Ezekiel
3 At sinabi niya: “Anak ng tao, kainin mo ang nasa harap mo. Kainin mo ang balumbong ito, at puntahan mo ang sambahayan ng Israel, at kausapin mo sila.”+
2 Kaya ibinuka ko ang bibig ko, at ipinakain niya sa akin ang balumbong ito. 3 Sinabi pa niya: “Anak ng tao, kainin mo ang balumbong ito na ibinibigay ko sa iyo, at punuin mo nito ang tiyan mo.” Kaya kinain ko iyon, at sintamis iyon ng pulot-pukyutan sa bibig ko.+
4 Sinabi niya: “Anak ng tao, puntahan mo ang sambahayan ng Israel at sabihin mo sa kanila ang mga salita ko. 5 Dahil hindi ka isinusugo sa isang bayang di-maintindihan o kakaiba ang wika, kundi sa sambahayan ng Israel. 6 Hindi ka isinusugo sa maraming bayan na di-maintindihan o kakaiba ang wika, na hindi mo maunawaan ang mga salita. Kung sa kanila kita isusugo, makikinig sila sa iyo.+ 7 Pero hindi makikinig sa iyo ang sambahayan ng Israel, dahil ayaw nilang makinig sa akin.+ Matitigas ang ulo at puso ng lahat ng nasa sambahayan ng Israel.+ 8 Ginawa kong sintigas ng mukha nila ang iyong mukha at sintigas ng noo nila ang iyong noo.+ 9 Ginawa kong gaya ng diamante ang iyong noo, mas matigas pa kaysa sa bato.*+ Huwag kang matakot sa kanila o sa mga tingin nila,+ dahil sila ay isang rebeldeng sambahayan.”
10 Sinabi pa niya: “Anak ng tao, pakinggan mo at isapuso ang lahat ng sinasabi ko sa iyo. 11 Puntahan mo ang mga kababayan* mong ipinatapon,+ at kausapin mo sila. Sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova,’ makinig man sila o hindi.”+
12 Dinala ako ng isang espiritu+ at narinig ko sa likuran ko ang isang malakas na ugong na nagsabi: “Purihin nawa mula sa kaniyang dako ang kaluwalhatian ni Jehova.” 13 Maririnig ang pagaspas ng mga pakpak ng buháy na mga nilalang habang sumasagi sa isa’t isa+ at ang tunog ng mga gulong sa tabi nila+ at ang malakas na ugong. 14 At dinala ako ng espiritu. Naiinis ako at galit na galit, at talagang napakilos ako ng kapangyarihan* ni Jehova. 15 Kaya pinuntahan ko ang mga ipinatapon sa Tel-abib, na naninirahan sa tabi ng ilog ng Kebar,+ at nanatili ako doon kung saan sila naninirahan; pitong araw akong nanatiling kasama nila, at wala ako sa sarili ko.+
16 Sa pagtatapos ng pitong araw, dumating sa akin ang salita ni Jehova:
17 “Anak ng tao, inaatasan kitang maging bantay sa sambahayan ng Israel;+ at kapag may narinig kang salita mula sa aking bibig, babalaan mo sila.+ 18 Kapag sinabi ko sa masama, ‘Tiyak na mamamatay ka,’ pero hindi mo siya binigyan ng babala at sinabihan na talikuran ang masama niyang landasin para mabuhay siya,+ mamamatay siya dahil sa kasalanan niya at dahil masama siya,+ pero sisingilin ko sa iyo ang* dugo niya.+ 19 Pero kung binigyan mo ng babala ang masama at hindi niya tinalikuran ang kasamaan niya at ang masamang landasin niya, mamamatay siya dahil sa kasalanan niya, pero maililigtas mo ang buhay mo.+ 20 Pero kapag tinalikuran ng matuwid ang pagiging matuwid niya at ginawa ang mali,* maglalagay ako ng katitisuran sa harap niya at mamamatay siya.+ Kung hindi mo siya bababalaan, mamamatay siya dahil sa kasalanan niya at malilimutan ang mga ginawa niyang matuwid, pero sisingilin ko sa iyo ang* dugo niya.+ 21 Pero kung nagbabala ka sa matuwid para hindi siya magkasala, at hindi nga siya nagkasala, tiyak na patuloy siyang mabubuhay dahil nababalaan siya,+ at maililigtas mo ang buhay mo.”
22 Doon, sumaakin ang kapangyarihan* ni Jehova. Sinabi niya: “Tumayo ka at pumunta sa kapatagan, at makikipag-usap ako sa iyo roon.” 23 Kaya tumayo ako at pumunta sa kapatagan, at naroon ang kaluwalhatian ni Jehova,+ na gaya ng kaluwalhatiang nakita ko sa tabi ng ilog ng Kebar,+ at sumubsob ako. 24 At sumaakin ang espiritu at itinayo ako nito,+ at sinabi niya sa akin:
“Umuwi ka at magkulong sa bahay mo. 25 At ikaw, anak ng tao, ay igagapos nila ng mga lubid para hindi mo sila mapuntahan. 26 At padidikitin ko ang dila mo sa ngalangala mo, at mapipipi ka at hindi mo sila masasaway, dahil sila ay isang rebeldeng sambahayan. 27 Pero kapag nakipag-usap ako sa iyo, ibubuka ko ang bibig mo, at dapat mong sabihin sa kanila,+ ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.’ Hayaang makinig ang nakikinig,+ at hayaang hindi makinig ang ayaw makinig, dahil sila ay isang rebeldeng sambahayan.+