Levitico
22 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niya na dapat silang maging maingat sa paghawak* sa mga banal na bagay na pinababanal at inihahandog sa akin ng mga Israelita para hindi nila malapastangan ang aking banal na pangalan.+ Ako si Jehova. 3 Sabihin mo sa kanila, ‘Sa lahat ng henerasyon ninyo, dapat alisin* sa harap ko ang sinuman sa inyong mga supling na habang marumi ay lumapit sa mga banal na bagay na pinababanal ng mga Israelita para kay Jehova.+ Ako si Jehova. 4 Sinumang lalaki sa mga supling ni Aaron na may ketong+ o may lumalabas na malapot na likido sa ari+ ay hindi puwedeng kumain ng mga banal na bagay hanggang sa maging malinis siya,+ gayundin ang isang lalaking nadikit sa sinumang marumi dahil sa isang namatay na tao,*+ o ang isang lalaking nilabasan ng semilya,+ 5 o ang isang lalaking nadikit sa maruming hayop na nagkukulumpon*+ o sa isang taong marumi sa anumang dahilan at puwedeng makahawa ng karumihan nito.+ 6 Ang taong* madikit sa alinman sa mga ito ay magiging marumi hanggang gabi at hindi makakakain ng alinman sa mga banal na bagay, at dapat siyang maligo.+ 7 Magiging malinis siya sa paglubog ng araw, at puwede na siyang kumain ng mga banal na bagay, dahil iyon ang pagkaing nakalaan sa kaniya.+ 8 Hindi rin siya puwedeng kumain ng anumang hayop na natagpuang patay o nilapa ng mababangis na hayop dahil maparurumi siya nito.+ Ako si Jehova.
9 “‘Dapat nilang tuparin ang obligasyon nila sa akin para hindi sila magkasala dahil dito at mamatay dahil sa paglapastangan sa mga banal na bagay. Akong si Jehova ang nagpapabanal sa kanila.
10 “‘Walang ibang* puwedeng kumain ng anumang bagay na banal.+ Walang dayuhang bisita ng saserdote o upahang trabahador ang makakakain ng anumang bagay na banal. 11 Pero kung ang isang saserdote ay bumili ng alipin gamit ang sarili niyang pera, ang taong iyon ay makakakain nito. Ang mga aliping ipinanganak sa sambahayan niya ay puwede ring kumain ng pagkain niya.+ 12 Kung ang anak na babae ng isang saserdote ay mag-asawa ng hindi saserdote,* hindi siya makakakain mula sa iniabuloy na mga banal na bagay. 13 Pero kung ang anak na babae ng isang saserdote ay maging biyuda o diborsiyada at wala siyang anak, at muli siyang tumira sa bahay ng kaniyang ama gaya noong bata pa siya, makakakain siya ng pagkain ng kaniyang ama;+ pero walang ibang* puwedeng kumain nito.
14 “‘Kung ang isang tao ay di-sinasadyang makakain ng isang banal na bagay, babayaran niya ang halaga nito at magdaragdag pa siya ng sangkalima* ng halaga nito at ibibigay niya sa saserdote ang banal na handog.+ 15 Kaya hindi dapat lapastanganin ng mga saserdote ang mga banal na bagay na iniaabuloy kay Jehova ng mga Israelita+ 16 at magdala nga ng kaparusahan sa bayan dahil hinayaan nilang magkasala ang bayan nang kainin ng mga ito ang mga banal na bagay; dahil akong si Jehova ang nagpapabanal sa kanila.’”
17 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 18 “Sabihin mo kay Aaron, sa mga anak niya, at sa lahat ng Israelita, ‘Kung ang isang Israelita o isang dayuhang naninirahan sa Israel ay mag-alay kay Jehova ng isang handog na sinusunog+ para tuparin ang panata niya o para magbigay ng kusang-loob na handog,+ 19 dapat siyang mag-alay ng isang lalaki at malusog na hayop+—baka, batang tupa, o kambing—para sang-ayunan siya. 20 Huwag kayong maghahandog ng anumang may depekto,+ dahil wala itong magagawa para tumanggap kayo ng pagsang-ayon.
21 “‘Kung ang isang tao ay maghandog kay Jehova ng isang haing pansalo-salo+ para tuparin ang isang panata o bilang kusang-loob na handog, dapat na ito ay isang malusog na hayop mula sa bakahan o kawan para sang-ayunan siya. Dapat na wala itong depekto. 22 Hindi puwedeng maghandog ng hayop na bulag o may bali, hiwa, kulugo, langib, o buni; hindi mo puwedeng iharap kay Jehova ang alinman sa mga ito o ialay ang gayong handog sa altar para kay Jehova. 23 Puwede kang mag-alay ng isang toro* o tupa na may isang binti na sobrang haba o sobrang ikli bilang kusang-loob na handog, pero hindi iyon magiging katanggap-tanggap bilang panatang handog. 24 Huwag ninyong ihahandog kay Jehova ang mga hayop na ang mga bayag ay napinsala o nadurog o hinugot o pinutol, at huwag ninyong ihahandog ang gayong mga hayop sa inyong lupain. 25 At hindi puwedeng ihandog bilang pagkain* ng inyong Diyos ang alinman sa mga ito na mula sa kamay ng isang dayuhan, dahil ang mga iyon ay may kasiraan at depekto. Hindi magiging katanggap-tanggap ang mga iyon.’”
26 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 27 “Kung may ipanganak na toro, batang lalaking tupa, o kambing, pitong araw itong mananatiling kasama ng ina nito,+ pero mula sa ikawalong araw, magiging katanggap-tanggap na ito bilang handog, isang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy. 28 Kung tungkol sa toro o tupa, huwag ninyo itong papatayin at ang anak nito sa iisang araw.+
29 “Kung mag-aalay kayo ng hain ng pasasalamat kay Jehova,+ ialay ninyo ito sa paraang tatanggap kayo ng pagsang-ayon. 30 Dapat itong kainin sa araw na iyon. Huwag kayong magtitira nito hanggang sa umaga.+ Ako si Jehova.
31 “Dapat ninyong sundin ang mga utos ko at tuparin ang mga iyon.+ Ako si Jehova. 32 Huwag ninyong lalapastanganin ang aking banal na pangalan,+ at dapat na mapabanal ako sa gitna ng mga Israelita.+ Akong si Jehova ang nagpapabanal sa inyo,+ 33 ang naglabas sa inyo sa Ehipto para maging Diyos ako sa inyo.+ Ako si Jehova.”