Jeremias
44 Ito ang salita na dumating kay Jeremias para sa lahat ng Judio na nakatira sa lupain ng Ehipto,+ sa mga nakatira sa Migdol,+ Tapanhes,+ Nop,*+ at sa lupain ng Patros:+ 2 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Nakita ninyo ang lahat ng kapahamakang pinasapit ko sa Jerusalem+ at sa lahat ng lunsod ng Juda, at ngayon ay wasak na ang mga iyon at wala nang nakatira.+ 3 Dahil ito sa masasamang bagay na ginawa nila para galitin ako; naghahandog sila+ at naglilingkod sa ibang diyos, na hindi nila kilala at ng mga ninuno nila.+ 4 Isinusugo ko sa inyo nang paulit-ulit* ang lahat ng lingkod kong propeta para sabihin: “Pakisuyo, huwag ninyong gawin ang kasuklam-suklam na bagay na ito na kinapopootan ko.”+ 5 Pero hindi sila nakinig o nagbigay-pansin; hindi nila tinalikuran ang kasamaan nila at patuloy silang naghandog sa ibang diyos.+ 6 Kaya ibinuhos ko ang poot at galit ko at lumagablab ito sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, at ang mga iyon ay nawasak at naging tiwangwang, gaya ng sa araw na ito.’+
7 “At ngayon ay ito ang sinabi ni Jehova, ang Diyos ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Bakit ninyo ipinapahamak ang sarili ninyo? Dahil sa ginagawa ninyo, malilipol ang bawat lalaki, babae, bata, at sanggol sa Juda, at walang matitira sa inyo. 8 Bakit ninyo ako ginagalit sa mga ginagawa ninyo? Bakit kayo naghahandog sa ibang diyos sa lupain ng Ehipto, kung saan kayo pumunta para manirahan? Malilipol kayo at susumpain at hahamakin ng lahat ng bansa sa lupa.+ 9 Nalimutan na ba ninyo ang masasamang ginawa ng mga ninuno ninyo, ang masasamang ginawa ng mga hari ng Juda+ at ng mga asawa nila,+ at ang masasamang ginawa ninyo at ng mga asawa ninyo+ sa lupain ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 10 Hanggang ngayon ay hindi sila nagpapakumbaba,* hindi sila natatakot,+ at hindi sila sumusunod sa kautusan at mga batas na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’+
11 “Kaya ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Nagpasiya na akong magpasapit sa inyo ng kapahamakan, para lipulin ang buong Juda. 12 At kukunin ko ang mga natira sa Juda na nagpasiyang pumunta sa lupain ng Ehipto para manirahan doon, at silang lahat ay malilipol sa lupain ng Ehipto.+ Babagsak sila dahil sa espada at malilipol dahil sa taggutom; mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, mamamatay sila sa espada at sa taggutom. Sila ay magiging bagay na nakapangingilabot, susumpain, at hahamakin.+ 13 Paparusahan ko ang mga nakatira sa lupain ng Ehipto, gaya ng pagpaparusa ko sa Jerusalem sa pamamagitan ng espada, taggutom, at salot.*+ 14 At ang mga natira sa Juda na pumunta sa lupain ng Ehipto para manirahan doon ay hindi makatatakas o makaliligtas at hindi makababalik sa lupain ng Juda. Aasamin nilang bumalik at manirahan doon, pero hindi sila makababalik, maliban sa ilang takas.’”
15 Ang lahat ng lalaking nakaaalam na ang mga asawa nila ay naghahandog sa ibang diyos at ang lahat ng asawang babae na nakatayo roon, na isang malaking grupo, at ang buong bayan na nakatira sa lupain ng Ehipto,+ sa Patros,+ ay sumagot kay Jeremias: 16 “Hindi kami makikinig sa sinabi mo sa amin sa pangalan ni Jehova. 17 Gagawin namin ang bawat salitang sinabi namin, ang maghandog sa Reyna ng Langit* at magbuhos ng mga handog na inumin para sa kaniya,+ gaya ng ginawa namin, ng aming mga ninuno, ng aming mga hari, at ng aming matataas na opisyal sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem noong sagana kami at nabubusog sa tinapay, noong wala kaming nakikitang anumang kapahamakan. 18 Mula nang tumigil kami sa paghahandog sa Reyna ng Langit* at sa pagbubuhos ng mga handog na inumin para sa kaniya, lagi na kaming kinakapos at marami sa amin ang namamatay sa espada at sa taggutom.”
19 Idinagdag ng mga babae: “At kapag naghahandog kami para sa Reyna ng Langit* at nagbubuhos ng mga handog na inumin para sa kaniya, hindi ba ginagawa namin iyon dahil pinayagan kami ng mga asawa namin na gumawa ng mga handog na tinapay na hinulma ayon sa hitsura niya at magbuhos ng mga handog na inumin para sa kaniya?”
20 Sinabi naman ni Jeremias sa buong bayan, sa mga lalaki at sa mga asawa nila at sa lahat ng nakikipag-usap sa kaniya: 21 “Naaalaala ni Jehova ang paghahandog ninyo sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem,+ ang paghahandog ninyo, ng inyong mga ninuno, ng inyong mga hari, ng inyong matataas na opisyal, at ng mga nakatira sa lupain! 22 Hindi na natagalan ni Jehova ang kasamaan ninyo at ang kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa ninyo, kaya ang lupain ninyo ay nawasak, naging isang bagay na nakapangingilabot at isinusumpa, walang nakatira, gaya ng sa araw na ito.+ 23 Dahil sa paghahandog ninyo at dahil nagkasala kayo kay Jehova at hindi kayo nakinig sa tinig ni Jehova at sumunod sa kaniyang kautusan, mga batas, at mga paalaala kaya nangyari sa inyo ang kapahamakang ito, gaya ng sa araw na ito.”+
24 At sinabi pa ni Jeremias sa buong bayan at sa lahat ng babae: “Pakinggan ninyo ang salita ni Jehova, kayong lahat na taga-Juda na nasa lupain ng Ehipto. 25 Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Kung ano ang sinabi ninyo at ng inyong mga asawang babae, ganoon ang ginawa ninyo, dahil sinabi ninyo: “Talagang tutuparin namin ang panata naming maghandog sa Reyna ng Langit* at magbuhos ng mga handog na inumin para sa kaniya.”+ Talagang tutuparin ninyong mga babae ang mga panata ninyo, at gagawin ninyo ang mga iyon.’
26 “Kaya pakinggan ninyo ang salita ni Jehova, kayong lahat na taga-Juda na nakatira sa lupain ng Ehipto: ‘“Sumusumpa ako sa sarili kong dakilang pangalan,” ang sabi ni Jehova, “na ang pangalan ko ay hindi na babanggitin sa panata ng sinumang taga-Juda+ sa buong lupain ng Ehipto na nagsasabi, ‘Kung paanong buháy ang Kataas-taasang Panginoong Jehova!’+ 27 Babantayan ko sila para dalhan ng kapahamakan at hindi ng kabutihan;+ ang lahat ng taga-Juda na nasa lupain ng Ehipto ay mamamatay sa espada at sa taggutom, hanggang sa maglaho sila.+ 28 Kaunti lang ang makaliligtas sa espada at makababalik sa lupain ng Juda mula sa lupain ng Ehipto.+ At malalaman ng lahat ng natira sa Juda na pumunta sa lupain ng Ehipto para manirahan doon kung kaninong salita ang nagkatotoo, ang sa akin o ang sa kanila!”’”
29 “‘At ito ang tanda para sa inyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘na paparusahan ko kayo sa lugar na ito, para malaman ninyo na ang mga sinabi kong mangyayaring kapahamakan sa inyo ay magkakatotoo. 30 Ito ang sinabi ni Jehova: “Ibibigay ko si Paraon Hopra, na hari ng Ehipto, sa kamay ng mga kaaway niya at ng mga gustong pumatay sa kaniya, kung paanong ibinigay ko si Haring Zedekias ng Juda sa kamay ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya, na kaaway niya at gustong pumatay sa kaniya.”’”+