Unang Samuel
28 Nang mga araw na iyon, tinipon ng mga Filisteo ang mga hukbo nila para makipagdigma sa Israel.+ Kaya sinabi ni Akis kay David: “Siyempre, alam mo nang ikaw at ang mga tauhan mo ay sasama sa akin sa labanan.”+ 2 Sinabi ni David kay Akis: “Alam na alam mo kung ano ang gagawin ng iyong lingkod.” Sinabi ni Akis kay David: “Kaya nga aatasan kitang maging permanente kong tagapagbantay.”*+
3 Patay na ngayon si Samuel. Nagdalamhati sa kaniya ang buong Israel at inilibing nila siya sa Rama, sa sarili niyang lunsod.+ At inalis na ni Saul mula sa lupain ang mga espiritista at mga manghuhula.+
4 Nagtipon ang mga Filisteo at nagpunta sa Sunem+ at nagkampo roon. Kaya tinipon ni Saul ang buong Israel, at nagkampo sila sa Gilboa.+ 5 Nang makita ni Saul ang kampo ng mga Filisteo, takot na takot siya.+ 6 Sumasangguni si Saul kay Jehova,+ pero hindi siya sinasagot ni Jehova, kahit sa mga panaginip o sa Urim+ o sa pamamagitan ng mga propeta. 7 Kaya sinabi ni Saul sa mga lingkod niya: “Ihanap ninyo ako ng isang babaeng espiritista,+ at pupunta ako sa kaniya para sumangguni.” Sinabi ng mga lingkod niya: “May isang babaeng espiritista sa En-dor.”+
8 Kaya si Saul ay nagsuot ng ibang damit para hindi siya makilala at nagpunta sa babae noong gabi kasama ang dalawa sa mga tauhan niya. Sinabi niya: “Pakisuyo, manghula ka sa pamamagitan ng pagsangguni sa espiritu,+ at tawagin mo ang ipapatawag ko.” 9 Pero sinabi sa kaniya ng babae: “Alam mo naman ang ginawa ni Saul. Inalis niya sa lupain ang mga espiritista at manghuhula.+ Bakit ka naglalagay ng pain para maipapatay ako?”+ 10 Nangako si Saul sa kaniya sa ngalan ni Jehova: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, hindi ka mapaparusahan dahil dito!” 11 Kaya sinabi ng babae: “Sino ang tatawagin ko para sa iyo?” Sumagot siya: “Tawagin mo si Samuel para sa akin.” 12 Nang makita ng babae si “Samuel,”*+ sumigaw siya nang malakas at sinabi kay Saul: “Bakit mo ako niloko? Ikaw si Saul!” 13 Sinabi sa kaniya ng hari: “Huwag kang matakot, pero ano ba ang nakikita mo?” Sumagot ang babae kay Saul: “May nakikita akong isang parang diyos na umaahon mula sa lupa.” 14 Tinanong niya agad ang babae: “Ano ang hitsura niya?” Sumagot ang babae: “Isang matandang lalaki ang umaahon, at may suot siyang damit na walang manggas.”+ Kaya naisip ni Saul na si “Samuel” iyon, at yumukod siya at sumubsob sa lupa.
15 Pagkatapos, sinabi ni “Samuel” kay Saul: “Bakit mo ako ginambala at ipinatawag?” Sumagot si Saul: “Malaki ang problema ko. Nakikipagdigma sa akin ang mga Filisteo, at iniwan na ako ng Diyos at hindi na niya ako sinasagot, sa pamamagitan man ng mga propeta o mga panaginip;+ kaya ipinatawag kita para sabihin mo sa akin kung ano ang gagawin ko.”+
16 At sinabi ni “Samuel”: “Bakit ka sumasangguni sa akin, gayong iniwan ka na ni Jehova+ at kalaban mo na siya? 17 Gagawin ni Jehova kung ano ang inihula niya sa pamamagitan ko: Aalisin ni Jehova ang kaharian sa kamay mo at ibibigay iyon sa iba, kay David.+ 18 Hindi mo pinakinggan ang tinig ni Jehova, at ang mga Amalekita na pumukaw ng kaniyang nag-aapoy na galit ay hindi mo pinuksa,+ kaya gagawin ito ni Jehova sa iyo sa araw na ito. 19 Gayundin, ikaw at ang Israel ay ibibigay ni Jehova sa kamay ng mga Filisteo,+ at bukas, makakasama kita+ at ang mga anak mo.+ Ibibigay rin ni Jehova ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.”+
20 Biglang nabuwal si Saul at takot na takot siya dahil sa mga sinabi ni “Samuel.” Nawalan siya ng lakas, dahil hindi siya kumain nang maghapon at magdamag. 21 Nang lumapit ang babae kay Saul at makitang balisang-balisa siya, sinabi ng babae sa kaniya: “Sinunod ng iyong lingkod ang iniutos mo, at isinapanganib ko ang buhay ko+ at ginawa ko ang sinabi mo sa akin. 22 Ngayon, pakisuyo, pakinggan mo naman ang sasabihin ng iyong lingkod. Ipaghahain kita ng isang piraso ng tinapay; kumain ka para may lakas ka sa paglalakbay mo.” 23 Tumanggi siya at nagsabi: “Hindi ako kakain.” Pero pinilit siya ng kaniyang mga lingkod at ng babae. Bandang huli, nakinig siya sa kanila at bumangon siya at naupo sa higaan. 24 Ang babae ay may pinatabang guya* sa bahay, kaya dali-dali niya itong kinatay;* at kumuha siya ng harina, minasa ito, at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa. 25 Inihain niya ang mga ito kay Saul at sa mga lingkod nito, at kumain sila. Pagkatapos, tumayo sila at umalis nang gabing iyon.+