Levitico
14 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Ito ang kautusan tungkol sa ketongin sa araw na ipahahayag siyang malinis, kapag dinala siya sa saserdote.+ 3 Ang saserdote ay pupunta sa labas ng kampo para suriin siya. Kung gumaling na ang ketongin, 4 uutusan siya ng saserdote na magdala ng dalawang buháy at malilinis na ibon, kahoy ng sedro, matingkad-na-pulang sinulid, at isopo para sa paglilinis sa kaniya.+ 5 Iuutos ng saserdote na patayin ang isang ibon sa ibabaw ng isang sisidlang luwad na may sariwang tubig. 6 Pero kukunin niya ang buháy na ibon pati na ang kahoy ng sedro, matingkad-na-pulang sinulid, at isopo, at isasawsaw ang mga iyon sa sariwang tubig na may halong dugo ng pinatay na ibon. 7 Pagkatapos, pitong ulit niya itong patutuluin sa taong naglilinis ng sarili niya mula sa ketong at ipahahayag niya siyang malinis, at pakakawalan niya sa parang ang buháy na ibon.+
8 “Dapat labhan ng taong naglilinis ng sarili niya ang kaniyang mga damit at ahitin ang lahat ng buhok niya at dapat siyang maligo sa tubig, at siya ay magiging malinis. Pagkatapos, puwede na siyang pumasok sa kampo, pero mananatili muna siya nang pitong araw sa labas ng tolda niya. 9 Sa ikapitong araw, dapat niyang ahitin ang lahat ng buhok niya sa ulo at baba, pati kilay. Pagkatapos ahitin ang lahat ng buhok niya, lalabhan niya ang mga damit niya at maliligo siya, at siya ay magiging malinis.
10 “Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang malulusog na batang lalaking tupa, isang malusog na babaeng kordero*+ na hindi lalampas ng isang taóng gulang, tatlong-ikasampu ng isang epa* ng magandang klase ng harina na hinaluan ng langis bilang handog na mga butil,+ at isang takal na log* ng langis;+ 11 at ang taong iyon na naglilinis ng sarili niya at ang mga handog niya ay dadalhin sa pasukan ng tolda ng pagpupulong at ihaharap kay Jehova ng saserdoteng naghayag na malinis na siya. 12 Kukunin ng saserdote ang isang batang lalaking tupa at iaalay iyon bilang handog para sa pagkakasala+ kasama ang isang takal na log ng langis, at igagalaw niya ang mga iyon nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw* sa harap ni Jehova.+ 13 At papatayin niya ang batang lalaking tupa kung saan karaniwang pinapatay ang handog para sa kasalanan at handog na sinusunog,+ sa isang banal na lugar, dahil tulad ng handog para sa kasalanan, ang handog para sa pagkakasala ay mapupunta sa saserdote.+ Iyon ay kabanal-banalang bagay.+
14 “At ang saserdote ay kukuha ng dugo ng handog para sa pagkakasala, at ilalagay iyon ng saserdote sa pingol* ng kanang tainga ng taong naglilinis ng sarili niya at sa hinlalaki ng kanang kamay nito at sa hinlalaki ng kanang paa nito. 15 At ang saserdote ay kukuha ng kaunti mula sa isang takal na log ng langis+ at ibubuhos iyon sa kaliwang palad niya. 16 Pagkatapos, isasawsaw ng saserdote ang kanang daliri niya sa langis na nasa kaliwang palad niya at patutuluin nang pitong ulit sa harap ni Jehova ang langis na nasa daliri niya. 17 At kukuha ang saserdote ng kaunti mula sa natirang langis na nasa palad niya at ilalagay ito sa pingol ng kanang tainga ng taong naglilinis ng sarili niya at sa hinlalaki ng kanang kamay nito at sa hinlalaki ng kanang paa nito kung saan din inilagay ang dugo ng handog para sa pagkakasala. 18 Ang natitirang langis sa palad ng saserdote ay ilalagay niya sa ulo ng taong naglilinis ng sarili niya, at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya sa harap ni Jehova.+
19 “Iaalay ng saserdote ang handog para sa kasalanan+ at magbabayad-sala para sa taong naglilinis ng sarili niya mula sa karumihan, at pagkatapos ay papatayin niya ang handog na sinusunog. 20 At iaalay ng saserdote ang handog na sinusunog at ang handog na mga butil+ sa ibabaw ng altar, at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya,+ at magiging malinis siya.+
21 “Pero kung mahirap siya at walang sapat na kakayahan, kukuha siya ng isang batang lalaking tupa bilang handog para sa pagkakasala, na isang handog na iginagalaw* at magsisilbing pambayad-sala para sa sarili niya, gayundin ng ikasampu ng isang epa* ng magandang klase ng harina na hinaluan ng langis bilang handog na mga butil, isang takal na log ng langis, 22 at dalawang batubato o dalawang inakáy ng kalapati, ayon sa kakayahan niya. Ang isa ay handog para sa kasalanan, at ang isa pa ay handog na sinusunog.+ 23 Sa ikawalong araw,+ dadalhin niya ang mga iyon sa saserdote sa pasukan ng tolda ng pagpupulong sa harap ni Jehova para maipahayag siyang malinis.+
24 “Kukunin ng saserdote ang batang lalaking tupa na handog para sa pagkakasala+ at ang isang takal na log ng langis, at ang mga iyon ay igagalaw ng saserdote nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw* sa harap ni Jehova.+ 25 Pagkatapos, papatayin niya ang batang lalaking tupa na handog para sa pagkakasala, at ang saserdote ay kukuha ng dugo ng handog para sa pagkakasala at ilalagay iyon sa pingol ng kanang tainga ng taong naglilinis ng sarili niya at sa hinlalaki ng kanang kamay nito at sa hinlalaki ng kanang paa nito.+ 26 Ang saserdote ay magbubuhos ng langis sa kaliwang palad niya,+ 27 at gamit ang kanang daliri niya, patutuluin niya nang pitong ulit sa harap ni Jehova ang langis na nasa kaliwang palad niya. 28 At kukuha ang saserdote ng kaunti mula sa langis na nasa palad niya at ilalagay ito sa pingol ng kanang tainga ng taong naglilinis ng sarili niya at sa hinlalaki ng kanang kamay nito at sa hinlalaki ng kanang paa nito kung saan din niya inilagay ang dugo ng handog para sa pagkakasala. 29 Ang natitirang langis sa palad ng saserdote ay ilalagay niya sa ulo ng taong naglilinis ng sarili niya para makapagbayad-sala sa harap ni Jehova para sa kaniya.
30 “Ihahandog niya ang mga batubato o mga inakáy ng kalapati, na ayon sa kakayahan niya,+ 31 ang kaya niyang ibigay, ang isa bilang handog para sa kasalanan at ang isa pa bilang handog na sinusunog+ kasama ng handog na mga butil; at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa taong naglilinis ng sarili niya sa harap ni Jehova.+
32 “Ito ang kautusan para sa taong gumaling sa ketong pero walang kakayahang ibigay ang mga kahilingan para maipahayag siyang malinis.”
33 Sinabi pa ni Jehova kina Moises at Aaron: 34 “Kapag pumasok kayo sa Canaan,+ na ibinibigay ko sa inyo bilang pag-aari,+ at sinalot ko ng ketong ang isang bahay sa inyong lupain,+ 35 ang may-ari ng bahay ay dapat pumunta sa saserdote para sabihin, ‘Parang may lumitaw na ketong sa bahay ko.’ 36 Iuutos ng saserdote na alisin ang laman ng bahay bago siya pumunta roon para suriin ang salot, para hindi niya ipahayag na marumi ang lahat ng nasa bahay; at pagkatapos ay papasok ang saserdote para suriin ang bahay. 37 Susuriin niya ang bahagi kung saan lumitaw ang salot, at kung ang mga dingding ng bahay ay may mga uka na manilaw-nilaw na berde o mamula-mula at mukhang tagos sa palitada ng dingding, 38 lalabas ang saserdote sa pintuan ng bahay at isasara* ang bahay nang pitong araw.+
39 “Pagkatapos, babalik ang saserdote sa ikapitong araw at susuriin iyon. Kung kumalat ang salot sa mga dingding ng bahay, 40 magbibigay ng utos ang saserdote, at tatanggalin nila ang mga bato kung saan lumitaw ang salot at itatapon ang mga iyon sa isang maruming lugar sa labas ng lunsod. 41 Dapat niyang ipakayod na mabuti ang loob ng bahay, at ang tinanggal na palitada at argamasa* ay dapat itapon sa isang maruming lugar sa labas ng lunsod. 42 Pagkatapos, papalitan nila ng bagong mga bato ang tinanggal na mga bato, at gagamit siya ng bagong argamasa at papalitadahan ang bahay.
43 “Pero kung bumalik ang salot sa bahay pagkatapos tanggalin ang mga bato at kayurin at palitadahang muli ang bahay, 44 pupuntahan iyon ng saserdote para suriin. Kung kumalat ang salot sa bahay, iyon ay malalang ketong+ sa bahay. Marumi ang bahay. 45 Dapat niyang ipagiba ang bahay—ang mga bato, mga tabla, at lahat ng palitada at argamasa ng bahay—at ipatapon sa isang maruming lugar sa labas ng lunsod.+ 46 Sinumang pumasok sa bahay sa panahong ipinasara* iyon+ ay magiging marumi hanggang gabi;+ 47 at sinumang matulog sa loob ng bahay ay dapat maglaba ng mga damit niya, at sinumang kumain sa loob ng bahay ay dapat maglaba ng mga damit niya.
48 “Pero kung pumunta ang saserdote at makita niyang hindi kumalat ang salot sa bahay matapos itong palitadahang muli, ipahahayag ng saserdote na malinis ang bahay dahil nawala ang salot. 49 Para maging malinis ang bahay mula sa karumihan,* kukuha siya ng dalawang ibon, kahoy ng sedro, matingkad-na-pulang sinulid, at isopo.+ 50 Papatayin niya ang isang ibon sa ibabaw ng isang sisidlang luwad na may sariwang tubig. 51 At kukunin niya ang kahoy ng sedro, isopo, matingkad-na-pulang sinulid, at buháy na ibon at isasawsaw ang mga iyon sa sariwang tubig na may halong dugo ng pinatay na ibon, at patutuluin niya iyon sa bahay nang pitong ulit.+ 52 At lilinisin niya ang bahay mula sa karumihan* sa pamamagitan ng dugo ng ibon, sariwang tubig, buháy na ibon, kahoy ng sedro, isopo, at matingkad-na-pulang sinulid. 53 At pakakawalan niya ang buháy na ibon sa parang sa labas ng lunsod, at magbabayad-sala siya para sa bahay, at iyon ay magiging malinis.
54 “Ito ang kautusan tungkol sa anumang kaso ng ketong, impeksiyon sa anit o balbas,+ 55 ketong sa damit+ o bahay,+ 56 at tungkol sa mga umbok, langib, at patse,+ 57 para matukoy kung marumi o malinis ang isang bagay.+ Ito ang kautusan tungkol sa ketong.”+