Deuteronomio
19 “Kapag winasak na ng Diyos ninyong si Jehova ang mga bansa na nasa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova at naitaboy na ninyo sila at nakatira na kayo sa mga lunsod at bahay nila,+ 2 dapat kayong magbukod ng tatlong lunsod sa gitna ng inyong lupain na ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova.+ 3 Hatiin ninyo sa tatlong bahagi ang teritoryo ng inyong lupain na ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova, at ihanda ninyo ang mga daan para makatakbo sa isa sa mga lunsod na iyon ang sinumang nakapatay.
4 “Ito ang tuntunin para sa sinumang nakapatay na puwedeng tumakbo roon para mabuhay: Kapag di-sinasadyang napatay ng isang tao ang kapuwa niya at wala naman siyang galit dito;+ 5 halimbawa, kung manguha siya ng kahoy sa gubat kasama ang kapuwa niya at nang puputulin na sana niya ang puno gamit ang palakol, biglang natanggal ang ulo ng palakol at tumama sa kapuwa niya at namatay ito; dapat tumakbo ang nakapatay sa isa sa mga lunsod na ito para mabuhay.+ 6 Kung hindi, baka sa sobrang galit ng tagapaghiganti ng dugo,+ habulin nito ang nakapatay, maabutan siya, at mapatay, dahil napakalayo niya sa lunsod. Pero hindi siya dapat mamatay, dahil wala naman siyang galit sa kapuwa niya.+ 7 Kaya naman iniuutos ko sa inyo: ‘Magbukod kayo ng tatlong lunsod.’
8 “Kapag pinalawak na ng Diyos ninyong si Jehova ang teritoryo ninyo gaya ng ipinangako niya sa mga ninuno ninyo+ at ibinigay na niya sa inyo ang buong lupain na ipinangako niya sa mga ninuno ninyo+ 9 —dahil sinusunod ninyong mabuti ang lahat ng utos na ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon, na ibigin ang Diyos ninyong si Jehova at laging lumakad sa mga daan niya+—magdagdag kayo ng tatlo pang lunsod.+ 10 Sa gayon, walang inosenteng tao ang mapapatay*+ sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova bilang mana, at hindi kayo magkakasala sa dugo.+
11 “Pero kung may galit ang isang tao sa kapuwa niya,+ at tinambangan niya ito at sinaktan, at namatay ito, at tumakbo siya sa isa sa mga lunsod na ito, 12 ipapatawag siya mula roon ng matatandang lalaki sa lunsod niya at ibibigay sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, at dapat siyang mamatay.+ 13 Hindi kayo dapat maawa* sa kaniya, at dapat ninyong alisin sa Israel ang pagkakasala dahil sa pagpatay sa* isang inosenteng tao,+ para mapabuti kayo.
14 “Kapag nakuha na ninyo ang mana ninyo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova, huwag ninyong iuusod ang muhon* ng kapuwa ninyo+ mula sa puwesto nito na itinakda ng inyong mga ninuno.
15 “Hindi mahahatulang nagkasala ang isang tao kung iisa lang ang testigo na nagsasabing nagkamali siya o nagkasala.+ Kailangan ang patotoo* ng dalawa o tatlong testigo para mapagtibay ito.+ 16 Kung paratangan ng isang sinungaling na testigo ang kapuwa niya,+ 17 silang dalawa ay tatayo sa harap ni Jehova, sa harap ng mga saserdote at hukom sa panahong iyon.+ 18 Mag-iimbestigang mabuti ang mga hukom,+ at kung nagsinungaling ang testigo at nagparatang ng di-totoong akusasyon sa kapatid niya, 19 gawin ninyo sa kaniya ang binalak niyang mangyari sa kapatid niya,+ at alisin ninyo ang kasamaan sa gitna ninyo.+ 20 Mababalitaan iyon ng iba at matatakot, at hinding-hindi na nila muling gagawin ang ganitong kasamaan sa gitna ninyo.+ 21 Hindi kayo dapat maawa:*+ Buhay* para sa buhay,* mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, kamay para sa kamay, paa para sa paa.+