Awit ng Pag-akyat.
132 O Jehova, alalahanin mo si David
At ang lahat ng pagdurusa niya,+
2 Na sumumpa siya kay Jehova,
Nanata siya sa Makapangyarihan ng Jacob:+
3 “Hindi ako papasok sa tolda ko, sa bahay ko.+
Hindi ako hihiga sa higaan ko, sa kama ko;
4 Hindi ko patutulugin ang mga mata ko,
Hindi ko papipikitin ang talukap ng mga mata ko
5 Hanggang sa makakita ako ng lugar para kay Jehova,
Isang magandang tahanan para sa Makapangyarihan ng Jacob.”+
6 Narinig namin iyon sa Eprata;+
Nakita namin iyon sa mga parang ng kagubatan.+
7 Pumasok tayo sa tahanan niya;+
Yumukod tayo sa harap ng kaniyang tuntungan.+
8 O Jehova, magpunta ka sa iyong pahingahan,+
Ikaw at ang Kaban ng iyong lakas.+
9 Madamtan nawa ng katuwiran ang iyong mga saserdote,
At humiyaw nawa nang may kagalakan ang mga tapat sa iyo.
10 Alang-alang sa lingkod mong si David,
Huwag mong itakwil ang pinili mo.+
11 Sumumpa si Jehova kay David;
Hindi niya babawiin ang sinabi niya:
“Isa sa mga supling mo
Ang iluluklok ko sa iyong trono.+
12 Kung tutuparin ng mga anak mo ang tipan ko
At susundin ang mga paalaala ko sa kanila,+
Ang mga anak din nila
Ay uupo sa iyong trono magpakailanman.”+
13 Dahil pinili ni Jehova ang Sion;+
Iyon ang gusto niyang maging tahanan niya:+
14 “Ito ang pahingahan ko magpakailanman;
Dito ako maninirahan,+ dahil ito ang gusto ko.
15 Pagpapalain ko ito ng saganang pagkain;
Bubusugin ko ng tinapay ang mga dukhang narito.+
16 Bibihisan ko ng kaligtasan ang mga saserdote nito,+
At hihiyaw sa kagalakan ang mga tapat.+
17 Doon ay lalo kong palalakasin si David.
Naghanda ako ng lampara para sa aking pinili.+
18 Bibihisan ko ng kahihiyan ang mga kaaway niya,
Pero ang korona sa ulo niya ay magniningning.”+