Eclesiastes
6 May nakita akong isa pang kabiguan* sa ilalim ng araw, at karaniwan iyon sa mga tao: 2 Binibigyan ng tunay na Diyos ng kayamanan, mga pag-aari, at karangalan ang isang tao, kaya wala na siyang hahanapin pa; pero hindi siya hinahayaan ng tunay na Diyos na masiyahan sa mga iyon, samantalang ang mga estranghero ang nasisiyahan doon. Ito ay walang kabuluhan at matinding pagpapahirap. 3 Kung ang isang lalaki ay magkaanak nang sandaang beses at mabuhay nang maraming taon at tumanda, pero hindi siya nasiyahan sa mabubuting bagay na mayroon siya bago siya napunta sa libingan,* masasabi ko na mas mabuti pa sa kaniya ang isang sanggol na ipinanganak na patay.+ 4 Walang kabuluhan ang pagdating ng sanggol na ito, at naglalaho ito sa kadiliman, at natatakpan ng kadiliman ang pangalan nito. 5 Kahit hindi nito nakita ang araw at wala itong nalaman, mas mabuti* pa rin ito kaysa sa unang nabanggit.+ 6 Ano ang pakinabang na mabuhay nang sanlibong taon, kahit dalawang libong taon pa, pero hindi naman nasisiyahan? Hindi ba sa iisang lugar lang napupunta ang lahat?+
7 Nagpapakapagod ang tao para makakain;+ pero hindi siya nabubusog. 8 Dahil ano ang kahigitan ng marunong sa mangmang,+ o ano ang kabutihan kung alam ng isang mahirap kung paano makaraos?* 9 Mas mabuting masiyahan sa nakikita ng mga mata kaysa hangarin ang mga bagay na hindi naman makukuha. Ito rin ay walang kabuluhan, paghahabol lang sa hangin.
10 Ang lahat ng bagay na umiiral ay napangalanan na noon, at naisiwalat na kung ano talaga ang tao; hindi niya kayang makipagtalo* sa isa na mas makapangyarihan sa kaniya. 11 Kapag mas maraming salita,* mas nagiging wala itong saysay; at ano ang pakinabang nito sa tao? 12 Sino ang nakaaalam kung ano ang pinakamagandang gawin ng isang tao sa maikli at walang-kabuluhang buhay niya, na parang anino lang?+ Dahil sino ang makapagsasabi sa tao kung ano ang mangyayari sa ilalim ng araw kapag wala na siya?