Genesis
48 Pagkatapos ng mga ito, may nagsabi kay Jose: “Ang iyong ama ay humihina na.” Kaya isinama niya ang dalawa niyang anak na sina Manases at Efraim.+ 2 At sinabi kay Jacob: “Narito ang anak mong si Jose.” Kaya ginamit ni Israel ang buo niyang lakas at umupo siya sa higaan. 3 At sinabi ni Jacob kay Jose:
“Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ay nagpakita sa akin sa Luz, sa lupain ng Canaan, at pinagpala niya ako.+ 4 Sinabi niya sa akin, ‘Gagawin kitang palaanakin, at pararamihin kita, at pagmumulan ka ng maraming bayan,*+ at ibibigay ko ang lupaing ito sa magiging mga supling* mo para maging pag-aari nila magpakailanman.’+ 5 Ngayon, sa akin na ang dalawa mong anak na isinilang sa lupain ng Ehipto bago ako pumunta sa iyo sa Ehipto.+ Sina Efraim at Manases ay magiging akin tulad nina Ruben at Simeon.+ 6 Pero ang mga anak mo na kasunod ng mga ito ay magiging iyo. Mapapasailalim sila sa pangalan ng mga kapatid nila at tatanggap ng mana mula sa bahagi ng mga ito.+ 7 Kung tungkol sa akin, nang manggaling ako sa Padan, namatay si Raquel+ sa tabi ko sa lupain ng Canaan, samantalang malayo-layo pa kami sa Eprat.+ Kaya inilibing ko siya doon sa daan papuntang Eprat, na siyang Betlehem.”+
8 Pagkatapos, nakita ni Israel ang mga anak ni Jose at nagtanong: “Sino ang mga ito?” 9 Sinabi ni Jose sa ama niya: “Sila ang mga anak ko na ibinigay ng Diyos sa akin sa lugar na ito.”+ Kaya sinabi nito: “Pakisuyo, ilapit mo sila sa akin para pagpalain ko sila.”+ 10 Malabo na ang mga mata ni Israel dahil sa katandaan, at halos hindi na siya makakita. Kaya inilapit sila ni Jose sa kaniya, at hinalikan niya ang mga ito at niyakap. 11 Sinabi ni Israel kay Jose: “Hindi ko akalaing makikita ko pa ulit ang iyong mukha,+ pero bukod sa iyo, ipinakita rin sa akin ng Diyos ang mga anak* mo.” 12 At inilayo sila ni Jose mula sa mga tuhod ni Israel, at yumukod siya sa lupa.
13 Muling inilapit ni Jose sa ama niya ang dalawa niyang anak; si Efraim+ na nasa kanang kamay niya ay ipinuwesto niya sa kaliwa ni Israel at si Manases+ na nasa kaliwang kamay niya ay ipinuwesto niya sa kanan ni Israel. 14 Pero iniunat ni Israel ang kanang kamay niya at ipinatong sa ulo ni Efraim, bagaman ito ang nakababata, at ipinatong niya ang kaliwang kamay niya sa ulo ni Manases. Sinadya niyang ipatong ang mga kamay niya sa ganoong paraan, kahit si Manases ang panganay.+ 15 At pinagpala niya si Jose at sinabi:+
“Ang tunay na Diyos na sinundan ng mga ama kong sina Abraham at Isaac,+
Ang tunay na Diyos na nagpapastol sa akin sa buong buhay ko hanggang sa araw na ito,+
16 Ang isa na gumagamit ng anghel para iligtas ako sa lahat ng kapahamakan,+ pagpalain mo ang mga bata.+
Dalhin nawa nila ang pangalan ko at ang pangalan ng mga ama kong sina Abraham at Isaac,
Dumami nawa sila nang napakarami sa lupa.”+
17 Nang makita ni Jose na hindi inaalis ng ama niya ang kanang kamay nito sa ulo ni Efraim, hindi niya iyon nagustuhan, kaya sinubukan niyang ilipat sa ulo ni Manases ang kamay ng ama niya na nakapatong sa ulo ni Efraim. 18 Sinabi ni Jose sa ama niya: “Hindi, ama ko, ito ang panganay.+ Ilagay po ninyo sa ulo niya ang inyong kanang kamay.” 19 Pero tumatanggi ang ama niya, at sinabi nito: “Alam ko, anak ko, alam ko. Siya rin ay magiging isang bayan, at siya rin ay magiging dakila. Gayunman, ang nakababata niyang kapatid ay magiging mas dakila kaysa sa kaniya,+ at ang dami ng magiging supling* nito ay sapat para makabuo ng mga bansa.”+ 20 Kaya patuloy niya silang pinagpala nang araw na iyon,+ na sinasabi:
“Banggitin ka nawa ng Israel kapag bumibigkas sila ng mga pagpapala, na sinasabi,
‘Gawin ka nawa ng Diyos na tulad ni Efraim at tulad ni Manases.’”
Sa gayon, lagi niyang inuuna si Efraim kaysa kay Manases.
21 Pagkatapos, sinabi ni Israel kay Jose: “Mamamatay na ako,+ pero patuloy na sasainyo ang Diyos at tiyak na ibabalik niya kayo sa lupain ng inyong mga ninuno.+ 22 At kumpara sa mga kapatid mo, tatanggap ka mula sa akin ng isa pang bahagi ng lupain,* na kinuha ko mula sa kamay ng mga Amorita sa pamamagitan ng aking espada at pana.”