Ikalawang Cronica
29 Si Hezekias+ ay naging hari sa edad na 25, at 29 na taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Abias na anak ni Zacarias.+ 2 Patuloy niyang ginawa ang tama sa paningin ni Jehova,+ gaya ng ginawa ng ninuno niyang si David.+ 3 Sa unang taon ng pamamahala niya, nang unang buwan, binuksan niya ang mga pinto ng bahay ni Jehova at kinumpuni ang mga iyon.+ 4 Pagkatapos, dinala niya ang mga saserdote at ang mga Levita at tinipon sila sa liwasan* sa silangan. 5 Sinabi niya sa kanila: “Makinig kayo sa akin, mga Levita. Pabanalin ninyo ngayon ang inyong sarili+ at pabanalin ninyo ang bahay ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, at alisin ninyo ang maruruming bagay sa banal na lugar.+ 6 Dahil hindi naging tapat ang mga ama natin at ginawa nila ang masama sa paningin ng Diyos nating si Jehova.+ Iniwan nila siya. Tinalikuran nila si Jehova at ang tabernakulo niya.+ 7 Isinara din nila ang mga pinto ng beranda+ at pinatay ang mga lampara.+ Hindi na sila nagsusunog ng insenso+ at naghahandog ng mga haing sinusunog+ sa banal na lugar para sa Diyos ng Israel. 8 Kaya nagalit si Jehova sa Juda at Jerusalem,+ at ginawa niya silang nakapangingilabot at nakakagulat at isang bagay na hinahamak,* gaya ng nakikita ng sarili ninyong mga mata.+ 9 Kaya namatay sa espada ang mga ninuno natin,+ at binihag ang mga anak nating lalaki at babae at ang mga asawa natin.+ 10 Ngayon ay gusto kong makipagtipan kay Jehova na Diyos ng Israel+ para mawala ang nag-aapoy na galit niya sa atin. 11 Mga anak ko, hindi ngayon ang panahon para magpabaya,* dahil pinili kayo ni Jehova para tumayo sa harap niya, maglingkod sa kaniya,+ at magsunog ng mga handog.”+
12 Kaya kumilos ang mga Levitang ito: si Mahat na anak ni Amasai at si Joel na anak ni Azarias ng mga Kohatita;+ sa mga Merarita,+ si Kis na anak ni Abdi at si Azarias na anak ni Jehalelel; sa mga Gersonita,+ si Joa na anak ni Zima at si Eden na anak ni Joa; 13 sa mga anak ni Elisapan, sina Simri at Jeuel; sa mga anak ni Asap,+ sina Zacarias at Matanias; 14 sa mga anak ni Heman,+ sina Jehiel at Simei; sa mga anak ni Jedutun,+ sina Semaias at Uziel. 15 Pagkatapos, tinipon nila ang kanilang mga kapatid at pinabanal ang kanilang sarili at dumating sila, gaya ng utos ng hari ayon sa mga salita ni Jehova, para linisin ang bahay ni Jehova.+ 16 Pagkatapos, pumasok ang mga saserdote sa bahay ni Jehova para maglinis, at inilabas nila ang lahat ng maruruming bagay* na nakita nila sa templo ni Jehova at dinala iyon sa looban*+ ng bahay ni Jehova. Kinuha naman ito ng mga Levita at dinala sa labas, sa Lambak ng Kidron.+ 17 Sinimulan nila ang pagpapabanal sa unang araw ng unang buwan, at noong ikawalong araw ng buwan ay umabot sila sa beranda ni Jehova.+ Pinabanal nila ang bahay ni Jehova sa loob ng walong araw, at noong ika-16 na araw ng unang buwan ay natapos sila.
18 Pagkatapos, pumunta sila kay Haring Hezekias at nagsabi: “Nalinis na namin ang buong bahay ni Jehova, ang altar ng handog na sinusunog+ at ang lahat ng kagamitan nito,+ at ang mesa ng magkakapatong na tinapay*+ at ang lahat ng kagamitan nito. 19 At ang lahat ng kagamitang inalis ni Haring Ahaz nang magtaksil siya sa Diyos noong panahon ng paghahari niya+ ay inihanda namin at pinabanal,+ at naroon ang mga iyon sa harap ng altar ni Jehova.”
20 At bumangon nang maaga si Haring Hezekias at tinipon ang matataas na opisyal ng lunsod, at pumunta sila sa bahay ni Jehova. 21 Nagdala sila ng pitong toro,* pitong lalaking tupa, pitong lalaking kordero,* at pitong lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan alang-alang sa kaharian, sa santuwaryo, at sa Juda.+ Kaya sinabi niya sa mga saserdote, na mga inapo ni Aaron, na ihandog ang mga iyon sa altar ni Jehova. 22 Pagkatapos, pinatay nila ang mga baka,+ at kinuha ng mga saserdote ang dugo at iwinisik iyon sa altar;+ pagkatapos, pinatay nila ang mga lalaking tupa at iwinisik ang dugo sa altar, at pinatay nila ang mga lalaking kordero at iwinisik ang dugo sa altar. 23 At ang mga lalaking kambing na handog para sa kasalanan ay dinala nila sa harap ng hari at ng kongregasyon at ipinatong nila ang mga kamay nila sa mga iyon. 24 Pinatay ng mga saserdote ang mga iyon at inialay bilang handog para sa kasalanan. Inilagay nila ang dugo ng mga iyon sa altar bilang pambayad-sala para sa buong Israel, dahil sinabi ng hari na ang handog na sinusunog at ang handog para sa kasalanan ay para sa buong Israel.
25 Samantala, ipinuwesto niya sa bahay ni Jehova ang mga Levita, na may mga simbalo,* instrumentong de-kuwerdas, at alpa,+ ayon sa utos ni David+ at ng lingkod ng hari na si Gad+ na nakakakita ng pangitain at ng propetang si Natan,+ dahil ang utos ay galing kay Jehova sa pamamagitan ng mga propeta niya. 26 Kaya ang mga Levita ay nakatayo na may mga instrumento ni David, at ang mga saserdote ay may mga trumpeta.+
27 Pagkatapos, iniutos ni Hezekias na ihandog sa altar ang haing sinusunog.+ Nang simulan ang pag-aalay sa handog na sinusunog, nagsimula ang awit kay Jehova pati ang paghihip sa mga trumpeta, sa saliw ng mga instrumento ni Haring David ng Israel. 28 At ang buong kongregasyon ay nakayukod habang kinakanta ang awit at hinihipan ang mga trumpeta—nagpatuloy ang lahat ng ito hanggang sa matapos ang pag-aalay ng handog na sinusunog. 29 At nang matapos nila ang paghahandog, ang hari at ang lahat ng kasama niya ay yumukod at sumubsob. 30 Inutusan ngayon ni Haring Hezekias at ng matataas na opisyal ang mga Levita na purihin si Jehova sa pamamagitan ng mga awit ni David+ at ni Asap+ na nakakakita ng pangitain. Kaya masayang-masaya silang pumuri, at yumukod sila at sumubsob.
31 Pagkatapos, sinabi ni Hezekias: “Ngayong ibinukod na kayo* para kay Jehova, magdala kayo ng mga hain at ng mga handog ng pasasalamat sa bahay ni Jehova.” Kaya ang kongregasyon ay nagdala ng mga hain at mga handog ng pasasalamat, at ang ilan ay kusang-loob na nagdala ng mga handog na sinusunog.+ 32 Ang mga handog na sinusunog na dinala ng kongregasyon ay 70 baka, 100 lalaking tupa, 200 lalaking kordero—ang lahat ng ito ay handog na sinusunog para kay Jehova+— 33 at ang mga banal na handog ay 600 baka at 3,000 tupa. 34 Pero hindi sapat ang bilang ng mga saserdote na magbabalat ng lahat ng handog na sinusunog, kaya tinulungan sila ng mga kapatid nilang Levita+ hanggang sa matapos ang gawain at hanggang sa mapabanal ng mga saserdote ang sarili nila,+ dahil mas seryoso ang* mga Levita sa pagpapabanal ng kanilang sarili kaysa sa mga saserdote. 35 Marami ring handog na sinusunog,+ pati taba ng mga haing pansalo-salo+ at mga handog na inumin na kasama ng mga handog na sinusunog.+ Sa gayon, naibalik* ang paglilingkod sa bahay ni Jehova. 36 Kaya nagsaya si Hezekias at ang buong bayan dahil sa ginawa ng tunay na Diyos para sa bayan,+ at dahil mabilis na nangyari ang lahat ng ito.