Unang Samuel
16 Nang maglaon, sinabi ni Jehova kay Samuel: “Hanggang kailan ka magdadalamhati para kay Saul+ ngayong itinakwil ko na siya mula sa pamamahala bilang hari sa Israel?+ Punuin mo ng langis ang sungay+ at lumakad ka na. Isusugo kita kay Jesse+ na Betlehemita, dahil pumili ako mula sa mga anak niya ng isang hari.”+ 2 Pero sinabi ni Samuel: “Paano ako makakapunta? Kapag narinig iyon ni Saul, papatayin niya ako.”+ Sumagot si Jehova: “Magdala ka ng batang baka at sabihin mo, ‘Pumunta ako rito para maghandog kay Jehova.’ 3 Anyayahan mo si Jesse sa paghahandog; pagkatapos, ipaaalam ko sa iyo kung ano ang gagawin. At papahiran mo ng langis para sa akin ang isa na sasabihin kong pahiran mo.”+
4 Ginawa ni Samuel ang sinabi ni Jehova. Pagdating niya sa Betlehem,+ nanginginig siyang sinalubong ng matatandang lalaki ng lunsod, at sinabi nila: “Kapayapaan ba ang dala mo?” 5 Sumagot siya: “Oo, kapayapaan. Pumunta ako rito para maghandog kay Jehova. Pabanalin ninyo ang inyong sarili, at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” Pagkatapos, pinabanal niya si Jesse at ang mga anak nito, at ipinatawag niya sila sa paghahandog. 6 Nang dumating sila, nakita niya si Eliab+ at sinabi niya: “Siguradong ito ang pinili* ni Jehova.” 7 Pero sinabi ni Jehova kay Samuel: “Huwag kang tumingin sa hitsura niya at kung gaano siya katangkad;+ hindi ko siya pinili. Dahil ang pagtingin ng tao ay hindi gaya ng pagtingin ng Diyos. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo,* pero si Jehova ay tumitingin sa puso.”+ 8 Pagkatapos, tinawag ni Jesse si Abinadab+ at iniharap ito kay Samuel, pero sinabi niya: “Hindi rin ito ang pinili ni Jehova.” 9 Sumunod ay iniharap ni Jesse si Shamah,+ pero sinabi niya: “Hindi rin ito ang pinili ni Jehova.” 10 Sa gayon ay iniharap ni Jesse kay Samuel ang pito sa mga anak niya, pero sinabi ni Samuel kay Jesse: “Hindi pinili ni Jehova ang sinuman sa mga ito.”
11 Bandang huli, sinabi ni Samuel kay Jesse: “Ito na ba ang lahat ng anak mong lalaki?” Sumagot ito: “Wala pa ang bunso;+ nagpapastol siya ng mga tupa.”+ Kaya sinabi ni Samuel kay Jesse: “Ipasundo mo siya, dahil hindi tayo uupo para kumain hangga’t hindi siya dumarating dito.” 12 Kaya ipinasundo niya siya at iniharap kay Samuel. Siya ay may mamula-mulang kutis, may magagandang mata, at guwapo.+ Pagkatapos, sinabi ni Jehova: “Tumayo ka, pahiran mo siya ng langis, dahil siya ang pinili ko!”+ 13 Kaya kinuha ni Samuel ang sungay ng langis+ at pinahiran si David sa harap ng mga kapatid niya. At ang espiritu ni Jehova ay sumakaniya* mula nang araw na iyon.+ Nang maglaon, pumunta si Samuel sa Rama.+
14 Ngayon, iniwan na ng espiritu ni Jehova si Saul.+ Kaya hinayaan ni Jehova na ligaligin si Saul ng masamang kaisipan.*+ 15 Sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kaniya: “Hinayaan ng Diyos na ligaligin ka ng masamang kaisipan. 16 Pakisuyo, panginoon, utusan mo ang iyong mga lingkod na nasa harap mo na maghanap ng isang lalaking magaling tumugtog ng alpa.+ Kapag hinahayaan ng Diyos na ligaligin ka ng masamang kaisipan, patutugtugin niya iyon, at bubuti ang pakiramdam mo.” 17 Kaya sinabi ni Saul sa mga lingkod niya: “Pakisuyo, ihanap ninyo ako ng lalaking mahusay tumugtog, at dalhin ninyo siya sa akin.”
18 Sinabi ng isa sa mga tagapaglingkod: “Nakita ko kung gaano kagaling tumugtog ang isa sa mga anak ni Jesse na Betlehemita, at siya ay isang matapang at malakas na mandirigma.+ Mahusay siyang magsalita at guwapo,+ at sumasakaniya si Jehova.”+ 19 At nagsugo si Saul ng mga mensahero kay Jesse para sabihin: “Papuntahin mo sa akin ang anak mong si David, na nagpapastol ng kawan.”+ 20 Kaya nagkarga si Jesse sa isang asno ng tinapay, isang balat na sisidlan ng alak, at isang batang kambing, at ipinadala niya ang mga iyon kay Saul kasama ng anak niyang si David. 21 At pumunta si David kay Saul at nagsimulang maglingkod sa kaniya.+ Napamahal siya nang husto kay Saul, at siya ay naging tagapagdala niya ng sandata. 22 Nagpadala ng mensahe si Saul kay Jesse: “Pakisuyo, hayaan mong patuloy na maglingkod si David sa akin, dahil magaan ang loob ko sa kaniya.” 23 Tuwing hinahayaan ng Diyos na ligaligin si Saul ng masamang kaisipan, kinukuha ni David ang alpa at pinatutugtog ito, at nagiginhawahan si Saul at bumubuti ang pakiramdam niya, at napapanatag ang isip niya.*+