Josue
4 Pagkatawid ng buong bansa sa Jordan, sinabi ni Jehova kay Josue: 2 “Pumili ka ng 12 lalaki mula sa bayan, isang lalaki mula sa bawat tribo,+ 3 at iutos mo sa kanila: ‘Kumuha kayo ng 12 bato mula sa gitna ng Jordan, sa lugar na tinayuan ng mga saserdote,+ at dalhin ninyo iyon at ilagay sa lugar kung saan kayo magpapalipas ng gabi.’”+
4 Kaya tinawag ni Josue ang 12 lalaking inatasan niya mula sa mga Israelita, isang lalaki mula sa bawat tribo, 5 at sinabi ni Josue sa kanila: “Pumunta kayo sa unahan ng Kaban ni Jehova na inyong Diyos sa gitna ng Jordan, at pumasan ang bawat isa sa inyo ng tig-iisang bato, ayon sa bilang ng mga tribo ng Israel, 6 para magsilbing paalaala sa inyo. Sa hinaharap, kapag tinanong kayo ng mga anak ninyo, ‘Bakit po mayroon kayo ng mga batong ito?’+ 7 sabihin ninyo sa kanila: ‘Dahil ang tubig ng Jordan ay tumigil sa harap ng kaban+ ng tipan ni Jehova. Nang dumaan ito sa Jordan, huminto ang tubig ng Jordan. Ang mga batong ito ay magsisilbing paalaala sa mga Israelita magpakailanman.’”+
8 At ginawa ng mga Israelita ang iniutos ni Josue. Kumuha sila ng 12 bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng ibinilin ni Jehova kay Josue, katumbas ng bilang ng mga tribo ng Israel. Dinala nila ang mga iyon at inilagay kung saan sila magpapalipas ng gabi.
9 Naglagay rin si Josue ng 12 bato sa gitna ng Jordan kung saan tumayo ang mga saserdoteng nagdadala ng kaban ng tipan,+ at nandoon pa ang mga batong iyon hanggang ngayon.
10 Ang mga saserdoteng nagdadala ng Kaban ay nanatiling nakatayo sa gitna ng Jordan hanggang sa matapos ang lahat ng iniutos ni Jehova kay Josue na ipagawa sa bayan, kaayon ng lahat ng iniutos ni Moises kay Josue. Samantala, ang bayan ay nagmadaling tumawid. 11 Pagkatawid ng buong bayan, itinawid ng mga saserdote ang Kaban ni Jehova habang nakatingin ang bayan.+ 12 At ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang kalahati ng tribo ni Manases ay tumawid na nakahanay gaya ng isang hukbo+ sa unahan ng iba pang Israelita, ayon sa iniutos ni Moises sa kanila.+ 13 Mga 40,000 sundalong nasasandatahan ang tumawid sa harapan ni Jehova papunta sa mga tigang na kapatagan ng Jerico.
14 Nang araw na iyon, ginawang dakila ni Jehova si Josue sa paningin ng buong Israel,+ at iginalang nila siya nang husto* habang siya ay nabubuhay, gaya ng naging paggalang nila kay Moises.+
15 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Josue: 16 “Utusan mo ang mga saserdoteng nagdadala ng kaban+ ng Patotoo na umahon mula sa Jordan.” 17 Kaya inutusan ni Josue ang mga saserdote: “Umahon kayo mula sa Jordan.” 18 Nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga saserdoteng nagdadala ng kaban+ ng tipan ni Jehova at ang paa ng mga saserdote ay tumapak sa pampang, muling umagos ang tubig ng Jordan at umapaw ito sa pampang+ gaya ng dati.
19 Ang bayan ay umahon mula sa Jordan noong ika-10 araw ng unang buwan at nagkampo sa Gilgal+ sa hangganan ng Jerico sa silangan.
20 Ang 12 bato na kinuha nila sa Jordan ay iniayos ni Josue sa Gilgal.+ 21 At sinabi niya sa mga Israelita: “Sa hinaharap, kapag nagtanong ang mga anak ninyo, ‘Para saan po ang mga batong ito?’+ 22 ipaliwanag ninyo sa mga anak ninyo: ‘Lumakad ang Israel sa tuyong lupa noong tumawid sila sa Jordan+ 23 nang tuyuin ni Jehova na inyong Diyos ang tubig ng Jordan sa harap nila hanggang sa makatawid sila, gaya ng ginawa ni Jehova na inyong Diyos sa Dagat na Pula nang tuyuin niya iyon sa harap namin hanggang sa makatawid kami.+ 24 Ginawa niya iyon para malaman ng lahat ng tao sa lupa kung gaano kalakas ang kamay ni Jehova+ at para lagi kayong matakot kay Jehova na inyong Diyos.’”