Genesis
44 Pagkatapos, inutusan niya ang lalaking namamahala sa bahay niya: “Punuin mo ng pagkain ang mga sako ng mga lalaki hanggang sa makakaya nilang dalhin, at ilagay mo ang pera ng bawat isa sa sako niya.+ 2 Pero ilagay mo sa sako ng bunso ang pilak na kopa ko kasama ang pera para sa butil niya.” Kaya ginawa nito ang iniutos ni Jose.
3 Kinaumagahan, nang magliwanag na, pinauwi na ang mga lalaki kasama ang mga asno nila. 4 Hindi pa sila nakalalayo sa lunsod nang utusan ni Jose ang lalaking namamahala sa bahay niya: “Bilis! Habulin mo ang mga lalaki! Kapag inabutan mo sila, sabihin mo, ‘Bakit ninyo ginantihan ng masama ang mabuti? 5 Hindi ba ito ang iniinuman ng panginoon ko at ang ginagamit niya para mabasa nang tama ang mga tanda? Napakasama ng ginawa ninyo!’”
6 Kaya nang maabutan niya sila, sinabi niya ito sa kanila. 7 Pero sinabi nila sa kaniya: “Bakit nasabi iyan ng panginoon ko? Hinding-hindi iyan magagawa ng iyong mga lingkod. 8 Ibinalik pa nga namin sa inyo mula sa lupain ng Canaan ang perang nakita namin sa mga sako namin.+ Kaya paano namin magagawang magnakaw ng pilak o ginto sa bahay ng iyong panginoon? 9 Kung makita ito sa isa sa iyong mga alipin, dapat siyang mamatay, at kaming lahat ay magiging mga alipin ng aking panginoon.” 10 Kaya sinabi niya: “Sige, ayon sa sinabi mo, kung kanino makita ang kopa, magiging alipin siya, pero ituturing na walang-sala ang lahat ng iba pa.” 11 Kaya dali-dali nilang ibinaba sa lupa ang kani-kaniyang sako at binuksan ito. 12 Naghanap siyang mabuti, mula sa panganay hanggang sa bunso. At nakita ang kopa sa sako ni Benjamin.+
13 Kaya pinunit nila ang kanilang mga damit, at muli nilang isinakay sa kani-kaniyang asno ang mga dala nila at bumalik sila sa lunsod. 14 Nang pumasok si Juda+ at ang mga kapatid niya sa bahay ni Jose, naroon pa si Jose; at sumubsob sila sa harap niya.+ 15 Sinabi ni Jose: “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na may kakayahang bumasa ng mga tanda ang lalaking gaya ko?”+ 16 Sumagot si Juda: “Ano pa ba ang masasabi namin sa panginoon ko? Paano kami magpapaliwanag? At paano namin mapatutunayang matuwid kami? Natuklasan ng tunay na Diyos ang kasalanan ng iyong mga alipin.+ Mga alipin na kami ngayon ng panginoon ko, kami at ang nahulihan ng kopa!” 17 Pero sinabi niya: “Hinding-hindi ko iyan magagawa! Ang nahulihan lang ng kopa ang magiging alipin ko.+ At ang iba pa sa inyo ay makakauwi na sa inyong ama.”
18 Lumapit ngayon si Juda sa kaniya at nagsabi: “Nakikiusap ako sa iyo, panginoon ko, hayaan mo sana akong magsalita at huwag ka sanang magalit sa iyong alipin, dahil parang ikaw na rin ang Paraon.+ 19 Tinanong ng panginoon ko ang mga alipin niya, ‘Mayroon pa ba kayong ama o kapatid?’ 20 Kaya sinabi namin sa panginoon ko, ‘Mayroon kaming ama na matanda na at mayroon siyang isang anak sa kaniyang katandaan, ang bunso.+ Pero patay na ang kapatid nito,+ kaya siya na lang ang naiwang anak ng kaniyang ina,+ at mahal siya ng ama niya.’ 21 Pagkatapos, sinabi mo sa iyong mga alipin, ‘Isama ninyo siya rito para makita ko siya.’+ 22 Pero sinabi namin sa panginoon ko, ‘Hindi niya puwedeng iwan ang ama niya. Kung iiwan niya ito, tiyak na mamamatay ito.’+ 23 At sinabi mo sa iyong mga alipin, ‘Huwag kayong magpapakita sa akin kung hindi ninyo kasama ang bunso ninyong kapatid.’+
24 “Kaya bumalik kami sa aming ama na iyong alipin at binanggit sa kaniya ang mga sinabi ng aking panginoon. 25 Nang maglaon, sinabi ng aming ama, ‘Bumalik kayo at bumili ng kaunting pagkain para sa atin.’+ 26 Pero sinabi namin, ‘Hindi kami makaaalis. Aalis lang kami kung kasama namin ang bunso naming kapatid, dahil hindi kami puwedeng magpakita sa lalaki kung hindi namin kasama ang bunso naming kapatid.’+ 27 Pero sinabi sa amin ng aming ama na iyong alipin, ‘Alam ninyong dalawang anak na lalaki lang ang isinilang ng asawa ko.+ 28 Pero iniwan na ako ng isa at sinabi ko: “Tiyak na nagkaluray-luray siya!”+ at hindi ko na siya muling nakita hanggang ngayon. 29 Kung kukunin pa ninyo sa akin ang isang ito at maaksidente siya at mamatay, tiyak na ibababa ninyo ako sa Libingan*+ dahil sa pamimighati.’+
30 “Mahal na mahal ng aming ama ang kapatid namin, gaya ng sarili niyang buhay, kaya kung babalik ako sa aking ama na iyong alipin at hindi namin kasama ang kapatid namin, 31 tiyak na mamamatay siya kapag nakita niyang wala ito, at ibababa namin sa Libingan* ang aming ama na iyong alipin dahil sa pamimighati. 32 Tiniyak ko* sa aming ama na walang anumang mangyayari sa kapatid namin. Sinabi ko, ‘Kung hindi ko siya maibalik sa iyo, habambuhay kong dadalhin ang kasalanang ito.’+ 33 Kaya ngayon, pakiusap, panginoon ko, ako na lang ang gawin mong alipin imbes na ang kapatid ko, para makauwi siya kasama ng mga kapatid niya. 34 Paano ako makababalik sa ama ko nang hindi siya kasama? Hindi ko kakayaning makitang nagdurusa ang ama ko!”