Levitico
4 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Ito ang dapat gawin kung ang isang tao ay di-sinasadyang magkasala+ dahil sa paggawa ng alinman sa mga ipinagbabawal ni Jehova:
3 “‘Kung ang inatasang* saserdote+ ay magkasala+ at naging dahilan ito ng pagkakasala ng bayan, dapat siyang maghandog kay Jehova ng isang malusog na batang toro* bilang handog para sa kasalanan.+ 4 Dadalhin niya ang toro sa pasukan ng tolda ng pagpupulong+ sa harap ni Jehova at ipapatong ang kamay niya sa ulo ng toro, at papatayin niya ang toro sa harap ni Jehova.+ 5 Pagkatapos, ang inatasang* saserdote+ ay kukuha ng dugo ng toro at dadalhin iyon sa loob ng tolda ng pagpupulong; 6 at isasawsaw ng saserdote ang daliri niya sa dugo+ at patutuluin ang dugo nang pitong ulit+ sa harap ni Jehova sa tapat ng kurtina ng banal na lugar. 7 Ang saserdote ay magpapahid din ng dugo sa mga sungay ng altar ng mabangong insenso,+ na nasa harap ni Jehova sa tolda ng pagpupulong; at ang lahat ng matitirang dugo ng toro ay ibubuhos niya sa paanan ng altar ng handog na sinusunog,+ na nasa pasukan ng tolda ng pagpupulong.
8 “‘Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng toro na handog para sa kasalanan: ang taba na nakapalibot sa mga bituka, ang taba na bumabalot sa mga bituka, 9 at ang dalawang bato pati ang taba ng mga iyon na malapit sa balakang. Kukunin din niya ang lamad* sa atay kasama ng mga bato.+ 10 Katulad iyon ng kinukuha sa toro na haing pansalo-salo.+ Susunugin iyon ng saserdote para pumailanlang ang usok mula sa altar ng handog na sinusunog.
11 “‘Pero ang balat ng toro at lahat ng karne nito pati na ang ulo, mga binti, mga bituka, at dumi nito+— 12 ang lahat ng natira sa toro—ay dadalhin niya sa labas ng kampo, sa isang malinis na lugar kung saan itinatapon ang abo,* at susunugin niya iyon sa ibabaw ng kahoy.+ Susunugin iyon sa pinagtatapunan ng abo.
13 “‘At kung ang buong bayan ng Israel ay magkasala nang di-sinasadya,+ pero hindi alam ng kongregasyon na may nagawa silang isang bagay na ipinagbabawal ni Jehova,+ 14 at pagkatapos ay naging hayag ang kasalanan, dapat maghandog ang kongregasyon ng isang batang toro bilang handog para sa kasalanan at dalhin iyon sa harap ng tolda ng pagpupulong. 15 Ipapatong ng matatandang lalaki ng bayan ang mga kamay nila sa ulo ng toro sa harap ni Jehova, at papatayin ang toro sa harap ni Jehova.
16 “‘Ang inatasang* saserdote ay magdadala ng dugo ng toro sa loob ng tolda ng pagpupulong. 17 Isasawsaw ng saserdote ang daliri niya sa dugo at patutuluin ang dugo nang pitong ulit sa harap ni Jehova sa tapat ng kurtina.+ 18 At papahiran niya ng dugo ang mga sungay ng altar+ na nasa harap ni Jehova, na nasa tolda ng pagpupulong; at ang lahat ng matitirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar ng handog na sinusunog, na nasa pasukan ng tolda ng pagpupulong.+ 19 Kukunin niya ang lahat ng taba nito at susunugin para pumailanlang mula sa altar ang usok.+ 20 Ang gagawin niya sa toro ay gaya ng ginawa niya sa isa pang toro na handog para sa kasalanan. Gayon ang gagawin niya roon, at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kanila,+ at mapatatawad sila. 21 Dadalhin niya ang toro sa labas ng kampo at susunugin iyon, gaya ng pagsunog niya sa unang toro.+ Iyon ay handog para sa kasalanan ng kongregasyon.+
22 “‘Kapag ang isang pinuno+ ay nagkasala dahil nagawa niya nang di-sinasadya ang isang bagay na ipinagbabawal ng Diyos niyang si Jehova, 23 o nalaman niyang may nagawa siyang kasalanan laban sa kautusan, dapat siyang magdala ng isang malusog at batang kambing na lalaki bilang handog. 24 Ipapatong niya ang kamay niya sa ulo ng batang kambing at papatayin iyon sa lugar kung saan pinapatay ang handog na sinusunog sa harap ni Jehova.+ Iyon ay handog para sa kasalanan. 25 Isasawsaw ng saserdote ang daliri niya sa dugo ng handog para sa kasalanan at ipapahid iyon sa mga sungay+ ng altar ng handog na sinusunog, at ang matitirang dugo nito ay ibubuhos niya sa paanan ng altar ng handog na sinusunog.+ 26 Susunugin niya ang lahat ng taba nito para pumailanlang mula sa altar ang usok nito tulad ng taba ng haing pansalo-salo;+ at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya dahil sa kasalanan niya, at mapatatawad siya.
27 “‘Kung ang isang karaniwang tao ay magkasala dahil nagawa niya nang di-sinasadya ang isang bagay na ipinagbabawal ni Jehova+ 28 o nalaman niyang may nagawa siyang kasalanan, dapat siyang magdala ng isang malusog at batang babaeng kambing bilang handog para sa kasalanan niya. 29 Ipapatong niya ang kamay niya sa ulo ng handog para sa kasalanan, at papatayin ang handog para sa kasalanan kung saan din pinapatay ang handog na sinusunog.+ 30 Isasawsaw ng saserdote ang daliri niya sa dugo nito at ipapahid iyon sa mga sungay ng altar ng handog na sinusunog, at ang lahat ng matitirang dugo nito ay ibubuhos niya sa paanan ng altar.+ 31 Kukunin niya ang lahat ng taba nito+ kung paanong kinukuha ang taba ng haing pansalo-salo,+ at susunugin iyon ng saserdote para pumailanlang mula sa altar ang usok nito, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova; at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya, at mapatatawad siya.
32 “‘Pero kung mag-aalay siya ng isang kordero* bilang kaniyang handog para sa kasalanan, dapat siyang magdala ng isang malusog na babaeng kordero. 33 Ipapatong niya ang kamay niya sa ulo ng handog para sa kasalanan at papatayin iyon bilang handog para sa kasalanan kung saan pinapatay ang handog na sinusunog.+ 34 Isasawsaw ng saserdote ang daliri niya sa dugo ng handog para sa kasalanan at ipapahid iyon sa mga sungay ng altar ng handog na sinusunog,+ at ang lahat ng matitirang dugo nito ay ibubuhos niya sa paanan ng altar. 35 Kukunin niya ang lahat ng taba nito kung paanong kinukuha ang taba ng batang lalaking tupa na haing pansalo-salo, at susunugin iyon ng saserdote para pumailanlang ang usok nito mula sa altar sa ibabaw ng mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy;+ at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya dahil sa nagawa niyang kasalanan, at mapatatawad siya.+