Unang Samuel
29 Tinipon ng mga Filisteo+ ang lahat ng kanilang hukbo sa Apek, samantalang ang mga Israelita ay nagkakampo sa tabi ng bukal na nasa Jezreel.+ 2 At ang mga panginoon ng mga Filisteo ay naglalakad na kasama ang kanilang mga pangkat na daan-daan at libo-libo, at si David at ang mga tauhan niya ay naglalakad sa likuran kasama ni Akis.+ 3 Pero sinabi ng matataas na opisyal ng mga Filisteo: “Ano ang ginagawa rito ng mga Hebreong ito?” Sumagot si Akis sa matataas na opisyal ng mga Filisteo: “Siya si David, ang lingkod ni Haring Saul ng Israel, na nakasama ko nang isang taon o higit pa.+ Wala siyang ginawang masama mula nang araw na tumakas siya papunta sa akin.” 4 Pero nagalit sa kaniya ang matataas na opisyal ng mga Filisteo, at sinabi nila sa kaniya: “Pabalikin mo siya.+ Pauwiin mo siya sa lugar na ibinigay mo sa kaniya. Huwag mo siyang pasamahin sa atin sa labanan. Baka kapag naglalabanan na, buweltahan tayo niyan.+ Ano ba ang pinakamagandang magagawa niya para matuwa ang panginoon niya kundi ang ibigay rito ang ulo ng mga tauhan natin? 5 Hindi ba tungkol kay David ang inaawit nila habang sumasayaw? Sinasabi nila:
‘Si Saul ay nagpabagsak ng libo-libo,
At si David ay ng sampu-sampung libo.’”+
6 Kaya ipinatawag ni Akis+ si David at sinabi rito: “Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova—matuwid ka, at gusto kitang isama sa digmaan kasama ng hukbo ko,+ dahil wala kang ginawang masama mula nang araw na dumating ka sa akin.+ Pero walang tiwala sa iyo ang mga panginoon.+ 7 Kaya bumalik kang payapa, at huwag kang gumawa ng anumang bagay na ikagagalit ng mga panginoon ng mga Filisteo.” 8 Pero sinabi ni David kay Akis: “Bakit, ano ba ang nagawa ko? Ano ang ginawang masama ng iyong lingkod mula nang araw na dumating ako sa iyo? Bakit hindi ako puwedeng sumama sa iyo at makipaglaban sa mga kaaway ng panginoon kong hari?” 9 Sumagot si Akis kay David: “Para sa akin, naging kasimbuti ka ng isang anghel ng Diyos.+ Pero sinabi ng matataas na opisyal ng mga Filisteo, ‘Huwag mo siyang pasamahin sa atin sa labanan.’ 10 Bumangon ka nang maaga bukas kasama ang mga lingkod ng iyong panginoon na sumama sa iyo; bumangon kayo at umalis agad kapag nagliwanag na.”
11 Kaya si David at ang mga tauhan niya ay bumangon nang maaga kinabukasan para bumalik sa lupain ng mga Filisteo, at ang mga Filisteo naman ay pumunta sa Jezreel.+