Exodo
35 Nang maglaon, tinipon ni Moises ang buong bayan ng Israel at sinabi sa kanila: “Ito ang mga iniutos ni Jehova na kailangang gawin:+ 2 Puwede kayong magtrabaho nang anim na araw, pero ang ikapitong araw ay magiging banal para sa inyo, isang sabbath, isang espesyal na araw ng pamamahinga para kay Jehova.+ Ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon ay papatayin.+ 3 Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa inyong mga tirahan sa araw ng Sabbath.”
4 At sinabi ni Moises sa buong bayan ng Israel: “Ito ang iniutos ni Jehova, 5 ‘Lumikom kayo ng abuloy para kay Jehova mula sa inyong sarili.+ Mag-abuloy kay Jehova ang bawat isa na gustong magbigay nang bukal sa puso:+ ginto, pilak, tanso, 6 asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, magandang klase ng lino, balahibo ng kambing,+ 7 balat ng lalaking tupa na tinina sa pula, balat ng poka,* kahoy ng akasya, 8 langis para sa ilawan, balsamong gagamitin sa langis para sa pag-aatas at sa mabangong insenso,+ 9 batong onix, at iba pang bato na ilalagay sa epod*+ at pektoral.*+
10 “‘Lumapit ang lahat ng bihasa*+ sa inyo at gawin ang lahat ng iniutos ni Jehova: 11 ang tabernakulo kasama ang tolda at pantakip nito, ang mga pangawit at mga hamba nito, ang mga barakilan* nito, ang mga haligi nito, at ang may-butas na mga patungan nito; 12 ang Kaban+ at mga pingga* nito,+ ang pantakip,+ at ang kurtinang+ pantabing; 13 ang mesa+ at mga pingga nito at lahat ng kagamitan nito at ang tinapay na pantanghal;+ 14 ang kandelero+ at mga kagamitan nito at mga ilawan nito at ang langis para sa mga ilawan;+ 15 ang altar ng insenso+ at mga pingga nito; ang langis para sa pag-aatas at ang mabangong insenso;+ ang pantabing* sa pasukan ng tabernakulo; 16 ang altar ng handog na sinusunog+ at tansong parilya* nito, ang mga pingga at lahat ng kagamitan nito; ang tipunan ng tubig at patungan nito;+ 17 ang nakasabit na mga tabing para sa looban,+ ang mga haligi nito at may-butas na mga patungan nito; ang pantabing sa pasukan ng looban; 18 ang mga tulos na pantolda para sa tabernakulo at ang mga tulos na pantolda para sa looban at mga panali ng mga ito;+ 19 ang mga kasuotang mahusay ang pagkakahabi+ para sa paglilingkod sa santuwaryo, ang banal na kasuotan para kay Aaron+ na saserdote, at ang mga kasuotan ng mga anak niya para sa paglilingkod bilang saserdote.’”
20 Pagkatapos, umalis sa harap ni Moises ang buong bayan ng Israel. 21 At dumating ang lahat ng naudyukan ng kanilang puso+ at lahat ng napakilos na magdala ng abuloy para kay Jehova na magagamit sa tolda ng pagpupulong, sa lahat ng paglilingkod dito, at sa banal na kasuotan. 22 Patuloy silang nagdatingan, ang mga lalaki kasama ang mga babae, ang bawat isa na gustong magbigay nang bukal sa puso. Nagdala sila ng mga alpiler,* hikaw, singsing, at iba pang alahas, pati ng iba’t ibang uri ng kagamitang ginto. Ibinigay nilang lahat kay Jehova ang kanilang mga gintong handog.*+ 23 At ang lahat ng may asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, magandang klase ng lino, balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na tinina sa pula, at balat ng poka ay nagdala ng mga iyon. 24 Ang lahat ng nag-aabuloy ng pilak at tanso ay nagdala ng mga ito bilang abuloy kay Jehova, at ang lahat ng may kahoy ng akasya na magagamit sa proyekto ay nagdala nito.
25 Ang lahat ng bihasang babae+ ay nag-ikid gamit ang mga kamay nila, at dinala nila ang mga inikid nila: asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng lino. 26 At ang lahat ng bihasang babae na naudyukan ng puso nila ay nag-ikid ng balahibo ng kambing.
27 Ang mga pinuno ay nagdala ng mga batong onix at iba pang bato na ilalagay sa epod at pektoral,+ 28 at ng balsamo at ng langis na gagamitin sa mga ilawan, sa langis para sa pag-aatas,+ at sa mabangong insenso.+ 29 Ang lahat ng lalaki at babae na naudyukan ng puso nila ay nagdala ng mga bagay na magagamit para sa gawaing iniutos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises; dinala ito ng mga Israelita bilang kusang-loob na handog kay Jehova.+
30 Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Tingnan ninyo, pinili ni Jehova si Bezalel na anak ni Uri na anak ni Hur na mula sa tribo ni Juda.+ 31 Pinuspos niya ito ng espiritu ng Diyos at binigyan ng karunungan, unawa, at kaalaman sa bawat uri ng kasanayan, 32 sa paggawa ng magagandang disenyo, sa paggawa gamit ang ginto, pilak, at tanso, 33 sa pagtabas ng mga bato at paggawa ng mga lalagyan* nito, at sa paggawa ng lahat ng uri ng kagamitang yari sa kahoy na may magagandang disenyo. 34 At inilagay ng Diyos sa puso niya ang kakayahang magturo, sa kaniya at kay Oholiab+ na anak ni Ahisamac na mula sa tribo ni Dan. 35 Binigyan niya sila ng kasanayan*+ para magawa ang lahat ng gawain ng bihasang manggagawa, ng burdador, at ng manghahabi gamit ang asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng lino, pati ang gawain ng manggagawa sa habihan. Ang mga lalaking ito ay gagawa ng lahat ng klase ng trabaho at ng lahat ng klase ng disenyo.