Jeremias
37 At si Haring Zedekias+ na anak ni Josias ay nagsimulang mamahala kapalit ni Conias*+ na anak ni Jehoiakim, dahil inilagay siya ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya bilang hari sa lupain ng Juda.+ 2 Pero siya at ang mga lingkod niya at ang mga tao sa lupain ay hindi nakinig sa mga sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Jeremias.
3 At isinugo ni Haring Zedekias si Jehucal+ na anak ni Selemias at si Zefanias+ na anak ng saserdoteng si Maaseias sa propetang si Jeremias para sabihin: “Pakisuyong manalangin ka para sa atin kay Jehova na ating Diyos.” 4 Malayang nakalilibot sa bayan si Jeremias, dahil hindi pa nila siya ikinukulong.+ 5 Lumabas ang hukbo ng Paraon mula sa Ehipto,+ at nabalitaan ito ng mga Caldeo na nakapalibot noon sa Jerusalem. Kaya umatras ang mga ito mula sa Jerusalem.+ 6 At dumating ang salita ni Jehova sa propetang si Jeremias: 7 “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Ito ang sabihin ninyo sa hari ng Juda, na nagsugo sa inyo para sumangguni sa akin: “Ang hukbo ng Paraon na parating para tulungan kayo ay babalik sa lupain nito, sa Ehipto.+ 8 At babalik ang mga Caldeo at makikipaglaban sa lunsod na ito at sasakupin ito at susunugin.”+ 9 Ito ang sinabi ni Jehova, “Huwag ninyong dayain ang sarili ninyo at sabihing ‘Siguradong titigilan na tayo ng mga Caldeo,’ dahil hindi nila kayo lulubayan. 10 Kahit mapabagsak ninyo ang buong hukbo ng mga Caldeo na lumalaban sa inyo at mga lalaking sugatán lang ang matira, babangon pa rin sila sa mga tolda nila at susunugin ang lunsod na ito.”’”+
11 Nang umatras ang hukbo ng mga Caldeo mula sa Jerusalem dahil sa hukbo ng Paraon,+ 12 umalis si Jeremias sa Jerusalem at pumunta sa lupain ng Benjamin+ para kunin doon ang parte niya mula sa kaniyang angkan. 13 Pero nang makarating ang propetang si Jeremias sa Pintuang-Daan ng Benjamin, sinunggaban siya ng opisyal na nangangasiwa sa mga bantay, si Irias na anak ni Selemias na anak ni Hananias, at sinabi nito: “Kumakampi ka sa mga Caldeo!” 14 Pero sinabi ni Jeremias: “Hindi totoo iyan! Hindi ako kumakampi sa mga Caldeo.” Pero hindi siya pinakinggan nito. Kaya inaresto ni Irias si Jeremias at dinala siya sa matataas na opisyal. 15 Galit na galit kay Jeremias ang matataas na opisyal,+ at binugbog nila siya at ikinulong+ sa bahay ng kalihim na si Jehonatan, na ginagamit nang bilangguan noon. 16 Inilagay si Jeremias sa isa sa mga kulungan sa ilalim ng lupa,* at nanatili siya roon nang maraming araw.
17 At ipinakuha siya ni Haring Zedekias, at palihim siyang tinanong ng hari sa bahay* nito,+ “May mensahe ba mula kay Jehova?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon!” at sinabi pa niya, “Ibibigay ka sa kamay ng hari ng Babilonya!”+
18 Sinabi rin ni Jeremias kay Haring Zedekias: “Ano ang kasalanan ko sa iyo at sa mga lingkod mo at sa bayang ito para ikulong ninyo ako? 19 Nasaan na ngayon ang mga propeta ninyo na nanghula sa inyo, ‘Hindi sasalakay ang hari ng Babilonya sa inyo at sa lupaing ito’?+ 20 Ngayon ay makinig ka, pakisuyo, O panginoon kong hari. Pakisuyong pagbigyan mo ang kahilingan ko. Huwag mo akong ibalik sa bahay ng kalihim na si Jehonatan,+ dahil mamamatay ako roon.”+ 21 Kaya iniutos ni Haring Zedekias na ilagay si Jeremias sa Looban ng Bantay,+ at dinadalhan siya araw-araw ng isang bilog na tinapay mula sa lansangan ng mga panadero,+ hanggang sa maubos na ang tinapay sa lunsod.+ At nanatili si Jeremias sa Looban ng Bantay.