Unang Hari
6 Noong ika-480 taon pagkalabas ng mga Israelita mula sa lupain ng Ehipto,+ noong ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon sa Israel, nang buwan ng Ziv*+ (ikalawang buwan), sinimulan niya ang pagtatayo ng bahay ni Jehova.*+ 2 Ang bahay na itinayo ni Haring Solomon para kay Jehova ay may habang 60 siko,* lapad na 20 siko, at taas na 30 siko.+ 3 Ang haba ng beranda+ sa harap ng templo* ay 20 siko, gaya ng lapad ng bahay. Ang beranda ay nakadagdag ng 10 siko sa haba ng bahay.
4 Ginawan niya ang bahay ng mga bintanang may papakipot na mga hamba.+ 5 Nagtayo rin siya ng panggilid na gusali na nakadugtong sa pader ng bahay; nakapaikot ito sa pader ng bahay—sa pader ng templo* at ng kaloob-loobang silid+—at mayroon itong panggilid na mga silid.+ 6 Ang pinakaibabang panggilid na mga silid ay may lapad na limang siko, at ang panggitnang palapag ay may lapad na anim na siko, at ang ikatlong palapag ay may lapad na pitong siko; sa buong palibot ng bahay, gumawa siya ng mapagpapatungan ng mga biga para hindi na kailanganing magbutas sa pader.+
7 Itinayo ang bahay gamit ang tinibag na mga bato na natabas na,+ kaya walang narinig na martilyo o palakol o anumang kasangkapang bakal sa bahay habang itinatayo ito. 8 Ang pasukan ng pinakaibabang panggilid na silid ay nasa timog* ng bahay;+ may paikot na hagdan paakyat sa panggitnang palapag at mula sa panggitnang palapag paakyat sa ikatlong palapag. 9 Patuloy niyang itinayo ang bahay at tinapos ito;+ binubungan niya ang bahay sa pamamagitan ng mga biga at mga hanay ng tablang sedro.+ 10 Itinayo niya sa palibot ng bahay ang panggilid na mga silid,+ na bawat isa ay may taas na limang siko, at nakadugtong ang mga ito sa bahay sa pamamagitan ng mga kahoy na sedro.
11 Samantala, sinabi ni Jehova kay Solomon: 12 “Kung lalakad ka sa aking mga batas at isasagawa mo ang aking mga hatol at tutuparin mo ang lahat ng kautusan ko,+ tutuparin ko rin sa iyo ang pangako ko kay David na iyong ama, ang pangako tungkol sa bahay na itinatayo mo,+ 13 at maninirahan ako sa gitna ng mga Israelita,+ at hindi ko pababayaan ang bayan kong Israel.”+
14 Patuloy na itinayo ni Solomon ang bahay para matapos iyon. 15 Gumamit siya ng mga tablang sedro para sa mga dingding ng bahay. Nilagyan niya ng tabla ang mga dingding, mula sa sahig ng bahay hanggang sa mga biga ng kisame, at nilagyan niya ng mga tablang enebro ang sahig ng bahay.+ 16 At nagtayo siya ng isang seksiyon na may sukat na 20 siko sa bandang likuran ng bahay gamit ang mga tablang sedro, mula sa sahig hanggang sa mga biga, at itinayo niya sa loob nito* ang kaloob-loobang silid,+ ang Kabanal-banalan.+ 17 At ang templo*+—ang bahagi ng bahay na nasa harap nito—ay 40 siko. 18 Ang sedro sa loob ng bahay ay inukitan ng mga bilog na upo+ at namumukadkad na mga bulaklak.+ Ang lahat ng ito ay sedro; walang batong makikita.
19 At inihanda niya ang kaloob-loobang silid+ sa loob ng bahay para ilagay roon ang kaban ng tipan ni Jehova.+ 20 Ang kaloob-loobang silid ay may habang 20 siko, lapad na 20 siko, at taas na 20 siko;+ at binalutan niya iyon ng purong ginto; nilagyan niya ng kahoy na sedro ang altar.+ 21 Binalutan ni Solomon ang loob ng bahay ng purong ginto,+ at naglagay siya ng mga kadenang ginto sa harap ng kaloob-loobang silid,+ na nababalutan ng ginto. 22 Binalutan niya ng ginto ang buong bahay; binalutan din niya ng ginto ang buong altar+ na malapit sa kaloob-loobang silid.
23 Sa kaloob-loobang silid, gumawa siya ng dalawang kerubin+ na yari sa kahoy ng pino,* na bawat isa ay 10 siko ang taas.+ 24 Ang isang pakpak ng kerubin ay limang siko, at ang kabilang pakpak ay limang siko. Sampung siko ang sukat mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabilang pakpak. 25 Ang ikalawang kerubin ay 10 siko rin. Pareho ang sukat at hugis ng dalawang kerubin. 26 Ang taas ng isang kerubin ay 10 siko, gaya rin ng isa pang kerubin. 27 Pagkatapos, ipinasok niya ang mga kerubin+ sa kaloob-loobang silid.* Nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin. Ang isang pakpak ng kerubin ay umabot sa isang dingding at ang isang pakpak ng isa pang kerubin ay umabot sa kabilang dingding, at ang mga pakpak ay nakaunat hanggang sa gitna ng bahay, kaya nagpang-abot ang mga pakpak. 28 At binalutan niya ng ginto ang mga kerubin.
29 At sa bawat panig ng dingding ng dalawang silid* ng bahay ay umukit siya ng mga kerubin,+ puno ng palma,+ at namumukadkad na mga bulaklak.+ 30 Binalutan niya ng ginto ang sahig ng dalawang silid. 31 At para sa pasukan ng kaloob-loobang silid ay gumawa siya ng mga pinto na yari sa kahoy ng pino, mga panggilid na haligi, at mga poste ng pinto, bilang ikalimang bahagi.* 32 Ang dalawang pinto ay yari sa kahoy ng pino, at umukit siya rito ng mga kerubin, puno ng palma, at namumukadkad na mga bulaklak, at binalutan niya ng ginto ang mga ito; pinukpok niya ang ginto para lumapat ito sa mga kerubin at sa mga puno ng palma. 33 Ganiyan din ang ginawa niya sa pasukan ng templo*—sa mga poste ng pinto na yari sa kahoy ng pino, ang ikaapat na bahagi.* 34 At gumawa siya ng dalawang pinto na yari sa kahoy ng enebro. Ang isang pinto ay may dalawang panel na umiikot sa mga paikutan, at ang isa pang pinto ay may dalawang panel na umiikot sa mga paikutan.+ 35 Umukit siya ng mga kerubin, puno ng palma, at namumukadkad na mga bulaklak, at binalutan ang mga ito ng manipis na ginto.
36 Itinayo niya ang maliit na looban+ na may tatlong hanay ng tinabas na bato at isang hanay ng mga biga na yari sa sedro.+
37 Noong ika-4 na taon, buwan ng Ziv,* itinayo ang pundasyon ng bahay ni Jehova;+ 38 at sa ika-11 taon, buwan ng Bul* (ikawalong buwan), natapos ang bawat detalye ng bahay ayon sa plano nito.+ Kaya inabot nang pitong taon ang pagtatayo niya nito.