Genesis
31 Sa kalaunan, narinig niya ang sinasabi ng mga anak ni Laban: “Kinuha ni Jacob ang lahat ng pag-aari ng ama natin, at lahat ng kayamanan niya ay galing sa ating ama.”+ 2 Kapag tinitingnan ni Jacob ang mukha ni Laban, nakikita niyang hindi na katulad ng dati ang pakikitungo nito sa kaniya.+ 3 Kaya sinabi ni Jehova kay Jacob: “Bumalik ka sa lupain ng iyong mga ninuno at mga kamag-anak,+ at patuloy akong sasaiyo.” 4 Pagkatapos, ipinasabi ni Jacob kina Raquel at Lea na pumunta sa parang kung nasaan ang kawan niya, 5 at sinabi niya sa kanila:
“Nakikita kong nag-iba na ang pakikitungo sa akin ng inyong ama,+ pero sumasaakin ang Diyos ng aking ama.+ 6 Alam na alam ninyong naglingkod ako sa inyong ama nang buong lakas ko.+ 7 At sinubukan akong dayain ng inyong ama at 10 beses niyang binago-bago ang bayad niya sa akin; pero hindi siya pinahintulutan ng Diyos na gawan ako ng masama. 8 Kapag sinabi niya, ‘Ang mga batik-batik ang magiging bayad ko sa iyo,’ ang buong kawan ay nanganganak ng batik-batik; pero kapag sinabi niya, ‘Ang mga guhit-guhit ang magiging bayad ko sa iyo,’ ang buong kawan ay nanganganak naman ng guhit-guhit.+ 9 Gayon kinukuha ng Diyos ang mga alagang hayop ng inyong ama at ibinibigay sa akin. 10 Minsan, noong panahong naglalandi ang kawan, nakita ko sa isang panaginip na ang mga lalaking kambing na nakapaibabaw* sa mga babaeng kambing ay guhit-guhit, batik-batik, at may patse.+ 11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng anghel ng tunay na Diyos sa panaginip, ‘Jacob!’ At sumagot ako, ‘Narito ako.’ 12 Sinabi niya, ‘Tingnan mo, pakisuyo, at makikita mong ang lahat ng lalaking kambing na nakapaibabaw sa mga babaeng kambing ay guhit-guhit, batik-batik, at may patse, dahil nakita ko ang lahat ng ginagawa sa iyo ni Laban.+ 13 Ako ang tunay na Diyos ng Bethel,+ kung saan mo binuhusan ng langis* ang isang bato* at kung saan ka nanata sa akin.+ Ngayon, kumilos ka, umalis ka sa lupaing ito at bumalik sa lupain kung saan ka ipinanganak.’”+
14 Sumagot sina Raquel at Lea: “Wala na kaming mamanahin sa bahay ng aming ama! 15 Hindi ba itinuturing na niya kaming dayuhan, dahil ipinagbili niya kami at ginagamit niya ang perang ibinigay para sa amin?+ 16 Ang lahat ng kayamanang kinuha ng Diyos sa aming ama ay sa amin at sa mga anak namin.+ Kaya sige, gawin mo ang lahat ng ipinagagawa sa iyo ng Diyos.”+
17 Kaya isinakay ni Jacob sa mga kamelyo ang kaniyang mga anak at mga asawa,+ 18 at isinama niya sa paglalakbay ang buong kawan niya at dinala ang lahat ng pag-aari na natipon niya.+ Ang kawan na natipon niya sa Padan-aram ay isinama niya sa pagpunta kay Isaac na kaniyang ama sa lupain ng Canaan.+
19 Wala noon si Laban dahil ginugupitan niya ang kaniyang mga tupa, at ninakaw ni Raquel ang mga rebultong terapim*+ na pag-aari ng ama niya.+ 20 Gayundin, naisahan ni Jacob si Laban na Arameano dahil hindi niya sinabi rito na aalis siya. 21 At tumakas siya at tumawid sa Ilog,*+ dala ang lahat ng sa kaniya. Pagkatapos, naglakbay siya papunta sa mabundok na rehiyon ng Gilead.+ 22 Nang ikatlong araw, may nagsabi kay Laban na tumakas si Jacob. 23 Kaya isinama niya ang kaniyang mga kapatid,* at hinabol niya ito at naabutan sa mabundok na rehiyon ng Gilead pagkaraan ng pitong araw. 24 Pero isang gabi, nagpakita ang Diyos kay Laban na Arameano+ sa isang panaginip+ at nagsabi: “Mag-ingat ka sa mga sasabihin mo kay Jacob, mabuti man o masama.”*+
25 Kaya pinuntahan ni Laban si Jacob, dahil nagtayo si Jacob ng tolda niya sa bundok at si Laban naman at ang mga kapatid niya ay nagkampo sa mabundok na rehiyon ng Gilead. 26 At sinabi ni Laban kay Jacob: “Ano itong ginawa mo? Bakit mo ako nilinlang at tinangay ang mga anak ko na parang mga nabihag sa labanan? 27 Bakit mo ako nilinlang at bakit ka umalis nang hindi nagsasabi sa akin? Kung nagsabi ka sa akin, masaya sana akong nagpaalam sa iyo nang may awitan at pagtugtog ng tamburin at alpa. 28 Hindi mo ako binigyan ng pagkakataong mahalikan ang mga apo* ko at mga anak na babae. Naging padalos-dalos ka. 29 Kayang-kaya kitang saktan, pero kinausap ako ng Diyos ng inyong ama kagabi at sinabi, ‘Mag-ingat ka sa mga sasabihin mo kay Jacob, mabuti man o masama.’+ 30 Ngayon ay umalis ka dahil sabik na sabik ka nang makabalik sa bahay ng iyong ama, pero bakit mo ninakaw ang mga diyos ko?”+
31 Sumagot si Jacob kay Laban: “Dahil natatakot ako at naisip kong baka kunin mo sa akin ang mga anak mo. 32 Kung kanino mo makita ang mga diyos mo, dapat siyang mamatay. Sa harap ng mga kapatid natin, tingnan mo ang mga dala ko at kunin mo ang sa iyo.” Pero hindi alam ni Jacob na ninakaw ni Raquel ang mga iyon. 33 Kaya pumasok si Laban sa tolda ni Jacob, sa tolda ni Lea, at sa tolda ng dalawang aliping babae,+ pero hindi niya nakita ang mga iyon. Pagkalabas niya sa tolda ni Lea, pumasok siya sa tolda ni Raquel. 34 Pero kinuha ni Raquel ang mga rebultong terapim at itinago sa upuang pambabae na ipinapatong sa kamelyo at umupo roon. Kaya naghanap si Laban sa buong tolda, pero hindi niya nakita ang mga iyon. 35 At sinabi niya sa kaniyang ama: “Huwag ka sanang magalit, panginoon ko. Dinatnan*+ kasi ako ngayon kaya hindi ako makatayo.” At naghanap pa itong mabuti pero hindi nito nakita ang mga rebultong terapim.+
36 Kaya nagalit si Jacob at sinumbatan si Laban. Sinabi ni Jacob kay Laban: “Ano ang ginawa kong masama, at ano ang kasalanan ko kaya tinutugis mo ako? 37 Ngayong nahalughog mo na ang lahat ng dala ko, may nakita ka bang pag-aari ng sambahayan mo? Ilagay mo iyon dito sa harap ng mga kapatid ko at ng mga kapatid mo, at hayaan nating sila ang humatol sa ating dalawa. 38 Sa 20 taóng nakasama mo ako, hindi kailanman nakunan ang mga tupa at kambing mo,+ at hindi ko kinain ang mga barakong tupa ng iyong kawan. 39 Hindi ko iniuuwi sa iyo ang mga hayop na nilapa ng mababangis na hayop.+ Inaako ko ang pagkawala ng mga iyon. Araw man o gabi ninakaw ang hayop, sinisingil mo iyon sa akin. 40 Halos masunog ako sa init kapag araw, at ginaw na ginaw ako sa gabi, at napupuyat ako.+ 41 Nanirahan akong kasama mo nang 20 taon. Naglingkod ako sa iyo nang 14 na taon para sa dalawang anak mo at 6 na taon para sa kawan mo, at 10 beses mong binago-bago ang bayad mo sa akin.+ 42 Kung wala sa panig ko ang Diyos ng aking ama,+ ang Diyos ni Abraham at ang Diyos na kinatatakutan ni Isaac,*+ pinaalis mo na sana ako nang walang dala. Nakita ng Diyos ang paghihirap ko at kung paano ako nagtrabahong mabuti, kaya sinaway ka niya kagabi.”+
43 At sinabi ni Laban kay Jacob: “Ang mga babaeng ito ay mga anak ko, at ang mga batang ito ay mga apo ko, at ang kawang ito ay kawan ko, at ang lahat ng nakikita mo ay sa akin at sa mga anak ko. Kaya bakit ko sila sasaktan o ang mga anak nila? 44 Ngayon, gumawa tayo ng isang kasunduan, ikaw at ako, at magsisilbi itong saksi sa pagitan nating dalawa.” 45 Kaya kumuha si Jacob ng isang bato at itinayo ito bilang palatandaan.+ 46 Pagkatapos, sinabi ni Jacob sa mga kapatid niya: “Kumuha kayo ng mga bato!” At kumuha sila ng mga bato at pinagpatong-patong ang mga ito. At kumain sila sa magkakapatong na bato. 47 Tinawag iyon ni Laban na Jegar-sahaduta,* pero tinawag iyon ni Jacob na Galeed.*
48 Pagkatapos, sinabi ni Laban: “Ang magkakapatong na batong ito ay saksi nating dalawa ngayon.” Kaya tinawag itong Galeed,+ 49 at Bantayan, dahil sinabi niya: “Si Jehova nawa ang magbantay sa akin at sa iyo kapag hindi natin nakikita ang isa’t isa. 50 Kung pakikitunguhan mo nang hindi maganda ang mga anak ko at kung kukuha ka ng iba pang mga asawa bukod sa mga anak ko, hindi man ito makita ng ibang tao, tandaan mo na makikita ito ng Diyos at siya ang ating saksi.” 51 Sinabi pa ni Laban kay Jacob: “Narito ang magkakapatong na batong ito, at narito ang batong itinayo ko bilang palatandaan ng kasunduan nating dalawa. 52 Ang magkakapatong na batong ito ay saksi, at ang batong itinayo bilang palatandaan ang magpapatotoo,+ na hindi ako lalampas sa magkakapatong na batong ito para saktan ka at na hindi ka lalampas sa magkakapatong na batong ito at sa batong itinayo bilang palatandaan para saktan ako. 53 Ang Diyos nawa ni Abraham+ at ang Diyos ni Nahor, ang Diyos ng ama nila, ang humatol sa pagitan natin.” At sumumpa si Jacob sa Diyos na kinatatakutan ng ama niyang si Isaac.*+
54 Pagkatapos, si Jacob ay naghandog ng isang hain sa bundok at inanyayahang kumain ang mga kapatid niya. Kaya kumain sila at nagpalipas ng gabi sa bundok. 55 Kinabukasan, maagang bumangon si Laban at hinalikan ang kaniyang mga apo*+ at mga anak na babae at pinagpala sila.+ Pagkatapos, umuwi na si Laban.+