Exodo
39 Gamit ang asul na sinulid, purpurang lana, at matingkad-na-pulang sinulid,+ gumawa sila ng mga kasuotan na mahusay ang pagkakahabi para sa paglilingkod sa banal na lugar. Ginawa nila ang banal na kasuotan para kay Aaron,+ gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
2 Ginawa ni Bezalel ang epod*+ gamit ang ginto, asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino. 3 Nagpitpit sila ng mga laminang ginto hanggang sa maging maninipis na piraso ang mga ito, at ginawa niyang sinulid ang mga ito para gamiting kasama ng asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng lino, at binurdahan ang epod. 4 Nilagyan nila ito ng dalawang tela sa bandang balikat na nagdurugtong sa dalawang bahagi ng epod. 5 Ang hinabing sinturon, na nakakabit sa epod at nagsisilbing panali nito,+ ay gawa sa mga materyales na ginamit sa epod: ginto, asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
6 Pagkatapos, inilagay nila ang mga batong onix sa mga lalagyang* ginto at iniukit sa mga iyon ang pangalan ng mga anak ni Israel, gaya ng pag-ukit sa isang pantatak.+ 7 Inilagay niya ang mga iyon sa ibabaw ng pahabang mga tela sa balikat ng epod na magsisilbing alaala* para sa mga anak ni Israel,+ gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises. 8 At binurdahan niya ang pektoral*+ gaya ng ginawa sa epod, na ginamitan ng ginto, asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino.+ 9 Parisukat ito kapag itiniklop. Ginawa nila ang pektoral na kasinghaba at kasinlapad ng isang dangkal* kapag itiniklop. 10 Nilagyan nila iyon ng apat na hanay ng mga bato. Ang nasa unang hanay ay rubi, topacio, at esmeralda. 11 Ang nasa ikalawang hanay ay turkesa, safiro, at jaspe. 12 Ang nasa ikatlong hanay ay batong lesem,* agata, at amatista. 13 At ang nasa ikaapat na hanay ay crisolito, onix, at jade. Ikinabit ang mga ito sa mga lalagyang* ginto. 14 Ang mga bato ay katumbas ng mga pangalan ng 12 anak ni Israel, at ang mga pangalan ay iniukit na gaya ng sa pantatak; ang bawat pangalan ay kumakatawan sa isa sa 12 tribo.
15 Pagkatapos, gumawa sila para sa pektoral ng mga tali na yari sa purong ginto at pinilipit na tulad ng lubid.+ 16 At gumawa sila ng dalawang lalagyang* ginto at dalawang gintong argolya* at ikinabit ang dalawang argolya sa magkabilang dulo ng pektoral.* 17 Pagkatapos, ipinasok nila ang dalawang gintong tali sa dalawang argolya na nasa mga dulo ng pektoral. 18 At ipinasok nila ang dalawang dulo ng dalawang tali sa dalawang lalagyan* at ikinabit ang mga iyon sa pahabang mga tela sa balikat ng epod, sa bandang harap nito. 19 Sumunod ay gumawa sila ng dalawang gintong argolya at inilagay ang mga ito sa magkabilang dulo sa ibaba ng pektoral, sa bandang loob, na nakaharap sa epod.+ 20 At gumawa sila ng dalawa pang gintong argolya at inilagay ang mga iyon sa harap ng epod, sa ibaba ng dalawang pahabang tela sa balikat, malapit sa pinagdurugtungan ng epod, sa itaas ng hinabing sinturon ng epod. 21 Bilang panghuli, gumamit sila ng asul na panali para magdugtong ang mga argolya ng pektoral at mga argolya ng epod, nang sa gayon ay manatili ang pektoral sa ibabaw ng epod at sa itaas ng hinabing sinturon, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
22 At ginawa niya ang walang-manggas na damit ng epod, na hinabi ng isang manggagawa sa habihan; asul na sinulid lang ang ginamit dito.+ 23 Ang walang-manggas na damit ay may butas sa gitna nito,* katulad ng butas ng isang kutamaya.* Ang butas nito ay hinabihan sa palibot para hindi ito mapunit. 24 At para sa laylayan ng walang-manggas na damit ay gumawa sila ng mga granada* gamit ang asul na sinulid, purpurang lana, at matingkad-na-pulang sinulid, na pinilipit nang magkakasama. 25 Gumawa rin sila ng mga kampanilyang yari sa purong ginto at inilagay ang mga kampanilya sa pagitan ng mga granada na nasa palibot ng laylayan ng walang-manggas na damit; 26 pinagsalit nila ang isang kampanilya at isang granada, isang kampanilya at isang granada, sa palibot ng laylayan ng walang-manggas na damit na gagamitin para sa paglilingkod, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
27 At ginawa nila ang mahahabang damit gamit ang magandang klase ng lino, na hinabi ng isang manggagawa sa habihan, para kay Aaron at sa mga anak niya,+ 28 at ang espesyal na turbante+ na yari sa magandang klase ng lino, ang mga turbanteng may palamuti+ na yari sa magandang klase ng lino, ang mga panloob* na lino+ na yari sa magandang klase ng pinilipit na lino, 29 at ang pamigkis na hinabi gamit ang magandang klase ng pinilipit na lino, asul na sinulid, purpurang lana, at matingkad-na-pulang sinulid, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
30 Bilang panghuli, ginawa nila ang makintab na lamina, ang banal na tanda ng pag-aalay,* gamit ang purong ginto, at gaya ng pag-ukit sa isang pantatak ay iniukit nila roon: “Ang kabanalan ay kay Jehova.”+ 31 Nilagyan nila ito ng isang tali na yari sa asul na sinulid para maikabit ito sa espesyal na turbante, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
32 Sa gayon ay natapos ang lahat ng gawain para sa tabernakulo, ang tolda ng pagpupulong, at ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises.+ Gayong-gayon ang ginawa nila.
33 Pagkatapos, dinala nila kay Moises ang tabernakulo,+ ang tolda+ at ang lahat ng kagamitan nito: ang mga pangawit,+ mga hamba,+ mga barakilan,*+ mga haligi, at may-butas na mga patungan nito;+ 34 ang pantakip nito na yari sa balat ng lalaking tupa na tinina sa pula,+ ang pantakip nito na yari sa balat ng poka,* ang kurtinang pantabing;+ 35 ang kaban ng Patotoo at ang mga pingga*+ nito at ang pantakip;+ 36 ang mesa, ang lahat ng kagamitan nito+ at ang tinapay na pantanghal; 37 ang kandelero na yari sa purong ginto, ang nakahanay na mga ilawan nito,+ at ang lahat ng kagamitan nito+ at ang langis para sa mga ilawan;+ 38 ang gintong altar,+ ang langis para sa pag-aatas,+ ang mabangong insenso,+ ang pantabing*+ sa pasukan ng tolda; 39 ang tansong altar+ at tansong parilya* nito, ang mga pingga nito,+ ang lahat ng kagamitan nito,+ ang tipunan ng tubig at patungan nito;+ 40 ang nakasabit na mga tabing ng looban, ang mga haligi nito at may-butas na mga patungan nito,+ ang pantabing*+ sa pasukan ng looban, ang mga panaling pantolda nito at mga tulos na pantolda nito+ at lahat ng kagamitan para sa paglilingkod sa tabernakulo, para sa tolda ng pagpupulong; 41 ang mga kasuotan na mahusay ang pagkakahabi para sa paglilingkod sa santuwaryo, ang banal na kasuotan para kay Aaron na saserdote,+ at ang mga kasuotan ng mga anak niya para sa paglilingkod bilang saserdote.
42 Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng gawain ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises.+ 43 Nang suriin ni Moises ang lahat ng nagawa nila, nakita niyang ginawa nila ang mga iyon ayon sa iniutos ni Jehova; at pinagpala sila ni Moises.