Jeremias
11 Ito ang salita na dumating kay Jeremias mula kay Jehova: 2 “Pakinggan ninyo ang sinasabi ng tipang ito, O bayan!
“Ihayag mo* ito sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem, 3 at sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: “Sumpain ang taong hindi sumusunod sa mga salita ng tipang ito,+ 4 na iniutos ko sa mga ninuno ninyo nang araw na ilabas ko sila mula sa lupain ng Ehipto,+ mula sa hurnong tunawan ng bakal,+ ‘Makinig kayo sa tinig ko, at sundin ninyo ang mga iniuutos ko sa inyo; at kayo ay magiging bayan ko at ako ay magiging Diyos ninyo,+ 5 para matupad ko ang ipinanata ko sa mga ninuno ninyo, na ibibigay ko sa kanila ang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,+ gaya ng sa araw na ito.’”’”
At sumagot ako: “Amen,* O Jehova.”
6 Pagkatapos ay sinabi ni Jehova sa akin: “Ihayag mo ang lahat ng salitang ito sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem: ‘Pakinggan ninyo ang mga salita ng tipang ito, at gawin ninyo ang mga ito. 7 Dahil mahigpit kong tinagubilinan ang mga ninuno ninyo mula nang araw na ilabas ko sila sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito; paulit-ulit ko silang sinasabihan:* “Makinig kayo sa tinig ko.”+ 8 Pero hindi sila nakinig o nagbigay-pansin, kundi bawat isa sa kanila ay nagmatigas sa pagsunod sa sarili niyang masamang puso.+ Kaya pinasapit ko sa kanila ang lahat ng salita ng tipang ito, dahil hindi nila sinunod ang iniutos ko sa kanila.’”
9 Pagkatapos ay sinabi ni Jehova sa akin: “May sabuwatan sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem. 10 Inulit nila ang mga pagkakamali ng mga ninuno nila, na ayaw sumunod sa mga salita ko.+ Sumunod din sila sa ibang mga diyos at naglingkod sa mga iyon.+ Sinira ng sambahayan ng Israel at ng sambahayan ng Juda ang tipan na ipinakipagtipan ko sa mga ninuno nila.+ 11 Kaya ito ang sinabi ni Jehova, ‘Magdadala ako sa kanila ng kapahamakang+ hindi nila matatakasan. Kapag humingi sila ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan.+ 12 At ang mga lunsod ng Juda at ang mga taga-Jerusalem ay hihingi ng tulong sa mga diyos na pinaghahandugan nila,*+ pero hindi sila maililigtas ng mga iyon sa panahon ng kanilang kapahamakan. 13 Dahil ang mga diyos mo ay naging kasindami ng mga lunsod mo, O Juda, at para sa kahiya-hiyang bagay* ay nagtayo kayo ng mga altar na kasindami ng mga lansangan sa Jerusalem, mga altar para sa paghahandog kay Baal.’+
14 “At ikaw,* huwag kang manalangin para sa bayang ito. Huwag kang tumawag sa akin alang-alang sa kanila o manalangin para sa kanila;+ hindi ako makikinig kapag tumawag sila sa akin dahil sa kanilang kapahamakan.
15 Ano ang karapatan ng minamahal ko na pumasok sa bahay ko
Gayong napakarami ang gumawa ng masama?
Sa pamamagitan ba ng banal na karne* ay maiiwasan nila ang kapahamakan kapag dumating na ito?
Magsasaya ka* ba sa panahong iyon?
16 Dati ay tinatawag ka ni Jehova na isang mayabong na punong olibo,
Na maganda ang bunga.
Kasabay ng malakas na ingay ay sinilaban niya siya sa apoy,
At binali nila ang mga sanga nito.
17 “Sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang nagtanim sa iyo,+ na isang kapahamakan ang darating sa iyo dahil sa kasamaang ginawa ng sambahayan ng Israel at ng sambahayan ng Juda, na gumalit sa akin sa pamamagitan ng paghahandog kay Baal.”+
18 Sinabi ito sa akin ni Jehova para malaman ko;
Nang panahong iyon, ipinakita mo sa akin ang ginagawa nila.
19 Ako ay tulad ng maamong kordero* na dinadala sa katayan.
Hindi ko alam na may binabalak silang masama sa akin:+
“Sirain natin ang puno, pati ang bunga nito,
At wakasan natin ang buhay niya,
Para ang pangalan niya ay hindi na maalaala pa.”
20 Pero si Jehova ng mga hukbo ay humahatol nang makatarungan;
Ipakita mo sa akin ang paghihiganti mo sa kanila,
Dahil sa iyo ko ipinagkatiwala ang kaso ko.
21 Kaya ito ang sinabi ni Jehova laban sa mga taga-Anatot+ na gustong pumatay sa akin* at nagsasabi: “Huwag kang manghula sa pangalan ni Jehova;+ kung hindi ay papatayin ka namin”; 22 kaya ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Pananagutin ko sila. Ang mga lalaki ay mamamatay sa espada,+ at ang mga anak nilang lalaki at babae ay mamamatay sa taggutom.+ 23 Walang matitira sa kanila kahit isa, dahil magdadala ako ng kapahamakan sa mga taga-Anatot+ sa taon na pananagutin ko sila.”