Mga Bilang
32 Napakarami ng alagang hayop ng mga anak ni Ruben+ at mga anak ni Gad,+ at nakita nila na magandang lugar para sa mga alagang hayop ang Jazer+ at Gilead. 2 Kaya ang mga anak ni Gad at mga anak ni Ruben ay lumapit kay Moises, kay Eleazar na saserdote, at sa mga pinuno ng bayan, at sinabi nila: 3 “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon,+ Eleale, Sebam, Nebo,+ at Beon,+ 4 ang teritoryong sinakop ni Jehova sa harap ng bayang Israel,+ ay magandang lugar para sa mga alagang hayop, at maraming alagang hayop+ ang iyong mga lingkod.” 5 Idinagdag nila: “Kung papayag ka, ang lupaing ito sana ang ibigay sa iyong mga lingkod bilang pag-aari. Huwag mo na kaming patawirin sa Jordan.”
6 Sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad at mga anak ni Ruben: “Makikipagdigma ba ang mga kapatid ninyo samantalang nandito lang kayo? 7 Bakit ninyo pahihinain ang loob ng bayang Israel sa pagpunta sa lupaing tiyak na ibibigay sa kanila ni Jehova? 8 Ganiyan ang ginawa ng mga ama ninyo nang isugo ko sila mula sa Kades-barnea para tingnan ang lupain.+ 9 Nang pumunta sila sa Lambak* ng Escol+ at nakita nila ang lupain, pinahina nila ang loob ng Israel, kaya ayaw nang pumunta ng bayan sa lupaing ibibigay sa kanila ni Jehova.+ 10 Galit na galit si Jehova nang araw na iyon kaya sumumpa siya:+ 11 ‘Hindi makikita ng mga lalaking lumabas sa Ehipto na 20 taóng gulang pataas ang lupaing+ ipinangako ko kina Abraham, Isaac, at Jacob,+ dahil hindi sila sumunod sa akin nang buong puso— 12 maliban kay Caleb+ na anak ni Jepune na Kenizita at kay Josue+ na anak ni Nun, dahil buong puso silang sumunod kay Jehova.’+ 13 Kaya lumagablab ang galit ni Jehova sa Israel, at pinagala-gala niya sila sa ilang nang 40 taon,+ hanggang sa mamatay ang buong henerasyon na gumagawa ng masama sa paningin ni Jehova.+ 14 Ngayon, kayong mga makasalanan, inuulit ninyo ang ginawa ng inyong mga ama; pinatitindi ninyo ang galit ni Jehova sa Israel. 15 Kung titigil kayo sa pagsunod sa kaniya, tiyak na iiwan niya sila ulit sa ilang, at ipapahamak ninyo ang buong bayang ito.”
16 Pagkatapos, lumapit ulit sila sa kaniya, at sinabi nila: “Payagan mo kaming magtayo rito ng mga batong kulungan para sa mga alagang hayop namin at ng mga lunsod para sa mga anak namin. 17 Pero nakahanda pa rin kami para sa digmaan,+ at pupuwesto kami sa unahan ng mga Israelita hanggang sa madala namin sila sa lupaing para sa kanila, habang ang mga anak namin ay naninirahan sa mga napapaderang* lunsod at ligtas mula sa mga nakatira sa lupain. 18 Hindi kami babalik sa mga bahay namin hanggang sa makuha ng bawat Israelita ang sarili niyang lupain bilang mana.+ 19 Dahil hindi kami tatanggap ng mana sa kabilang ibayo ng Jordan kasama nila; natanggap na namin ang mana namin sa silangan ng Jordan.”+
20 Sumagot si Moises: “Gawin muna ninyo ito: Maghanda kayo sa harap ni Jehova para sa digmaan;+ 21 at kung kayong lahat ay maghahanda sa pakikipagdigma at tatawid sa Jordan sa harap ni Jehova habang itinataboy niya ang mga kaaway niya+ 22 hanggang sa ang lupain ay masakop sa harap ni Jehova,+ makakauwi kayo+ at hindi kayo magkakasala kay Jehova at sa Israel. At ang lupaing ito ay magiging pag-aari ninyo sa harap ni Jehova.+ 23 Pero kung hindi ninyo ito gagawin, magkakasala kayo kay Jehova. At tiyak na pagbabayaran ninyo ang kasalanan ninyo. 24 Kaya puwede kayong magtayo ng mga lunsod para sa inyong mga anak at ng mga kulungan para sa mga kawan ninyo,+ pero kailangan ninyong gawin ang ipinangako ninyo.”
25 Kaya sinabi kay Moises ng mga anak ni Gad at mga anak ni Ruben: “Gagawin ng iyong mga lingkod ang iniuutos ng aming panginoon. 26 Maiiwan sa mga lunsod ng Gilead ang aming mga anak, asawa, at alagang hayop,+ 27 pero tatawid ang iyong mga lingkod, bawat lalaking nakahandang sumama sa digmaan sa harap ni Jehova,+ gaya ng sinabi ng aming panginoon.”
28 Kaya may kaugnayan sa kanila, inutusan ni Moises si Eleazar na saserdote, si Josue na anak ni Nun, at ang mga ulo ng angkan sa mga tribo ng Israel. 29 Sinabi ni Moises: “Kung tatawid sa Jordan kasama ninyo ang mga anak ni Gad at mga anak ni Ruben, bawat lalaking nakahanda para sa digmaan sa harap ni Jehova, at ang lupain ay masakop sa harap ninyo, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead bilang pag-aari.+ 30 Pero kung hindi sila maghahanda sa pakikipagdigma at hindi sila sasama sa inyo sa pagtawid, titira silang kasama ninyo sa lupain ng Canaan.”
31 Kaya sinabi ng mga anak ni Gad at mga anak ni Ruben: “Gagawin ng iyong mga lingkod kung ano ang sinabi ni Jehova. 32 Maghahanda kami sa pakikipagdigma at tatawid sa lupain ng Canaan sa harap ni Jehova,+ at ang mamanahin naming lupain ay sa panig na ito ng Jordan.” 33 Kaya ibinigay ni Moises sa mga anak ni Gad, sa mga anak ni Ruben,+ at sa kalahati ng tribo ni Manases+ na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon+ na hari ng mga Amorita at ang kaharian ni Og+ na hari ng Basan, ang lupain ng mga lunsod na nasa mga teritoryong iyon, at ang mga lunsod sa nakapalibot na lupain.
34 Itinayo* ng mga anak ni Gad ang Dibon,+ Atarot,+ Aroer,+ 35 Atrot-sopan, Jazer,+ Jogbeha,+ 36 Bet-nimra,+ at Bet-haran,+ mga napapaderang lunsod, at nagtayo sila ng mga batong kulungan para sa mga kawan. 37 At itinayo ng mga anak ni Ruben ang Hesbon,+ Eleale,+ Kiriataim,+ 38 Nebo,+ at Baal-meon+—na binago ang mga pangalan—at ang Sibma; at pinalitan nila ang pangalan ng mga lunsod na itinayo nilang muli.
39 Ang mga anak ni Makir+ na anak ni Manases ay nakipaglaban sa Gilead, sinakop iyon, at itinaboy ang mga Amoritang naroon. 40 Kaya ibinigay ni Moises ang Gilead kay Makir na anak ni Manases, at doon ito tumira.+ 41 Nakipaglaban din sa kanila si Jair na anak ni Manases at sinakop ang maliliit na nayon* doon, at tinawag niya ang mga iyon na Havot-jair.*+ 42 Si Noba naman ay nakipaglaban sa Kenat, sinakop ito at ang katabing mga nayon nito,* at tinawag itong Noba ayon sa sarili niyang pangalan.