Unang Hari
3 Nakipag-alyansa si Solomon sa Paraon na hari ng Ehipto nang pakasalan* niya ang anak ng Paraon.+ Dinala niya ito sa Lunsod ni David+ para manirahan doon hanggang sa matapos niyang itayo ang sarili niyang bahay,+ at ang bahay ni Jehova,+ at ang pader sa palibot ng Jerusalem.+ 2 Pero naghahandog pa rin ang bayan sa matataas na lugar,+ dahil noong panahong iyon, wala pa ring naitatayong bahay para sa pangalan ni Jehova.+ 3 Patuloy na inibig ni Solomon si Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng ama niyang si David. Pero nag-aalay siya at nagsusunog ng mga handog sa matataas na lugar.+
4 Nagpunta ang hari sa Gibeon para maghandog doon, dahil iyon ang pinakakilalang* mataas na lugar.+ Naghandog si Solomon ng 1,000 haing sinusunog sa altar na iyon.+ 5 Sa Gibeon, nagpakita si Jehova kay Solomon sa isang panaginip sa gabi, at sinabi ng Diyos: “Ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo?”+ 6 Sinabi ni Solomon: “Nagpakita ka ng dakila at tapat na pag-ibig sa lingkod mong si David na aking ama, na lumakad sa harap mo nang tapat at matuwid at may malinis na puso. Patuloy mong ipinakita sa kaniya ang dakila at tapat na pag-ibig na ito hanggang ngayon nang bigyan mo siya ng anak para umupo sa trono niya.+ 7 At ngayon, O Jehova na aking Diyos, ginawa mong hari ang iyong lingkod kapalit ng ama kong si David, kahit na bata pa ako at walang karanasan.+ 8 Ang iyong lingkod ay nasa gitna ng bayang pinili mo,+ isang napakalaking bayan na hindi mabilang sa dami. 9 Kaya bigyan mo ang iyong lingkod ng masunuring puso para humatol sa iyong bayan,+ para malaman ko ang mabuti at masama,+ dahil sino ang makahahatol sa bayan mong ito na napakalaki?”*
10 Natuwa si Jehova na ito ang hiniling ni Solomon.+ 11 At sinabi ng Diyos sa kaniya: “Dahil ito ang hiniling mo at hindi ka humiling ng mahabang buhay* o ng kayamanan o na mamatay ang mga kaaway mo, kundi humiling ka ng kaunawaan sa pagdinig ng mga usapin sa batas,+ 12 ibibigay ko sa iyo ang hiniling mo.+ Bibigyan kita ng pusong marunong at may kaunawaan;+ wala kang magiging katulad sa sinumang nabuhay noon at wala kang magiging katulad sa hinaharap.+ 13 At ibibigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiniling,+ ang kayamanan at kaluwalhatian,+ para walang ibang hari ang maging tulad mo sa buong buhay mo.*+ 14 At kung lalakad ka sa aking mga daan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin at utos ko, gaya ng ginawa ng ama mong si David,+ bibigyan din kita ng mahabang buhay.”*+
15 Paggising ni Solomon, nalaman niyang panaginip pala iyon. Pagkatapos, pumunta siya sa Jerusalem at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ni Jehova at naghandog ng mga haing sinusunog at mga handog na pansalo-salo+ at nagdaos ng handaan para sa lahat ng lingkod niya.
16 Nang panahong iyon, dalawang babaeng bayaran ang pumunta sa hari at humarap sa kaniya. 17 Sinabi ng unang babae: “Panginoon ko, ako at ang babaeng ito ay nakatira sa iisang bahay, at nanganak ako habang nasa bahay siya. 18 Tatlong araw pagkapanganak ko, nanganak din ang babaeng ito. Magkasama kami, kaming dalawa lang; wala kaming ibang kasama sa bahay. 19 Nang gabing iyon, namatay ang anak ng babaeng ito dahil nahigaan niya ang bata. 20 Kaya bumangon siya sa kalagitnaan ng gabi at kinuha ang anak ko sa tabi ko habang ang iyong aliping babae ay natutulog at inihiga niya ang bata sa mga braso* niya, at inihiga naman niya ang patay niyang anak sa mga braso ko. 21 Paggising ko kinaumagahan para pasusuhin ang anak ko, patay na siya. Pero nang tingnan ko siyang mabuti, hindi siya ang ipinanganak ko.” 22 Pero sinabi ng pangalawang babae: “Hindi, ang anak ko ang buháy, at ang anak mo ang patay!” Pero sinabi ng unang babae: “Hindi, ang anak mo ang patay at ang anak ko ang buháy.” Ganiyan sila nagtalo sa harap ng hari.
23 Kaya sinabi ng hari: “Sinasabi niya, ‘Anak ko ito, ang buháy, at ang anak mo ang patay!’ at sinasabi naman ng isang ito, ‘Hindi, ang anak mo ang patay, at ang anak ko ang buháy!’” 24 Sinabi ng hari: “Ikuha ninyo ako ng espada.” Kaya nagdala sila ng espada sa hari. 25 Pagkatapos, sinabi ng hari: “Hatiin ninyo ang buháy na bata; ibigay ninyo ang kalahati sa isang babae at ang kalahati sa isa pa.” 26 Agad na nagmakaawa sa hari ang ina ng buháy na bata, dahil naawa siya sa anak niya. Sinabi niya: “Pakisuyo, panginoon ko! Ibigay ninyo sa kaniya ang buháy na bata. Huwag ninyo siyang patayin!” Pero sinabi naman ng isa: “Hindi siya magiging akin o sa iyo. Hatiin ninyo!” 27 Sinabi ng hari: “Ibigay ninyo ang buháy na bata sa unang babae! Siya ang ina, kaya huwag ninyong patayin ang bata.”
28 At narinig ng buong Israel ang hatol ng hari, at humanga* sila sa hari,+ dahil nakita nilang binigyan siya ng Diyos ng karunungan para maglapat ng hatol.+