Ezra
8 At ito ang mga ulo ng mga angkan nila at ang listahan ng pamilya ng mga sumama sa akin sa pag-alis sa Babilonya noong namamahala si Haring Artajerjes:+ 2 sa mga anak ni Pinehas,+ si Gersom; sa mga anak ni Itamar,+ si Daniel; sa mga anak ni David, si Hatus; 3 sa mga anak ni Secanias, na mula sa mga anak ni Paros, si Zacarias, at kasama niya ang nakatalang 150 lalaki; 4 sa mga anak ni Pahat-moab,+ si Elieho-enai na anak ni Zerahias, at may kasama siyang 200 lalaki; 5 sa mga anak ni Zatu,+ si Secanias na anak ni Jahaziel, at may kasama siyang 300 lalaki; 6 sa mga anak ni Adin,+ si Ebed na anak ni Jonatan, at may kasama siyang 50 lalaki; 7 sa mga anak ni Elam,+ si Jesaias na anak ni Athalia, at may kasama siyang 70 lalaki; 8 sa mga anak ni Sepatias,+ si Zebadias na anak ni Miguel, at may kasama siyang 80 lalaki; 9 sa mga anak ni Joab, si Obadias na anak ni Jehiel, at may kasama siyang 218 lalaki; 10 sa mga anak ni Bani, si Selomit na anak ni Josipias, at may kasama siyang 160 lalaki; 11 sa mga anak ni Bebai,+ si Zacarias na anak ni Bebai, at may kasama siyang 28 lalaki; 12 sa mga anak ni Azgad,+ si Johanan na anak ni Hakatan, at may kasama siyang 110 lalaki; 13 sa mga anak ni Adonikam,+ ang mga huli, sina Elipelet, Jeiel, at Semaias, at may kasama silang 60 lalaki; 14 at sa mga anak ni Bigvai,+ si Utai at si Zabbud, at may kasama silang 70 lalaki.
15 Tinipon ko sila sa ilog na umaagos papuntang Ahava,+ at nagkampo kami roon nang tatlong araw. Pero nang suriin ko ang bayan at ang mga saserdote, wala akong nakitang sinumang Levita roon. 16 Kaya ipinatawag ko sina Eliezer, Ariel, Semaias, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Mesulam, na mga pinuno, at sina Joiarib at Elnatan, na mga tagapagturo. 17 Pagkatapos, inutusan ko silang pumunta kay Ido na pinuno sa lugar na tinatawag na Casipia. Sinabi ko sa kanila na sabihin kay Ido at sa mga kapatid niya, ang mga lingkod sa templo* na nasa Casipia, na magpadala sa amin ng mga lingkod para sa bahay ng aming Diyos. 18 Dahil tinutulungan kami ng aming Diyos, ipinadala nila si Serebias,+ isang matalinong lalaki na isa sa mga anak ni Mahali+ na apo ni Levi na anak ni Israel, kasama ang mga anak at kapatid niya, 18 lalaki; 19 at si Hasabias, kasama si Jesaias na isang Merarita,+ ang mga kapatid niya at ang mga anak nila, 20 lalaki. 20 At may 220 lingkod sa templo* na ang mga pangalan ay nakalistang lahat. Si David at ang matataas na opisyal ang nag-atas sa mga lingkod sa templo para tumulong sa mga Levita.
21 Pagkatapos ay sinabi ko sa buong grupo na mag-ayuno* kami doon sa ilog ng Ahava, para magpakumbaba sa harap ng aming Diyos, para humingi sa kaniya ng patnubay sa paglalakbay namin, ng proteksiyon para sa amin at sa aming mga anak at para sa lahat ng aming pag-aari. 22 Nahiya akong humingi sa hari ng mga sundalo at mga mangangabayo para protektahan kami laban sa mga kaaway sa daan, dahil sinabi na namin sa hari: “Tinutulungan ng Diyos ang lahat ng umaasa* sa kaniya,+ pero ang kaniyang lakas at galit ay laban sa lahat ng umiiwan sa kaniya.”+ 23 Kaya nag-ayuno kami at hiniling namin sa aming Diyos na ingatan kami, at pinakinggan niya ang kahilingan namin.+
24 Pagkatapos, ibinukod ko ang 12 sa mga pinuno ng mga saserdote: sina Serebias at Hasabias,+ kasama ang 10 sa mga kapatid nila. 25 At tinimbang ko at ibinigay sa kanila ang pilak at ang ginto at ang mga kagamitan, ang donasyon para sa bahay ng aming Diyos na ibinigay ng hari at ng kaniyang mga tagapayo at matataas na opisyal at ng lahat ng Israelitang naroon.+ 26 Binigyan ko sila ng 650 talento* ng pilak, 100 kagamitang pilak na nagkakahalaga ng 2 talento, 100 talento ng ginto, 27 20 maliliit na gintong mangkok na nagkakahalaga ng 1,000 darik,* at 2 kagamitan na yari sa magandang klase ng tanso, makintab na pula at kasinghalaga ng ginto.
28 Pagkatapos ay sinabi ko sa kanila: “Kayo ay banal sa harap ni Jehova,+ at ang mga kagamitan ay banal, at ang pilak at ang ginto ay kusang-loob na handog kay Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno. 29 Bantayan ninyong mabuti ang mga iyon hanggang sa matimbang ninyo ang mga iyon sa harap ng mga pinuno ng mga saserdote at ng mga Levita at ng matataas na opisyal ng mga angkan ng Israel sa Jerusalem,+ sa mga silid* ng bahay ni Jehova.” 30 At kinuha ng mga saserdote at ng mga Levita ang pilak at ginto at ang mga kagamitan na tinimbang sa harap nila para dalhin sa Jerusalem sa bahay ng aming Diyos.
31 Sa wakas ay umalis kami sa ilog ng Ahava+ noong ika-12 araw ng unang buwan+ para pumunta sa Jerusalem, at ang aming Diyos ay sumaamin at pinrotektahan niya kami mula sa mga kaaway at mananambang* sa daan. 32 At nakarating kami sa Jerusalem+ at nagpalipas ng tatlong araw doon. 33 Noong ikaapat na araw, tinimbang namin ang pilak at ang ginto at ang mga kagamitan sa bahay ng aming Diyos+ at ibinigay ang mga ito kay Meremot+ na anak ni Urias na saserdote, at kasama niya si Eleazar na anak ni Pinehas, at kasama nila ang mga Levita na sina Jozabad+ na anak ni Jesua at Noadias na anak ni Binui.+ 34 Ang lahat ay binilang at tinimbang, at ang lahat ng timbang ay inilista. 35 Ang mga bumalik mula sa pagkabihag, ang mga dating ipinatapon, ay naghandog ng mga haing sinusunog para sa Diyos ng Israel, 12 toro*+ para sa buong Israel, 96 na lalaking tupa,+ 77 lalaking kordero,* at 12 lalaking kambing+ bilang handog para sa kasalanan; ang lahat ng ito ay handog na sinusunog para kay Jehova.+
36 Pagkatapos ay ibinigay namin ang mga kautusan ng hari+ sa mga satrapa* ng hari at sa mga gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog,*+ at sinuportahan nila ang bayan at ang bahay ng tunay na Diyos.+