Ruth
4 Pumunta ngayon si Boaz sa pintuang-daan ng lunsod+ at umupo roon. At dumaan ang manunubos na tinutukoy ni Boaz.+ Sinabi ni Boaz sa taong iyon:* “Halika, maupo ka rito.” Kaya lumapit ito at umupo. 2 Pagkatapos, tumawag si Boaz ng 10 matatandang lalaki ng lunsod+ at sinabi: “Maupo kayo rito.” Kaya umupo sila.
3 Sinabi ni Boaz sa manunubos:+ “Ang lupang pag-aari ng kapatid nating si Elimelec+ ay kailangang ipagbili ni Noemi, na nagbalik mula sa lupain ng Moab.+ 4 Kaya naisip ko na dapat ko itong ipaalám sa iyo at sabihin, ‘Bilhin mo iyon sa harap ng mga tagarito at ng matatandang lalaki ng ating bayan.+ Kung tutubusin mo iyon, tubusin mo. Pero kung hindi mo tutubusin, ipaalám mo sa akin, dahil ikaw ang may karapatang tumubos, at ako ang kasunod mo.’” Sinabi niya: “Handa kong tubusin iyon.”+ 5 Sinabi naman ni Boaz: “Sa araw na bilhin mo ang bukid kay Noemi, dapat mo ring bilhin iyon kay Ruth na Moabita, na asawa ng namatay, para ang pangalan ng namatay ay maibalik sa kaniyang mana.”+ 6 Sinabi ng manunubos: “Hindi ko iyon kayang tubusin dahil baka manganib ang sarili kong mana. Ibinibigay ko sa iyo ang karapatan kong tumubos dahil hindi ko iyon matutubos.”
7 Ito ang kaugalian noon sa Israel para maging legal ang bawat uri ng kasunduan may kinalaman sa karapatang tumubos at sa pagpapalitan: Huhubarin ng isa ang sandalyas niya+ at ibibigay iyon sa kabilang panig, at ganito pinagtitibay sa Israel ang isang kasunduan. 8 Kaya nang sabihin ng manunubos kay Boaz, “Ikaw na ang bumili,” hinubad ng manunubos ang sandalyas niya. 9 Pagkatapos, sinabi ni Boaz sa matatandang lalaki at sa lahat ng naroon: “Kayo ang mga saksi ngayon,+ na binibili ko kay Noemi ang lahat ng kay Elimelec at ang lahat ng kina Kilion at Mahalon. 10 Kinukuha ko rin bilang asawa si Ruth na Moabita, na asawa ni Mahalon, para ang pangalan ng namatay ay maibalik sa kaniyang mana,+ at sa gayon, ang pangalan ng namatay ay hindi mawala sa gitna ng mga kapatid niya at ng kaniyang lunsod.* Kayo ay mga saksi ngayon.”+
11 Sumagot ang lahat ng nasa pintuang-daan ng lunsod at ang matatandang lalaki: “Mga saksi kami! Pagpalain nawa ni Jehova ang mapapangasawa mo para maging gaya siya nina Raquel at Lea, na kapuwa nagtayo ng sambahayan ng Israel.+ Pagpalain ka nawa sa Eprata+ at makagawa ng magandang pangalan* sa Betlehem.+ 12 At sa pamamagitan ng anak na ibibigay sa iyo ni Jehova mula sa babaeng ito,+ ang sambahayan mo nawa ay maging gaya ng sambahayan ni Perez,+ na anak nina Tamar at Juda.”
13 Kaya kinuha ni Boaz si Ruth bilang asawa. Sinipingan niya si Ruth, at sa pagpapala ni Jehova, nagdalang-tao ito at nagsilang ng anak na lalaki. 14 At sinabi ng mga babae kay Noemi: “Purihin si Jehova dahil hindi niya hinayaan na walang tumubos sa iyo sa araw na ito. Makilala nawa ang pangalan ng batang ito sa Israel! 15 Ibinalik niya* ang sigla sa buhay mo, at aalagaan ka niya sa iyong katandaan, dahil anak siya ng iyong manugang, na nagmamahal sa iyo+ at nakahihigit pa sa pitong anak na lalaki.” 16 Kinarga ni Noemi* ang bata, at siya ang naging tagapag-alaga nito. 17 At binigyan iyon ng pangalan ng mga kapitbahay na babae. Sinabi nila, “Isang anak na lalaki ang ipinanganak kay Noemi,” at pinangalanan nila siyang Obed.+ Siya ang ama ni Jesse,+ na ama ni David.
18 At ito ang linya ng angkan* ni Perez:+ naging anak ni Perez si Hezron;+ 19 naging anak ni Hezron si Ram; naging anak ni Ram si Aminadab;+ 20 naging anak ni Aminadab+ si Nason; naging anak ni Nason si Salmon; 21 naging anak ni Salmon si Boaz; naging anak ni Boaz si Obed; 22 naging anak ni Obed si Jesse;+ at naging anak ni Jesse si David.+