Ikalawang Cronica
28 Si Ahaz+ ay 20 taóng gulang nang maging hari, at 16 na taon siyang namahala sa Jerusalem. Hindi niya ginawa ang tama sa paningin ni Jehova; hindi niya tinularan ang ninuno niyang si David.+ 2 Sa halip, tinularan niya ang mga hari ng Israel,+ at gumawa pa nga siya ng metal na estatuwa+ ng mga Baal. 3 Gumawa rin siya ng haing usok sa Lambak ng Anak ni Hinom* at sinunog ang mga anak niya;+ tinularan niya ang kasuklam-suklam na mga gawain ng mga bansang+ itinaboy ni Jehova mula sa harap ng mga Israelita. 4 Patuloy rin siyang naghandog at gumawa ng haing usok sa matataas na lugar,+ sa mga burol, at sa ilalim ng bawat mayabong na puno.+
5 Dahil dito, ibinigay siya ng Diyos niyang si Jehova sa kamay ng hari ng Sirya,+ kaya natalo nila siya. Kumuha sila ng maraming bihag at dinala nila ang mga ito sa Damasco.+ Ibinigay rin siya sa kamay ng hari ng Israel, na pumatay ng marami sa hukbo niya. 6 Si Peka+ na anak ni Remalias ay pumatay ng 120,000 sa Juda sa isang araw, lahat ay magigiting na lalaki, dahil iniwan nila si Jehova na Diyos ng mga ninuno nila.+ 7 At pinatay ni Zicri, na isang mandirigmang Efraimita, ang anak ng hari na si Maaseias at si Azrikam, na namamahala sa palasyo,* at si Elkana, na pumapangalawa sa hari. 8 Bukod diyan, bumihag ang mga Israelita ng 200,000 sa kanilang mga kapatid—mga babae, mga anak na lalaki, at mga anak na babae; napakarami rin nilang nasamsam, at dinala nila ang mga ito sa Samaria.+
9 Pero isang propeta ni Jehova na nagngangalang Oded ang naroon. Sinalubong niya ang hukbong papunta sa Samaria at sinabi sa kanila: “Galit sa Juda si Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno kaya ibinigay niya sila sa inyong kamay,+ at pinagpapatay ninyo sila nang may matinding galit na umabot hanggang sa langit. 10 At ngayon ay gusto ninyong gawing mga alilang lalaki at babae ang mga taga-Juda at taga-Jerusalem.+ Hindi ba may kasalanan din kayo kay Jehova na inyong Diyos? 11 Ngayon ay makinig kayo sa akin at ibalik ninyo ang mga binihag ninyo mula sa inyong mga kapatid, dahil nag-aapoy ang galit sa inyo ni Jehova.”
12 At ang ilan sa mga pinuno ng mga Efraimita, si Azarias na anak ni Jehohanan, si Berekias na anak ni Mesilemot, si Jehizkias na anak ni Salum, at si Amasa na anak ni Hadlai, ay sumalubong sa mga dumarating mula sa pakikipagdigma, 13 at sinabi nila sa mga ito: “Huwag ninyong dalhin dito ang mga bihag, dahil magkakasala tayo kay Jehova. Sa iniisip ninyong gawin, madaragdagan lang ang kasalanan natin. Napakalaki na ng kasalanan natin at nag-aapoy ang galit ng Diyos sa Israel.” 14 Kaya ibinigay ng nasasandatahang mga sundalo sa matataas na opisyal at sa buong kongregasyon ang mga bihag at ang nasamsam nila.+ 15 Kinuha ng mga lalaking inatasan ang mga bihag, at binigyan nila ng damit mula sa samsam ang mga walang damit. Dinamtan nila ang mga ito at binigyan ng mga sandalyas, pagkain at inumin, at langis para sa balat. Bukod diyan, isinakay nila sa mga asno ang mahihina at dinala sa mga kapatid ng mga ito sa Jerico, na lunsod ng mga puno ng palma. Pagkatapos, bumalik sila sa Samaria.
16 Nang panahong iyon, humingi ng tulong si Haring Ahaz sa mga hari ng Asirya.+ 17 At muling sumalakay sa Juda ang mga Edomita at kumuha ng mga bihag. 18 Lumusob din ang mga Filisteo+ sa mga lunsod ng Sepela+ at sa Negeb ng Juda at sinakop ang Bet-semes,+ Aijalon,+ Gederot, ang Soco at ang katabing mga nayon nito,* ang Timnah+ at ang katabing mga nayon nito, at ang Gimzo at ang katabing mga nayon nito; at tumira sila roon. 19 Ibinaba ni Jehova ang Juda dahil kay Haring Ahaz ng Israel, dahil hinayaan nitong magpakasama ang Juda at nakagawa sila ng malaking kataksilan kay Jehova.
20 Nang maglaon, kinalaban siya at pinahirapan+ ni Haring Tilgat-pilneser+ ng Asirya sa halip na tulungan siya. 21 Kinuha ni Ahaz ang mga kayamanan sa bahay ni Jehova at sa bahay* ng hari+ at sa mga bahay ng matataas na opisyal at binigyan niya ng regalo ang hari ng Asirya; pero hindi iyon nakatulong sa kaniya. 22 At sa panahong nagigipit siya, lalo pang naging di-tapat si Haring Ahaz kay Jehova. 23 Naghandog siya sa mga diyos ng Damasco+ na tumalo sa kaniya,+ at sinabi niya: “Ang mga hari ng Sirya ay tinutulungan ng mga diyos nila, kaya maghahandog ako sa mga diyos nila para tulungan ako ng mga iyon.”+ Pero dahil sa mga iyon, bumagsak siya at ang buong Israel. 24 Tinipon din ni Ahaz ang mga kagamitan sa bahay ng tunay na Diyos; pagkatapos, pinagputol-putol niya ang mga kagamitan sa bahay ng tunay na Diyos,+ isinara niya ang mga pinto ng bahay ni Jehova,+ at gumawa siya ng mga altar sa bawat kanto ng Jerusalem. 25 At sa lahat ng lunsod ng Juda, gumawa siya ng matataas na lugar para sa paggawa ng haing usok sa ibang mga diyos,+ at ginalit niya si Jehova na Diyos ng kaniyang mga ninuno.
26 Ang iba pang nangyari sa kaniya, ang lahat ng ginawa niya mula sa umpisa hanggang sa katapusan, ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at ng Israel.+ 27 Pagkatapos, si Ahaz ay namatay,* at inilibing nila siya sa lunsod, sa Jerusalem, pero hindi sa libingan ng mga hari ng Israel.+ At ang anak niyang si Hezekias ang naging hari kapalit niya.