Jeremias
14 Ito ang salita ni Jehova na dumating kay Jeremias may kinalaman sa mga tagtuyot:+
2 Ang Juda ay nagdadalamhati,+ at ang mga pintuang-daan nito ay nasira.
Nakalugmok na ang mga ito sa lupa at lumong-lumo.
At may hiyaw na nanggagaling sa Jerusalem.
3 At isinusugo ng mga panginoon ang mga lingkod nila para umigib ng tubig.
Pumupunta sila sa mga imbakan ng tubig* pero wala silang makitang tubig.
Bumabalik silang walang laman ang mga lalagyan nila.
Nahihiya sila at nalulungkot,
At tinatakpan nila ang ulo nila.
4 Nagkabitak-bitak ang lupa
Dahil hindi umuulan sa lupain.+
Kaya ang mga magsasaka ay nalulungkot at nagtatakip ng ulo.
5 Iniiwan kahit ng babaeng usa sa parang ang bagong-silang niya
Dahil walang damo.
6 Nakatayo ang mga asno sa tuktok ng mga burol.
Humihingal sila na parang mga chakal;
Nanlalabo ang mga mata nila dahil walang pananim.+
7 Kahit na ang mga pagkakamali namin ay tumetestigo laban sa amin,
O Jehova, kumilos ka alang-alang sa pangalan mo.+
Dahil marami kaming nagawang pagtataksil,+
At sa iyo kami nagkasala.
8 O pag-asa ng Israel, ang Tagapagligtas niya+ sa panahon ng paghihirap,
Bakit para kang isang dayuhan sa lupain,
Gaya ng manlalakbay na tumitigil lang para magpalipas ng gabi?
9 Bakit gaya ka ng isang lalaking natitigilan,
Gaya ng isang malakas na lalaki na hindi makapagligtas?
Huwag mo kaming iwan.
10 Ito ang sinabi ni Jehova may kinalaman sa bayang ito: “Gustong-gusto nilang magpagala-gala;+ hindi nila pinipigilan ang mga paa nila.+ Kaya hindi nalulugod sa kanila si Jehova.+ Ngayon ay aalalahanin niya ang pagkakamali nila at pananagutin sila sa mga kasalanan nila.”+
11 At sinabi ni Jehova sa akin: “Huwag kang mananalangin na mapabuti ang bayang ito.+ 12 Kapag nag-aayuno* sila, hindi ko pinakikinggan ang mga pakiusap nila,+ at kapag naghahandog sila ng buong handog na sinusunog at ng handog na mga butil, hindi ako nalulugod sa mga iyon;+ sa pamamagitan ng espada, ng taggutom, at ng salot* ay lilipulin ko sila.”+
13 At sinabi ko: “O Kataas-taasang Panginoong Jehova! Sinasabi sa kanila ng mga propeta, ‘Hindi kayo makakakita ng espada, at hindi kayo daranas ng taggutom; sa halip ay bibigyan ko kayo ng tunay na kapayapaan sa lugar na ito.’”+
14 Pagkatapos ay sinabi ni Jehova sa akin: “Ang mga propeta ay humuhula ng mga kasinungalingan sa pangalan ko.+ Hindi ko sila isinugo o inutusan o kinausap.+ Sinungaling na pangitain at walang-saysay na panghuhula at panlilinlang ng sarili nilang puso ang sinasabi nila sa inyo.+ 15 Kaya ito ang sinabi ni Jehova may kinalaman sa mga propetang nanghuhula sa pangalan ko, kahit na hindi ko sila isinugo, at nagsasabing walang espada o taggutom na darating sa lupaing ito: ‘Sa pamamagitan ng espada at ng taggutom ay mamamatay ang mga propetang iyon.+ 16 At ang mga taong sinasabihan nila ng hula nila ay itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem dahil sa taggutom at sa espada, at walang maglilibing sa kanila+—sa kanila, sa kanilang mga asawa, sa kanilang mga anak na lalaki, o sa kanilang mga anak na babae—dahil magpapasapit ako ng kapahamakang nararapat sa kanila.’+
17 “Sabihin mo ito sa kanila,
‘Umagos nawa ang luha sa mga mata ko araw at gabi, huwag nawa itong tumigil,+
Dahil ang anak na dalaga ng bayan ko ay hinampas nang malakas+
At nasugatan nang malubha.
At kapag pumupunta ako sa lunsod,
Nakikita ko ang mga sakit na dulot ng taggutom!+
Ang propeta at ang saserdote ay pagala-gala sa isang lupain na hindi nila alam.’”+
19 Lubusan mo na bang itinakwil ang Juda o kinamuhian ang Sion?+
Bakit mo kami sinaktan at wala na kami ngayong pag-asang gumaling?+
Naghintay kami ng kapayapaan, pero walang dumating na mabuti,
Ng panahon ng pagpapagaling, pero takot ang nararamdaman namin!+
20 O Jehova, inaamin namin ang kasamaan namin
At ang pagkakamali ng mga ninuno namin,
Dahil nagkasala kami laban sa iyo.+
21 Alang-alang sa pangalan mo, huwag mo kaming itakwil;+
Huwag mong hamakin ang maluwalhati mong trono.
Alalahanin mo ang tipan mo sa amin, at huwag mo itong sirain.+
22 Mayroon bang sinuman sa walang-silbing mga idolo ng mga bansa na makapagpapaulan,
O may sarili bang kakayahan ang langit na magbuhos ng ulan?
Hindi ba ikaw lang, O Jehova na aming Diyos, ang makagagawa nito?+
At umaasa kami sa iyo,
Dahil ikaw lang ang gumagawa ng lahat ng ito.