Eclesiastes
8 Sino ang gaya ng taong marunong? Sino ang nakaaalam ng solusyon sa problema?* Dahil sa karunungan, makikita ang saya sa mukha ng isang tao at umaaliwalas ang masungit niyang mukha.
2 Sinasabi ko: “Sundin mo ang mga utos ng hari+ dahil nanata ka sa harap ng Diyos.+ 3 Huwag kang magmadaling umalis sa harap niya.+ Huwag kang pumanig sa anumang mali;+ dahil magagawa niya anuman ang gusto niya, 4 dahil walang puwedeng tumutol sa salita ng hari;+ sino ang makapagsasabi sa kaniya, ‘Ano ang ginagawa mo?’”
5 Ang sumusunod sa utos ay hindi mapapahamak,+ at alam ng marunong* ang tamang panahon at pamamaraan.*+ 6 May panahon at pamamaraan* para sa bawat bagay,+ dahil napakarami ng problema ng mga tao. 7 Walang nakaaalam kung ano ang mangyayari, kaya sino ang makapagsasabi sa kaniya kung paano iyon mangyayari?
8 Kung paanong hindi nakokontrol at napipigilan ng tao ang kaniyang hininga ng buhay,* hindi rin niya kayang hadlangan ang araw ng kamatayan niya.+ Kung paanong walang pinauuwi kapag may digmaan, hindi rin pinatatakas ng kasamaan ang mga gumagawa nito.*
9 Nakita ko ang lahat ng ito, at itinuon ko ang pansin ko sa bawat bagay na ginawa sa ilalim ng araw, sa panahong ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala* nito.+ 10 At nakita kong inililibing ang masasama, ang mga pumapasok at lumalabas sa banal na lugar, pero nalilimutan sila agad sa lunsod kung saan sila gumawa ng masama.+ Ito rin ay walang kabuluhan.
11 Dahil hindi agad inilalapat ang parusa para sa masamang ginawa,+ lumalakas ang loob ng mga tao na gumawa ng masama.+ 12 Bagaman maaaring sandaang beses gumawa ng masama ang isang makasalanan at mabuhay pa rin nang mahaba, alam kong mapapabuti ang mga natatakot sa tunay na Diyos, dahil may takot sila sa kaniya.+ 13 Pero hindi mapapabuti ang masama+ at hindi rin niya mapahahaba ang kaniyang buhay, na gaya lang ng isang anino,+ dahil wala siyang takot sa Diyos.
14 May kawalang-kabuluhan* na nangyayari sa lupa: May mga matuwid na pinakikitunguhan na parang gumagawa sila ng masama,+ at may masasama na pinakikitunguhan na parang tama ang ginagawa nila.+ Sinasabi kong ito rin ay walang kabuluhan.
15 Kaya inirerekomenda ko ang pagsasaya,+ dahil wala nang mas mabuti para sa tao sa ilalim ng araw kundi ang kumain, uminom, at magsaya; dapat niya itong gawin habang masipag siyang nagtatrabaho sa buong buhay niya,+ na ibinigay sa kaniya ng tunay na Diyos sa ilalim ng araw.
16 Pinagsikapan kong kumuha ng karunungan at makita ang lahat ng pangyayari* sa lupa,+ at hindi pa nga ako natulog araw at gabi.* 17 At pinag-isipan ko ang lahat ng gawa ng tunay na Diyos, at nakita kong hindi kayang unawain ng mga tao ang nangyayari sa ilalim ng araw.+ Kahit anong pagsisikap ng mga tao, hindi nila ito mauunawaan. Sabihin man nilang may sapat silang karunungan, hindi talaga nila ito mauunawaan.+