Unang Samuel
6 Ang Kaban+ ni Jehova ay nasa teritoryo ng mga Filisteo nang pitong buwan. 2 Tinawag ng mga Filisteo ang mga saserdote at ang mga manghuhula+ at tinanong ang mga ito: “Ano ang gagawin namin sa Kaban ni Jehova? Sabihin ninyo sa amin kung paano namin ito ibabalik sa talagang kinalalagyan nito.” 3 Sinabi ng mga ito: “Kung ibabalik ninyo ang kaban ng tipan ni Jehova na Diyos ng Israel, huwag ninyong ibalik iyon nang walang handog. Dapat kayong magbigay sa kaniya ng handog para sa pagkakasala.+ Saka lang kayo gagaling, at malalaman ninyo kung bakit patuloy niya kayong pinaparusahan.” 4 Kaya nagtanong sila: “Anong handog para sa pagkakasala ang ipadadala namin sa kaniya?” Sinabi ng mga ito: “Ayon sa bilang ng mga panginoon ng mga Filisteo,+ limang gintong almoranas at limang gintong daga, dahil iisang salot ang naranasan ng bawat isa sa inyo at ng inyong mga panginoon. 5 Gumawa kayo ng mga replika ng inyong almoranas at replika ng mga daga+ na sumisira sa lupain ninyo, at parangalan ninyo ang Diyos ng Israel. Baka alisin na niya ang parusa sa inyo at sa inyong diyos at sa inyong lupain.+ 6 Bakit kayo magmamatigas gaya ng pagmamatigas noon ng Ehipto at ng Paraon?+ Nang parusahan Niya sila,+ napilitan silang paalisin ang Israel, at umalis ang mga ito.+ 7 Maghanda kayo ngayon ng bagong karwahe at ng dalawang baka na may mga guya* at hindi pa nalalagyan ng pamatok. Pagkatapos, ikabit ninyo ang karwahe sa mga baka, pero ibalik ninyo sa kulungan ang mga guya nila, malayo sa kanila. 8 Kunin ninyo ang Kaban ni Jehova at ilagay sa karwahe, at ilagay ninyo sa isang kahon katabi ng Kaban ang mga gintong bagay na ipadadala ninyo sa kaniya bilang handog para sa pagkakasala.+ At paalisin ninyo iyon 9 at tingnan ninyo: Kung umakyat iyon sa daan papunta sa Bet-semes,+ sa sarili nitong teritoryo, siya nga ang gumawa sa atin ng napakasamang bagay na ito. Pero kung hindi, malalaman natin na hindi siya ang nanakit sa atin; nagkataon lang ang nangyari sa atin.”
10 Ginawa iyon ng mga lalaki. Kumuha sila ng dalawang baka na may mga guya at kinabitan ang mga iyon ng karwahe, at ang mga guya ng mga ito ay dinala nila sa kulungan. 11 Pagkatapos ay inilagay nila ang Kaban ni Jehova sa karwahe, pati ang kahon na may mga gintong daga at mga replika ng almoranas nila. 12 At ang mga baka ay dumeretso sa daang papunta sa Bet-semes.+ Nanatili ang mga ito sa iisang lansangang-bayan, umuunga habang naglalakad; hindi lumiko ang mga ito sa kanan o sa kaliwa. Samantala, ang mga panginoon ng mga Filisteo ay naglalakad na kasunod ng mga ito hanggang sa hangganan ng Bet-semes. 13 Inaani ng mga taga-Bet-semes ang mga trigo na nasa lambak.* Nang makita nila ang Kaban, tuwang-tuwa sila. 14 Ang karwahe ay nakarating sa lupain ni Josue na Bet-semita at huminto roon malapit sa isang malaking bato. Kaya sinibak nila ang kahoy ng karwahe, at inialay nila kay Jehova ang mga baka+ bilang handog na sinusunog.
15 Ibinaba ng mga Levita+ ang Kaban ni Jehova at ang kahon na kasama nito, na kinalalagyan ng mga gintong bagay, at inilagay nila ang mga iyon sa ibabaw ng malaking bato. Ang mga lalaki ng Bet-semes+ ay nag-alay kay Jehova ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog nang araw na iyon.
16 Nang makita iyon ng limang panginoon ng mga Filisteo, bumalik sila sa Ekron nang araw na iyon. 17 Ito ang mga gintong almoranas na ipinadala ng mga Filisteo para kay Jehova bilang handog para sa pagkakasala:+ isa para sa Asdod,+ isa para sa Gaza, isa para sa Askelon, isa para sa Gat,+ isa para sa Ekron.+ 18 At ang bilang ng mga gintong daga ay ayon sa bilang ng lahat ng lunsod ng mga Filisteo na sakop ng limang panginoon—ang mga napapaderang* lunsod at ang mga nayon sa labas nito.
At ang malaking bato na pinagpatungan nila ng Kaban ni Jehova sa lupain ni Josue na Bet-semita ay nagsisilbing patotoo hanggang sa araw na ito. 19 Pero pinatay ng Diyos ang mga lalaki ng Bet-semes, dahil tiningnan nila ang Kaban ni Jehova. Pumatay siya ng 50,070* sa bayan, at nagdalamhati ang bayan dahil napakaraming pinatay ni Jehova+ sa kanila. 20 Kaya nagtanong ang mga taga-Bet-semes: “Sino ang makatatayo sa harap ni Jehova, ang banal na Diyos na ito,+ at saan natin siya ipadadala para mawala na siya sa atin?”+ 21 Kaya nagsugo sila ng mga mensahero sa mga taga-Kiriat-jearim+ para sabihin: “Ibinalik ng mga Filisteo ang Kaban ni Jehova. Pumunta kayo rito at kunin ninyo ito.”+