Mga Bilang
8 Sinabi ni Jehova kay Moises: 2 “Sabihin mo kay Aaron, ‘Kapag sinisindihan mo ang mga ilawan, dapat paliwanagin ng pitong ilawan ang lugar na nasa tapat ng kandelero.’”+ 3 Kaya gayon ang ginawa ni Aaron: Sinindihan niya ang mga ilawan nito para sa lugar na nasa tapat ng kandelero,+ gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises. 4 Ganito ang pagkakagawa sa kandelero: Gawa ito sa pinukpok na ginto; mula sa pinakakatawan hanggang sa mga bulaklak nito, gawa ito sa pinukpok na ginto.+ Ginawa ang kandelero ayon sa pangitain+ na ibinigay ni Jehova kay Moises.
5 Nakipag-usap muli si Jehova kay Moises: 6 “Kunin mo ang mga Levita mula sa mga Israelita, at linisin mo sila.+ 7 Ganito mo sila dapat linisin: Wisikan mo sila ng tubig na naglilinis ng kasalanan, at dapat nilang ahitan ang kanilang buong katawan, labhan ang mga kasuotan nila, at linisin ang kanilang sarili.+ 8 Pagkatapos, kukuha sila ng isang batang toro,*+ na may kasamang magandang klase ng harina na hinaluan ng langis bilang handog na mga butil,+ at kukuha ka ng isa pang batang toro bilang handog para sa kasalanan.+ 9 At dadalhin mo ang mga Levita sa harap ng tolda ng pagpupulong, at titipunin mo ang buong bayan ng Israel.+ 10 Kapag inihaharap mo kay Jehova ang mga Levita, ipapatong ng mga Israelita ang mga kamay nila sa mga Levita.+ 11 At iaalay* ni Aaron ang mga Levita sa harap ni Jehova bilang handog na iginagalaw*+ mula sa mga Israelita, at maglilingkod sila kay Jehova.+
12 “Ipapatong ng mga Levita ang mga kamay nila sa ulo ng mga toro,+ at ang isang toro ay iaalay bilang handog para sa kasalanan at ang isa pa bilang handog na sinusunog para kay Jehova, bilang pambayad-sala+ para sa mga Levita. 13 Patatayuin mo ang mga Levita sa harap ni Aaron at ng mga anak niya, at iaalay* mo sila bilang handog na iginagalaw* para kay Jehova. 14 Ibubukod mo ang mga Levita mula sa mga Israelita, at ang mga Levita ay magiging akin.+ 15 Pagkatapos, papasok ang mga Levita sa tolda ng pagpupulong para maglingkod. Sa ganitong paraan mo sila dapat linisin at ialay* bilang handog na iginagalaw,* 16 dahil sila ay ibinigay sa akin bilang kaloob mula sa mga Israelita. Kukunin ko sila kapalit ng lahat ng panganay* ng mga Israelita,+ 17 dahil ang lahat ng panganay ng mga Israelita ay akin, tao man o hayop.+ Pinabanal ko sila para sa akin nang araw na patayin ko ang lahat ng panganay sa Ehipto.+ 18 Kukunin ko ang mga Levita kapalit ng lahat ng panganay ng mga Israelita. 19 Pinili ko ang mga Levita mula sa mga Israelita, at ibibigay ko sila bilang kaloob kay Aaron at sa mga anak niya para magsagawa ng paglilingkod sa tolda ng pagpupulong+ alang-alang sa mga Israelita at magbayad-sala para sa mga Israelita, nang sa gayon ay hindi salutin ang mga Israelita+ dahil sa paglapit nila sa banal na lugar.”
20 Ganito ang ginawa nina Moises at Aaron at ng buong bayan ng Israel sa mga Levita. Ginawa ng mga Israelita sa kanila ang lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises may kinalaman sa mga Levita. 21 Kaya nilinis ng mga Levita ang sarili nila at nilabhan ang kanilang mga kasuotan;+ pagkatapos ay inialay* sila ni Aaron bilang handog na iginagalaw* para kay Jehova.+ At nagbayad-sala si Aaron para sa kanila para maging malinis sila.+ 22 Pagkatapos nito, pumasok na sa tolda ng pagpupulong ang mga Levita para maglingkod sa harap ni Aaron at ng mga anak niya. Kung ano ang iniutos ni Jehova kay Moises may kaugnayan sa mga Levita, gayon ang ginawa ng mga ito sa kanila.
23 At sinabi ni Jehova kay Moises: 24 “Ito ang kaayusan para sa mga Levita: Ang lalaki na mula 25 taóng gulang pataas ay magiging bahagi ng grupo na naglilingkod sa tolda ng pagpupulong. 25 Pero paglampas ng 50 taóng gulang, magreretiro na siya at hindi na maglilingkod kasama ng grupo. 26 Puwede niyang tulungan ang mga kapatid niya na nag-aasikaso ng mga gawain sa tolda ng pagpupulong, pero hindi na siya puwedeng maglingkod doon. Ito ang dapat ninyong gawin sa mga Levita at sa mga atas nila.”+