kayo gamit ang latigong may mga panusok.” 15 Hindi nakinig ang hari sa bayan, dahil si Jehova ang nagmaniobra nito,+ para matupad ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Ahias+ na Shilonita kay Jeroboam na anak ni Nebat.
16 Nang makita ng buong Israel na ayaw silang pakinggan ng hari, sinabi nila sa hari: “Wala naman pala kaming kaugnayan kay David. Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Bumalik kayo sa inyong mga diyos, O Israel. David, bahala ka na sa sambahayan mo!” At bumalik ang mga Israelita sa kani-kanilang bahay.*+ 17 Pero si Rehoboam ay patuloy na naghari sa mga Israelita na nakatira sa mga lunsod ng Juda.+
18 Pagkatapos, isinugo ni Haring Rehoboam si Adoram,+ na namamahala sa mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho, pero pinagbabato ito ng buong Israel hanggang sa mamatay. Nakasampa si Haring Rehoboam sa karwahe niya at nakatakas papunta sa Jerusalem.+ 19 At hanggang ngayon, naghihimagsik ang mga Israelita+ laban sa sambahayan ni David.
20 Nang marinig ng buong Israel na bumalik na si Jeroboam, agad silang nagtipon at ipinatawag nila siya at ginawang hari sa buong Israel.+ Walang sinuman ang sumunod sa sambahayan ni David maliban sa tribo ni Juda.+
21 Pagbalik ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya agad ang buong sambahayan ng Juda at ang tribo ni Benjamin, 180,000 sinanay na* mandirigma, para makipaglaban sa sambahayan ng Israel at ibalik ang paghahari kay Rehoboam na anak ni Solomon.+ 22 Pagkatapos, dumating kay Semaias+ na lingkod ng tunay na Diyos ang mensaheng ito ng Diyos: 23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon na hari ng Juda at sa buong sambahayan ng Juda at ng Benjamin at sa iba pa sa bayan, 24 ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Huwag kayong makipaglaban sa mga kapatid ninyong Israelita. Bumalik kayo sa inyo-inyong bahay, dahil ako ang nagmaniobra ng bagay na ito.”’”+ Kaya sinunod nila si Jehova at umuwi sila sa kani-kanilang bahay gaya ng sinabi ni Jehova.
25 At muling itinayo* ni Jeroboam ang Sikem+ sa mabundok na rehiyon ng Efraim at tumira siya roon. Pagkatapos, umalis siya roon at muling itinayo* ang Penuel.+ 26 Naisip ni Jeroboam: “Babalik ngayon ang kaharian sa sambahayan ni David.+ 27 Kung ang bayang ito ay patuloy na pupunta sa bahay ni Jehova sa Jerusalem para maghandog,+ ang puso ng bayang ito ay babalik din sa panginoon nila, kay Haring Rehoboam ng Juda. Papatayin nila ako at babalik sila kay Haring Rehoboam ng Juda.” 28 Matapos humingi ng payo, gumawa ang hari ng dalawang gintong guya*+ at sinabi sa bayan: “Masyado kayong mahihirapan kung pupunta pa kayo sa Jerusalem. Heto ang Diyos mo, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.”+ 29 Pagkatapos, inilagay niya ang isa sa Bethel,+ at ang isa pa, sa Dan.+ 30 Nagkasala sila dahil dito,+ at nagpupunta pa ang bayan sa Dan para sambahin ang guya na naroon.
31 At sa matataas na lugar ay gumawa siya ng mga bahay para sa pagsamba at nag-atas ng mga saserdote mula sa sinuman sa bayan na hindi mga Levita.+ 32 Nagpasimula rin si Jeroboam ng isang kapistahan sa ika-15 araw ng ikawalong buwan, gaya ng kapistahan sa Juda.+ Sa altar na ginawa niya sa Bethel,+ naghandog siya sa mga guya na ginawa niya. Nag-atas din siya sa Bethel ng mga saserdote para sa matataas na lugar na ginawa niya. 33 At nagsimula siyang maghandog sa altar na ginawa niya sa Bethel noong ika-15 araw ng ikawalong buwan, sa buwan na pinili niya; at nagpasimula siya ng isang kapistahan para sa bayan ng Israel, at umakyat siya sa altar para maghandog at gumawa ng haing usok.