Ezekiel
20 At nang ikapitong taon, noong ika-10 araw ng ikalimang buwan, may ilang matatandang lalaki ng Israel na umupo sa harap ko para sumangguni kay Jehova. 2 At dumating sa akin ang salita ni Jehova: 3 “Anak ng tao, sabihin mo sa matatandang lalaki ng Israel, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Narito ba kayo para sumangguni sa akin? ‘Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako, hindi ko sasagutin ang tanong ninyo,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”’
4 “Handa ka na bang hatulan sila?* Handa ka na bang hatulan sila, anak ng tao? Ipaalám mo sa kanila ang kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ng mga ninuno nila.+ 5 Sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Nang araw na piliin ko ang Israel,+ sumumpa rin ako* sa mga supling* ng sambahayan ni Jacob, at nagpakilala ako sa kanila sa lupain ng Ehipto.+ Oo, sumumpa ako sa kanila at nagsabi, ‘Ako ang Diyos ninyong si Jehova.’ 6 Nang araw na iyon, sumumpa akong ilalabas ko sila sa Ehipto at dadalhin sa lupaing pinili* ko para sa kanila, na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.+ Ito ang pinakamaganda sa* lahat ng lupain. 7 At sinabi ko sa kanila, ‘Dapat itapon ng bawat isa sa inyo ang kasuklam-suklam na mga bagay na nasa harap ninyo; huwag ninyong dungisan ang sarili ninyo sa pamamagitan ng karima-rimarim na mga idolo* ng Ehipto.+ Ako ang Diyos ninyong si Jehova.’+
8 “‘“Pero nagrebelde sila at ayaw nilang makinig sa akin. Hindi nila itinapon ang kasuklam-suklam na mga bagay na nasa harap nila, at hindi nila iniwan ang karima-rimarim na mga idolo ng Ehipto.+ Kaya ipinasiya kong ibuhos sa kanila ang poot ko at ilabas ang buong galit ko sa kanila sa lupain ng Ehipto. 9 Pero kumilos ako alang-alang sa pangalan ko para hindi ito malapastangan ng mga bansang tinitirhan nila noon.+ Dahil sa harap ng mga bansa, ipinakilala ko sa kanila* ang sarili ko nang ilabas ko sila* sa Ehipto.+ 10 Kaya inilabas ko sila sa Ehipto at dinala sa ilang.+
11 “‘“Pagkatapos, ipinaalám ko sa kanila ang mga batas at mga hudisyal na pasiya ko+ para patuloy na mabuhay ang taong magsasagawa ng mga ito.+ 12 Ibinigay ko rin sa kanila ang batas ko sa mga sabbath+ para maging isang tanda sa pagitan namin,+ para malaman nila na akong si Jehova ang nagpapabanal sa kanila.
13 “‘“Pero nagrebelde sa akin sa ilang ang sambahayan ng Israel.+ Hindi nila sinunod ang mga batas ko, at itinakwil nila ang mga hudisyal na pasiya ko; kung isasagawa lang sana ng isang tao ang mga ito, patuloy siyang mabubuhay. Nilapastangan nila nang husto ang mga sabbath ko. Kaya ipinasiya kong ibuhos sa kanila sa ilang ang poot ko para malipol sila.+ 14 Kumilos ako alang-alang sa sarili kong pangalan para hindi ito malapastangan ng mga bansa, na nakakita nang ilabas ko sila.*+ 15 Sumumpa rin ako sa kanila sa ilang na hindi ko sila dadalhin sa lupaing ibinigay ko sa kanila+—isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,+ ang pinakamaganda sa* lahat ng lupain— 16 dahil itinakwil nila ang mga hudisyal na pasiya ko, hindi nila sinunod ang mga batas ko, at nilapastangan nila ang mga sabbath ko, dahil ang puso nila ay sumunod sa kanilang karima-rimarim na mga idolo.+
17 “‘“Pero naawa ako* sa kanila, at hindi ko sila pinuksa; hindi ko sila nilipol sa ilang. 18 Sinabi ko sa mga anak nila sa ilang,+ ‘Huwag ninyong sundin ang mga tuntunin o pasiya* ng mga ninuno ninyo+ o dungisan ang sarili ninyo sa pamamagitan ng karima-rimarim na mga idolo nila. 19 Ako ang Diyos ninyong si Jehova. Sundin ninyo ang mga batas ko at isagawa ang mga hudisyal na pasiya ko.+ 20 At pabanalin ninyo ang mga sabbath ko,+ at iyon ay magiging tanda sa pagitan natin para malaman ninyo na ako ang Diyos ninyong si Jehova.’+
21 “‘“Pero nagrebelde sa akin ang mga anak.+ Hindi nila sinunod ang mga batas ko, at hindi nila tinupad ang mga hudisyal na pasiya ko; kung isasagawa lang sana ng isang tao ang mga ito, patuloy siyang mabubuhay. Nilapastangan nila ang mga sabbath ko. Kaya ipinasiya kong ibuhos sa kanila ang poot ko at ilabas ang buong galit ko sa kanila sa ilang.+ 22 Pero nagpigil ako+ at kumilos alang-alang sa sarili kong pangalan+ para hindi ito malapastangan ng mga bansa, na nakakita nang ilabas ko sila.* 23 Sumumpa rin ako sa kanila sa ilang na pangangalatin ko sila sa mga bansa at mga lupain,+ 24 dahil hindi nila isinagawa ang mga hudisyal na pasiya ko at itinakwil nila ang mga batas ko,+ nilapastangan nila ang mga sabbath ko, at sumunod sila* sa karima-rimarim na mga idolo ng mga ninuno nila.+ 25 Hinayaan ko rin silang sumunod sa maling mga tuntunin at sa mga hudisyal na pasiya na hindi magbibigay sa kanila ng buhay.+ 26 Hinayaan ko silang madungisan ng sarili nilang paghahain—kapag sinusunog nila ang bawat panganay+—para mapuksa sila, at sa gayon ay malaman nila na ako si Jehova.”’
27 “Kaya sabihin mo sa sambahayan ng Israel, O anak ng tao, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Sa ganitong paraan din ako nilapastangan ng mga ninuno ninyo nang hindi sila naging tapat sa akin. 28 Dinala ko sila sa lupaing ipinangako* ko sa kanila.+ Nang makita nila ang lahat ng matataas na burol at malalagong puno,+ inihandog nila roon ang kanilang mga hain at nakagagalit na mga handog. Doon nila inialay ang mga hain nila na may nakagiginhawang amoy at ibinuhos ang kanilang mga handog na inumin. 29 Kaya tinanong ko sila, ‘Bakit kayo pumupunta sa mataas na lugar na ito? (Tinatawag pa rin itong Mataas na Lugar hanggang sa araw na ito.)’”’+
30 “Kaya sabihin mo sa sambahayan ng Israel, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Dinurungisan ba ninyo ang inyong sarili gaya ng mga ninuno ninyo sa pamamagitan ng pagsunod at pagsamba* sa kanilang karima-rimarim na mga idolo?+ 31 At dinurungisan pa rin ba ninyo ang inyong sarili hanggang ngayon sa pamamagitan ng paghahandog sa lahat ng karima-rimarim na idolo ninyo at pagsusunog sa mga anak ninyo?+ Kaya bakit ko nga sasagutin ang tanong ninyo, O sambahayan ng Israel?”’+
“‘Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘hindi ko sasagutin ang tanong ninyo.+ 32 At hinding-hindi mangyayari ang iniisip ninyo nang sabihin ninyo, “Maging gaya tayo ng ibang bansa, gaya ng mga pamilya sa ibang lupain, na sumasamba* sa kahoy at bato.”’”+
33 “‘Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘maghahari ako sa inyo. Gagamitin ko sa inyo ang aking makapangyarihang kamay at unat na bisig, at ibubuhos ko sa inyo ang poot ko.+ 34 Ilalabas ko kayo mula sa mga bayan at titipunin mula sa mga lupain kung saan kayo nangalat dahil sa aking makapangyarihang kamay, unat na bisig, at ibinuhos na poot.+ 35 Dadalhin ko kayo sa ilang ng mga bayan at lilitisin doon nang harapan.+
36 “‘Kung paanong nilitis ko ang inyong mga ninuno sa ilang ng Ehipto, lilitisin ko rin kayo,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. 37 ‘Pararaanin ko kayo sa ilalim ng tungkod ng pastol+ at oobligahing tuparin ang* tipan. 38 Pero aalisin ko sa inyo ang mga rebelde at ang mga sumusuway sa akin.+ Dahil ilalabas ko sila sa lupaing pinaninirahan nila bilang dayuhan, pero hindi sila makakapasok sa lupain ng Israel;+ at malalaman ninyo na ako si Jehova.’
39 “Pero para sa inyo, O sambahayan ng Israel, ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Sige, maglingkod ang bawat isa sa inyo sa kaniyang karima-rimarim na mga idolo.+ Pero pagkatapos, kahit hindi kayo makinig sa akin, hindi na ninyo malalapastangan ang aking banal na pangalan dahil sa inyong mga hain at karima-rimarim na mga idolo.’+
40 “‘Dahil sa aking banal na bundok, sa mataas na bundok ng Israel,+ maglilingkod sa akin ang buong sambahayan ng Israel, silang lahat,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. ‘Doon, malulugod ako sa kanila, at hihingin ko ang inyong abuloy at mga unang bunga ng inyong mga handog, ang lahat ng inyong banal na bagay.+ 41 Dahil sa nakagiginhawang amoy, malulugod ako sa inyo kapag inilabas ko kayo mula sa mga bayan at tinipon mula sa mga lupain kung saan kayo nangalat;+ at mapababanal ako dahil sa inyo sa harap ng mga bansa.’+
42 “‘At malalaman ninyo na ako si Jehova+ kapag dinala ko kayo sa lupain ng Israel,+ sa lupaing ipinangako ko sa mga ninuno ninyo. 43 At maaalaala ninyo roon ang paggawi ninyo at lahat ng ginawa ninyo na nagparungis sa inyong sarili,+ at kamumuhian ninyo ang inyong sarili* dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ninyo.+ 44 At malalaman ninyo, O sambahayan ng Israel, na ako si Jehova kapag pinakitunguhan ko kayo alang-alang sa aking pangalan+ at hindi ayon sa inyong masamang paggawi o pakikitungo,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”
45 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 46 “Anak ng tao, humarap ka sa timog at ihayag mo ang mensahe para sa timog, at humula ka tungkol sa kagubatan sa timog. 47 Sabihin mo sa kagubatan sa timog, ‘Pakinggan mo ang mensahe ni Jehova. Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Magpapalagablab ako ng apoy laban sa iyo,+ at susunugin nito ang bawat mayabong na puno at bawat tuyong puno mo. Hindi mapapatay ang nagliliyab na apoy,+ at mapapaso nito ang lahat ng mukha mula timog hanggang hilaga. 48 At makikita ng lahat ng tao* na akong si Jehova ang nagpaliyab ng apoy, kaya hindi ito mapapatay.”’”+
49 At sinabi ko: “O Kataas-taasang Panginoong Jehova! Sinasabi nila tungkol sa akin, ‘Hindi ba palaisipan* lang naman ang sinasabi niya?’”