Unang Cronica
22 Pagkatapos, sinabi ni David: “Ito ang bahay ni Jehova na tunay na Diyos, at ito ay isang altar ng handog na sinusunog para sa Israel.”+
2 Nag-utos si David na tipunin ang mga dayuhang naninirahan+ sa Israel, at inatasan niya sila na maging mga tagatabas ng bato para maghanda ng mga batong gagamitin sa pagtatayo ng bahay ng tunay na Diyos.+ 3 Naghanda rin si David ng napakaraming bakal para gawing mga pako sa mga pinto ng mga pintuang-daan at para gawing mga pang-ipit, at ng tanso na hindi na matimbang sa dami,+ 4 pati ng mga kahoy na sedro+ na hindi mabilang, dahil ang mga Sidonio+ at ang mga taga-Tiro+ ay nagdala ng napakaraming kahoy na sedro para kay David. 5 At sinabi ni David: “Ang anak kong si Solomon ay bata pa at walang karanasan,*+ at ang bahay na itatayo para kay Jehova ay napakaringal,+ at magiging bantog ito at mapapabalita sa lahat ng lupain+ ang kagandahan nito.+ Kaya maghahanda ako para sa kaniya.” At naghanda si David ng napakaraming materyales bago siya mamatay.
6 Pagkatapos, ipinatawag niya ang anak niyang si Solomon at tinagubilinan itong magtayo ng isang bahay para kay Jehova na Diyos ng Israel. 7 Sinabi ni David sa anak niyang si Solomon: “Gustong-gusto kong magtayo ng isang bahay para sa pangalan ni Jehova na aking Diyos.+ 8 Pero sinabi sa akin ni Jehova: ‘Nagpadanak ka ng maraming dugo, at nakipaglaban ka sa malalaking digmaan. Hindi ka magtatayo ng bahay para sa pangalan ko,+ dahil nagpadanak ka ng maraming dugo sa lupa sa harap ko. 9 Magkakaroon ka ng isang anak na lalaki+ na may kapayapaan,* at bibigyan ko siya ng kapahingahan mula sa lahat ng kaaway niya sa palibot.+ Solomon*+ ang magiging pangalan niya, at bibigyan ko ang Israel ng kapayapaan at katahimikan sa panahon niya.+ 10 Siya ang magtatayo ng bahay para sa pangalan ko.+ Magiging anak ko siya, at magiging ama niya ako.+ Gagawin kong matibay ang trono ng kaharian niya sa Israel magpakailanman.’+
11 “Anak ko, sumaiyo nawa si Jehova, at magtagumpay ka nawa sa pagtatayo ng bahay ni Jehova na iyong Diyos, gaya ng sinabi niya may kinalaman sa iyo.+ 12 At kapag binigyan ka ni Jehova ng awtoridad sa Israel, bigyan ka nawa niya ng karunungan at kaunawaan+ para masunod mo ang kautusan ni Jehova na iyong Diyos.+ 13 At magtatagumpay ka kung susundin mong mabuti ang mga tuntunin+ at mga hatol na ibinigay ni Moises sa Israel ayon sa utos ni Jehova.+ Lakasan mo ang loob mo at magpakatatag ka. Huwag kang matakot o masindak.+ 14 Pinagsikapan kong maghanda para sa bahay ni Jehova ng 100,000 talento* ng ginto at ng 1,000,000 talento ng pilak, pati na ng tanso at bakal+ na hindi na matimbang sa dami, at naghanda ako ng mga kahoy at bato;+ pero daragdagan mo pa ito. 15 Marami kang kasamang manggagawa—mga tagatabas ng bato, mason,+ karpintero, at lahat ng klase ng bihasang manggagawa.+ 16 Hindi matimbang sa dami ang ginto, pilak, tanso, at bakal.+ Simulan mo na ang paggawa, at sumaiyo nawa si Jehova.”+
17 Pagkatapos, inutusan ni David ang lahat ng matataas na opisyal ng Israel na tulungan ang anak niyang si Solomon: 18 “Hindi ba sumasainyo si Jehova na inyong Diyos, at hindi ba binigyan niya kayo ng kapahingahan sa buong lupain? Ibinigay niya sa kamay ko ang mga nakatira sa lupain, at ang lupain ay nasakop ni Jehova at ng kaniyang bayan. 19 Hanapin ninyo si Jehova na inyong Diyos nang inyong buong puso at buong kaluluwa,+ at simulan ninyo ang pagtatayo ng santuwaryo ni Jehova na tunay na Diyos,+ para madala ang kaban ng tipan ni Jehova at ang mga banal na kagamitan ng tunay na Diyos+ sa bahay na itinayo para sa pangalan ni Jehova.”+