Ezekiel
11 At itinaas ako ng isang espiritu at dinala sa silangang pintuang-daan ng bahay ni Jehova, ang pintuang-daan na nakaharap sa silangan.+ Sa pasukan ng pintuang-daan, may nakita akong 25 lalaki at kasama rito si Jaazanias na anak ni Azur at si Pelatias na anak ni Benaias, na mga opisyal ng bayan.+ 2 At sinabi Niya sa akin: “Anak ng tao, ito ang mga lalaking nagpapakana at nagpapayo ng masasamang bagay sa* lunsod na ito. 3 Sinasabi nila, ‘Hindi ba ito ang panahon para magtayo ng mga bahay?+ Ang lunsod* ang lutuan,*+ at tayo ang karne.’
4 “Kaya humula ka laban sa kanila. Humula ka, anak ng tao.”+
5 At sumaakin ang espiritu ni Jehova,+ at sinabi niya: “Sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Tama ang sinabi ninyo, O sambahayan ng Israel; at alam ko ang iniisip ninyo. 6 Marami ang namatay sa lunsod na ito dahil sa inyo, at pinuno ninyo ng mga patay ang mga lansangan nito.”’”+ 7 “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Ang karne ay ang mga patay na ikinalat ninyo sa lunsod, at ang lutuan ay ang lunsod.+ Pero kayo ay ilalabas dito.’”
8 “‘Takot kayo sa espada,+ pero sasaktan ko kayo sa pamamagitan ng espada,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. 9 ‘Ilalabas ko kayo sa kaniya at ibibigay sa kamay ng mga banyaga, at lalapatan ko kayo ng hatol.+ 10 Mamamatay kayo sa espada.+ Hahatulan ko kayo sa hangganan ng Israel,+ at malalaman ninyo na ako si Jehova.+ 11 Ang lunsod ay hindi magiging lutuan para sa inyo, at hindi kayo ang magiging karne sa loob nito; hahatulan ko kayo sa hangganan ng Israel, 12 at malalaman ninyo na ako si Jehova. Dahil hindi ninyo sinunod ang mga tuntunin ko at mga batas* ko,+ kundi sinunod ninyo ang mga batas* ng mga bansa sa palibot ninyo.’”+
13 Pagkatapos kong humula, namatay si Pelatias na anak ni Benaias, kaya sumubsob ako at sumigaw: “O Kataas-taasang Panginoong Jehova! Lilipulin mo ba ang mga natira sa Israel?”+
14 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 15 “Anak ng tao, ang mga kapatid mo, ang mga kapatid mong may karapatang tumubos, pati ang buong sambahayan ng Israel, ay sinabihan ng mga nakatira sa Jerusalem, ‘Lumayo kayo kay Jehova. Sa amin ang lupain; ibinigay ito sa amin para maging pag-aari namin.’ 16 Kaya sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kahit ipinatapon ko sila sa malalayong bansa at pinangalat sa mga lupain,+ pansamantala akong magiging santuwaryo para sa kanila sa mga lupaing kinaroroonan nila.”’+
17 “Kaya sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Titipunin ko rin kayo mula sa mga bayan at lupain kung saan kayo nangalat, at ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Israel.+ 18 At babalik sila roon at aalisin ang lahat ng kasuklam-suklam na bagay at gawain doon.+ 19 At bibigyan ko sila ng pusong hindi hati*+ at ng bagong espiritu;*+ at aalisin ko ang pusong bato sa katawan nila,+ at bibigyan ko sila ng pusong laman,*+ 20 para masunod nila ang mga batas ko at maisagawa ang mga hudisyal na pasiya ko. At sila ay magiging bayan ko, at ako ang magiging Diyos nila.”’
21 “‘“Pero kung tungkol sa mga patuloy na nanghahawakan sa kanilang kasuklam-suklam na mga bagay at gawain, ibabalik ko sa kanila ang bunga ng landasin nila,” ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.’”
22 At itinaas ng mga kerubin ang mga pakpak nila, at katabi nila ang mga gulong,+ at nasa ibabaw nila ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel.+ 23 At ang kaluwalhatian ni Jehova+ ay pumaitaas mula sa lunsod at tumigil sa ibabaw ng bundok na nasa silangan ng lunsod.+ 24 At sa pangitaing ibinigay sa akin sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, itinaas ako ng isang espiritu at dinala sa ipinatapong bayan sa Caldea. Pagkatapos, nawala ang pangitain. 25 At sinabi ko sa ipinatapong bayan ang lahat ng ipinakita sa akin ni Jehova.