Exodo
29 “Ito ang gagawin mo para mapabanal sila at makapaglingkod sa akin bilang mga saserdote: Kumuha ka ng isang batang toro,* dalawang lalaking tupa na walang depekto,+ 2 tinapay na walang pampaalsa, hugis-singsing na mga tinapay na walang pampaalsa at hinaluan ng langis, at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis.+ Magandang klase ng harinang trigo ang gagamitin mo sa paggawa ng mga iyon, 3 at ilalagay mo ang mga iyon sa isang basket at dadalhin sa akin nang nasa basket,+ kasama ng toro at dalawang lalaking tupa.
4 “Dadalhin mo si Aaron at ang mga anak niya sa pasukan ng tolda ng pagpupulong,+ at utusan mo silang maligo.*+ 5 Pagkatapos, kukunin mo ang mga kasuotan+ at isusuot mo kay Aaron ang mahabang damit, walang-manggas na damit ng epod, epod,* at pektoral,* at itatali mo nang mahigpit sa baywang niya ang hinabing sinturon.+ 6 Ilalagay mo sa ulo niya ang espesyal na turbante, at ilalagay mo sa espesyal na turbante ang banal na tanda ng pag-aalay;*+ 7 at kukunin mo ang langis para sa pag-aatas,+ at ibubuhos mo iyon sa ulo niya para atasan* siya.+
8 “Pagkatapos, ihaharap mo sa akin ang mga anak niya, at isusuot mo sa kanila ang mahahabang damit+ 9 at itatali sa kanila ang mga pamigkis, kay Aaron at sa mga anak niya, at ilalagay mo ang mga turbante nila; at ang pagkasaserdote ay mapapasakanila, at mananatili ang batas na ito.+ Sa ganitong paraan mo aatasan si Aaron at ang mga anak niya bilang mga saserdote.*+
10 “At dadalhin mo ang toro sa harap ng tolda ng pagpupulong, at ipapatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng toro.+ 11 Patayin mo ang toro sa harap ni Jehova, sa pasukan ng tolda ng pagpupulong.+ 12 Isawsaw mo ang daliri mo sa dugo ng toro at ipahid iyon sa mga sungay ng altar,+ at ibuhos mo sa paanan ng altar ang natirang dugo.+ 13 Pagkatapos, kunin mo ang lahat ng taba+ na nakapalibot sa mga bituka, ang lamad* ng atay, at ang dalawang bato at ang taba ng mga ito, at sunugin mo ang mga iyon para pumailanlang mula sa altar ang usok.+ 14 Pero ang karne, balat, at dumi ng toro ay susunugin mo sa labas ng kampo. Iyon ay handog para sa kasalanan.
15 “Pagkatapos, kunin mo ang isang lalaking tupa, at ipapatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng lalaking tupa.+ 16 Patayin mo ang lalaking tupa, kunin ang dugo nito, at iwisik sa lahat ng panig ng altar.+ 17 Pagputol-putulin mo ang lalaking tupa, hugasan ang mga bituka+ at mga binti nito, at ayusin ang mga piraso pati ang ulo nito. 18 Dapat mong sunugin ang buong lalaking tupa para pumailanlang mula sa altar ang usok. Iyon ay handog na sinusunog para kay Jehova, isang nakagiginhawang amoy.+ Iyon ay handog na pinaraan sa apoy para kay Jehova.
19 “Pagkatapos, kunin mo ang isa pang lalaking tupa, at ipapatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng lalaking tupa.+ 20 Patayin mo ang lalaking tupa at kumuha ka ng dugo nito at ilagay mo iyon sa pingol* ng kanang tainga ni Aaron, sa pingol ng kanang tainga ng mga anak niya, sa hinlalaki ng kanang kamay nila, at sa hinlalaki ng kanang paa nila, at iwisik mo ang dugo sa lahat ng panig ng altar. 21 At kumuha ka ng dugo na nasa altar at ng langis para sa pag-aatas+ at patuluan mo ng mga ito si Aaron at ang mga kasuotan niya at ang mga anak niya at ang mga kasuotan nila, para siya at ang mga kasuotan niya, gayundin ang mga anak niya at ang mga kasuotan nila, ay maging banal.+
22 “At kunin mo sa lalaking tupa ang taba, matabang buntot, taba na nakapalibot sa mga bituka, lamad ng atay, dalawang bato at ang taba ng mga ito,+ at ang kanang binti, dahil iyon ay isang lalaking tupa para sa pag-aatas.+ 23 At mula sa basket ng tinapay na walang pampaalsa na nasa harap ni Jehova, kumuha ka ng tinapay na bilog, hugis-singsing na tinapay na may langis, at manipis na tinapay. 24 Ilagay mo ang lahat ng iyon sa mga kamay ni Aaron at ng mga anak niya, at igalaw mo ang mga iyon nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw* sa harap ni Jehova. 25 Pagkatapos, kunin mo ang mga iyon sa mga kamay nila at sunugin mo sa altar, sa ibabaw ng handog na sinusunog bilang nakagiginhawang amoy sa harap ni Jehova. Iyon ay handog na pinaraan sa apoy para kay Jehova.
26 “At kunin mo ang dibdib ng lalaking tupa para sa pag-aatas,+ na inihandog para kay Aaron, at igalaw mo iyon nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw* sa harap ni Jehova, at iyon ang magiging bahagi mo. 27 Pababanalin mo ang dibdib ng handog na iginagalaw* at ang binti ng banal na bahagi na iginalaw at kinuha mula sa lalaking tupa para sa pag-aatas,+ mula sa inihandog para kay Aaron at sa mga anak niya. 28 Ito ay magiging kay Aaron at sa mga anak niya dahil ito ay banal na bahagi, at mananatili ang tuntuning ito na kailangang sundin ng mga Israelita, at ito ay magiging banal na bahagi na ibibigay ng mga Israelita.+ Ito ang banal na bahagi nila para kay Jehova na ibubukod nila mula sa kanilang mga haing pansalo-salo.+
29 “Ang banal na kasuotan+ ni Aaron ay gagamitin ng mga anak niya+ na hahalili sa kaniya kapag pinahiran sila ng langis at inatasan bilang mga saserdote. 30 Ang mga iyon ay pitong araw na isusuot ng anak niyang saserdote na hahalili sa kaniya at papasok sa tolda ng pagpupulong para maglingkod sa banal na lugar.+
31 “Kukunin mo ang lalaking tupa para sa pag-aatas, at pakukuluan mo ang karne nito sa isang banal na lugar.+ 32 Ang karne ng lalaking tupa at ang tinapay na nasa basket ay kakainin ni Aaron at ng mga anak niya+ sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 33 Kakainin nila ang mga bagay na ipinambayad-sala para maatasan sila bilang mga saserdote* at mapabanal sila. Pero walang ibang* puwedeng kumain ng mga iyon, dahil banal ang mga iyon.+ 34 Kung sa umaga ay may matirang karne ng hain para sa pag-aatas at tinapay, susunugin mo iyon.+ Hindi iyon dapat kainin, dahil banal iyon.
35 “Ganito ang gagawin mo kay Aaron at sa mga anak niya, ayon sa lahat ng iniutos ko sa iyo. Gugugol ka ng pitong araw sa pag-aatas sa kanila bilang mga saserdote.*+ 36 Araw-araw mong ihahandog bilang pambayad-sala ang toro na handog para sa kasalanan, at dadalisayin* mo ang altar mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pagbabayad-sala para dito, at papahiran mo ng langis ang altar para mapabanal ito.+ 37 Gugugol ka ng pitong araw sa pagbabayad-sala para sa altar, at pababanalin mo iyon para iyon ay maging isang kabanal-banalang altar.+ Dapat na banal ang sinumang hihipo sa altar.
38 “Ito ang ihahandog mo sa ibabaw ng altar: dalawang isang-taóng-gulang na lalaking tupa araw-araw, nang walang palya.+ 39 Ihandog mo ang isang batang lalaking tupa sa umaga at ang isa pa sa takipsilim.*+ 40 Isasama sa unang batang lalaking tupa ang ikasampung bahagi ng isang takal na epa* ng magandang klase ng harina na hinaluan ng sangkapat na hin* ng langis mula sa napigang olibo, gayundin ang handog na inumin na sangkapat na hin ng alak. 41 Ihahandog mo ang ikalawang batang lalaking tupa sa takipsilim,* kasama ang handog na mga butil at inumin na katulad ng inihahandog sa umaga. Iaalay mo iyon bilang isang handog na pinaraan sa apoy para kay Jehova, isang nakagiginhawang amoy. 42 Sa lahat ng inyong henerasyon, regular itong ihahain bilang handog na sinusunog sa pasukan ng tolda ng pagpupulong sa harap ni Jehova, kung saan ako magpapakita sa inyo para makipag-usap sa iyo.+
43 “Magpapakita ako roon sa mga Israelita, at mapababanal iyon ng kaluwalhatian ko.+ 44 Pababanalin ko ang tolda ng pagpupulong at ang altar, at pababanalin ko si Aaron at ang mga anak niya+ para makapaglingkod sila sa akin bilang mga saserdote. 45 Maninirahan* akong kasama ng bayang Israel, at ako ang magiging Diyos nila.+ 46 At tiyak na malalaman nilang ako ang Diyos nilang si Jehova, na naglabas sa kanila sa Ehipto para makapanirahan akong kasama nila.+ Ako ang Diyos nilang si Jehova.