Exodo
36 “Si Bezalel ay gagawang kasama ni Oholiab at ng lahat ng bihasang lalaki* na binigyan ni Jehova ng karunungan at unawa para malaman kung paano gagawin ang lahat ng gawain para sa banal na paglilingkod ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova.”+
2 Tinawag ni Moises sina Bezalel at Oholiab at ang lahat ng bihasang lalaking binigyan ni Jehova ng karunungan,+ ang bawat isang naudyukan ng puso niya na magboluntaryo para sa gawain.+ 3 Kinuha nila kay Moises ang lahat ng abuloy+ na dinala ng mga Israelita bilang pansuporta sa gawain para sa banal na paglilingkod. Pero ang mga ito ay patuloy pang nagdadala sa kaniya ng kusang-loob na mga handog tuwing umaga.
4 Nang pasimulan nila ang banal na gawain, sunod-sunod na dumating ang lahat ng bihasang manggagawa, 5 at sinasabi nila kay Moises: “Sobra-sobra ang dinadala ng bayan kaysa sa talagang kailangan para sa gawaing iniutos ni Jehova.” 6 Kaya iniutos ni Moises na ipatalastas ito sa buong kampo: “Mga lalaki at babae, huwag na kayong magdala ng anuman para sa banal na abuloy.” Kaya tumigil na ang bayan sa pagdadala ng abuloy. 7 Ang mga abuloy ay sapat na para sa lahat ng gawain, at sobra-sobra pa nga.
8 Kaya ang lahat ng bihasang manggagawa+ ay gumawa ng 10 telang pantolda para sa tabernakulo.+ Hinabi nila ang mga ito gamit ang magandang klase ng pinilipit na lino, asul na sinulid, purpurang lana, at matingkad-na-pulang sinulid; binurdahan niya* ng mga kerubin ang mga iyon.+ 9 Ang bawat telang pantolda ay may haba na 28 siko* at lapad na 4 na siko. Iisa ang sukat ng lahat ng telang pantolda. 10 At pinagdugtong-dugtong niya ang limang telang pantolda, at iyon din ang ginawa niya sa lima pang telang pantolda. 11 Pagkatapos, nilagyan niya ng mga kawitan na yari sa asul na sinulid ang isang gilid ng isang telang pantolda, at iyon din ang ginawa niya sa isang gilid ng isa pang telang pantolda, kung saan pagdurugtungin ang mga ito. 12 Nilagyan niya ng 50 kawitan ang isang gilid ng bawat telang pantolda kung saan pagdurugtungin ang mga ito; magkakatapat ang mga kawitan. 13 Bilang panghuli, gumawa siya ng 50 gintong pangawit at pinagdugtong ang mga telang pantolda gamit ang mga pangawit para maging isang buong telang pantolda para sa tabernakulo.
14 Pagkatapos, gumawa siya ng mga telang pantolda na yari sa balahibo ng kambing para gawing tolda* sa ibabaw ng tabernakulo. Gumawa siya ng 11 telang pantolda.+ 15 Ang bawat telang pantolda ay may haba na 30 siko at lapad na 4 na siko. Iisa ang sukat ng 11 telang pantolda. 16 At pinagdugtong-dugtong niya ang limang telang pantolda, at iyon din ang ginawa niya sa anim pang telang pantolda. 17 Pagkatapos, nilagyan niya ng 50 kawitan ang isang gilid ng isang telang pantolda, at nilagyan din niya ng 50 kawitan ang isang gilid ng isa pang telang pantolda, kung saan pagdurugtungin ang mga ito. 18 At gumawa siya ng 50 tansong pangawit para pagdugtungin ang tolda at maging isang buo.
19 Gumawa siya para sa tolda ng isang pantakip na yari sa balat ng lalaking tupa na tinina sa pula at para sa ibabaw nito ay ng isang pantakip na yari sa balat ng poka.*+
20 Pagkatapos, gumawa siya para sa tabernakulo ng patayong mga hamba na yari sa kahoy ng akasya.+ 21 Ang bawat hamba ay may taas na 10 siko at lapad na isa at kalahating siko. 22 Ang bawat hamba ay may dalawang nakausling bahagi* na magkatapat. Gayon niya ginawa ang lahat ng hamba ng tabernakulo. 23 Gayon niya ginawa ang 20 hamba para sa timugang bahagi ng tabernakulo. 24 Pagkatapos, gumawa siya ng 40 may-butas na patungang yari sa pilak na ilalagay sa ilalim ng 20 hamba: dalawang may-butas na patungan sa ilalim ng bawat hamba para sa dalawang nakausling bahagi nito.+ 25 Para sa kabilang panig ng tabernakulo, sa hilagang bahagi, gumawa siya ng 20 hamba 26 at 40 may-butas na patungan nito na yari sa pilak: dalawang may-butas na patungan sa ilalim ng bawat hamba.
27 Para sa likuran ng tabernakulo sa gawing kanluran, gumawa siya ng anim na hamba.+ 28 Gumawa siya ng dalawang hamba na magsisilbing dalawang panulok na poste sa likuran ng tabernakulo. 29 Ang bawat isa sa dalawang hambang ito ay binubuo ng dalawang piraso ng kahoy mula ibaba hanggang itaas, kung saan nagdugtong ang mga ito sa unang argolya.* Iyan ang ginawa niya sa dalawang panulok na poste. 30 Kaya nagkaroon ng walong hamba at 16 na may-butas na patungan nito na yari sa pilak: dalawang may-butas na patungan sa ilalim ng bawat hamba.
31 Pagkatapos, gumawa siya ng mga barakilan* na yari sa kahoy ng akasya, limang barakilan para sa mga hamba sa isang panig ng tabernakulo+ 32 at limang barakilan para sa mga hamba sa kabilang panig ng tabernakulo at lima para sa mga hamba sa kanlurang bahagi ng tabernakulo, ang likuran nito. 33 At ang ginawa niyang panggitnang barakilan na nasa gitnang bahagi ng mga hamba ay umabot sa magkabilang dulo. 34 Binalutan niya ng ginto ang mga hamba, ginawa ang mga gintong argolya nito na pagsusuotan ng mga barakilan, at binalutan ng ginto ang mga barakilan.+
35 At gumawa siya ng isang kurtinang+ hinabi gamit ang asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino. Binurdahan niya iyon ng mga kerubin.+ 36 At iginawa niya ito ng apat na haliging yari sa akasya na binalutan ng ginto, pati ng gintong mga kawit. Naghulma rin siya ng apat na may-butas na patungang yari sa pilak para sa mga iyon. 37 Pagkatapos, gumawa siya ng isang pantabing* para sa pasukan ng tolda na hinabi gamit ang asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino,+ 38 pati ng limang haligi nito at mga kawit ng mga iyon. Binalutan niya ng ginto ang itaas na bahagi at ang mga pandugtong* ng mga iyon, pero yari sa tanso ang limang may-butas na patungan ng mga iyon.