Deuteronomio
21 “Kung may matagpuang patay sa parang sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova at hindi alam kung sino ang pumatay rito, 2 dapat itong puntahan ng inyong matatandang lalaki at hukom+ at sukatin ang layo ng bangkay mula sa nakapalibot na mga lunsod. 3 At ang matatandang lalaki sa lunsod na pinakamalapit sa bangkay ay kukuha sa bakahan ng isang batang baka na hindi pa nagagamit sa trabaho, hindi pa nakahahatak ng pamatok, 4 at dadalhin ng matatandang lalaki sa lunsod na iyon ang batang baka sa isang lambak* na dinadaluyan ng tubig pero hindi pa nabubungkal o nahahasikan ng binhi, at dapat nilang baliin ang leeg ng batang baka doon sa lambak.+
5 “At pupunta ang mga saserdoteng Levita, dahil sila ang pinili ng Diyos ninyong si Jehova para maglingkod sa kaniya,+ para maghayag ng mga pagpapala sa ngalan ni Jehova.+ Sila ang magsasabi kung paano reresolbahin ang anumang kaso ng karahasan.+ 6 At ang lahat ng matatandang lalaki sa lunsod na pinakamalapit sa bangkay ay dapat maghugas ng mga kamay nila+ sa ibabaw ng batang baka na binali ang leeg sa lambak, 7 at sasabihin nila, ‘Hindi kami ang pumatay sa taong ito; hindi rin namin nakita nang mangyari ito. 8 Huwag mo itong singilin sa iyong bayang Israel, na tinubos mo,+ O Jehova, at huwag mong hayaang manatili sa iyong bayang Israel ang pagkakasala dahil sa pagkamatay ng inosenteng tao.’+ At hindi sisingilin sa kanila ang pagkakasala sa dugo. 9 Kapag ginawa ninyo ito, maaalis sa gitna ninyo ang pagkakasala dahil sa pagkamatay ng inosenteng tao, dahil ginawa ninyo ang tama sa paningin ni Jehova.
10 “Kapag nakipagdigma ka sa inyong mga kaaway at tinalo sila ng Diyos ninyong si Jehova at binihag ninyo sila,+ 11 at may nakita ka sa mga bihag na isang magandang babae at naakit ka sa kaniya at gusto mo siyang kunin bilang asawa, 12 puwede mo siyang isama sa iyong bahay. Aahitan ng babae ang ulo niya, gugupitan ang kuko niya, 13 at aalisin ang damit ng pagkabihag niya, at titira siya sa iyong bahay. Magdadalamhati siya nang isang buong buwan para sa kaniyang ama at ina,+ at pagkatapos, puwede mo na siyang sipingan; magiging mag-asawa na kayo. 14 Pero kung hindi ka malugod sa kaniya, hayaan mo siyang pumunta+ kahit saan niya gustuhin. Hindi mo siya puwedeng ipagbili o pagmalupitan, dahil hinamak mo na siya.
15 “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa at mas mahal niya ang isa* at pareho siyang nagkaanak ng lalaki sa mga ito, pero ang panganay ay anak ng asawang hindi niya mahal,+ 16 sa araw na ibibigay niya ang mana sa mga anak niyang lalaki, hindi niya puwedeng ituring na panganay ang anak niya sa mahal niyang asawa samantalang ang totoong panganay ay ang anak ng asawang hindi niya mahal. 17 Dapat niyang kilalanin bilang panganay ang anak na lalaki ng asawang hindi niya mahal at ibigay rito ang dalawang bahagi ng lahat ng taglay niya, dahil ito ang pasimula ng kakayahan niyang magkaanak. Ito ang may karapatan sa pagkapanganay.+
18 “Kung ang isang lalaki ay may anak na matigas ang ulo, rebelde, at hindi sumusunod sa kaniyang ama o ina,+ at sinikap na nilang ituwid siya pero ayaw niyang makinig,+ 19 dadalhin siya ng kaniyang ama at ina sa matatandang lalaki na nasa pintuang-daan ng lunsod, 20 at sasabihin nila sa matatandang lalaki, ‘Ang anak naming ito ay matigas ang ulo at rebelde, at ayaw niyang sumunod sa amin. Napakatakaw niya+ at lasenggo.’+ 21 Kaya babatuhin siya ng lahat ng lalaki sa lunsod hanggang sa mamatay siya. Ganiyan ninyo aalisin ang kasamaan sa gitna ninyo, at mababalitaan iyan ng buong Israel at matatakot.+
22 “Kung ang isang lalaki ay makagawa ng kasalanang nararapat sa kamatayan+ at patayin siya at ibitin sa tulos,+ 23 ang katawan niya ay hindi dapat manatili nang magdamag sa tulos.+ Siguraduhin ninyong mailibing siya sa araw na iyon, dahil ang taong ibinitin ay isinumpa ng Diyos,+ at hindi ninyo dapat parumihin ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova bilang mana.+