Jeremias
29 Ito ang nilalaman ng liham na ipinadala ng propetang si Jeremias mula sa Jerusalem sa iba pang matatandang lalaki ng ipinatapong bayan, sa mga saserdote, sa mga propeta, at sa buong bayan, na ipinatapon ni Nabucodonosor sa Babilonya mula sa Jerusalem, 2 pagkatapos umalis sa Jerusalem ni Haring Jeconias,+ ng inang reyna,+ ng mga opisyal sa palasyo, ng iba pang matataas na opisyal ng Juda at ng Jerusalem, at ng mga bihasang manggagawa at mga panday.*+ 3 Ipinadala niya ang liham sa pamamagitan ni Elasa na anak ni Sapan+ at ni Gemarias na anak ni Hilkias, na isinugo ni Haring Zedekias+ ng Juda sa Babilonya kay Haring Nabucodonosor ng Babilonya. Ito ang nilalaman ng liham:
4 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng ipinatapon, ang mga ipinatapon ko sa Babilonya mula sa Jerusalem, 5 ‘Magtayo kayo ng mga bahay at tirhan ninyo ang mga iyon. Gumawa kayo ng mga hardin at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon. 6 Mag-asawa kayo at magkaanak; kumuha kayo ng mapapangasawa ng mga anak ninyong lalaki at ibigay ninyo bilang mapapangasawa ang mga anak ninyong babae, para magkaanak din sila. Magpakarami kayo roon, at huwag ninyong hayaang umunti kayo. 7 At itaguyod ninyo ang kapayapaan sa lunsod kung saan ko kayo ipinatapon, at ipanalangin ninyo iyon kay Jehova, dahil kung may kapayapaan doon, magkakaroon din kayo ng kapayapaan.+ 8 Dahil ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: “Huwag kayong magpalinlang sa mga propeta at mga manghuhula sa inyo,+ at huwag kayong makinig sa mga panaginip nila. 9 Dahil ‘nanghuhula sila ng kasinungalingan sa inyo sa pangalan ko. Hindi ko sila isinugo,’+ ang sabi ni Jehova.”’”
10 “Dahil ito ang sinabi ni Jehova, ‘Kapag natupad ang 70 taon sa Babilonya, aalalahanin ko kayo,+ at tutuparin ko ang pangako kong ibalik kayo sa lugar na ito.’+
11 “‘Dahil alam na alam ko ang gusto kong gawin para sa inyo,’ ang sabi ni Jehova. ‘Bibigyan ko kayo ng kapayapaan, at hindi ng kapahamakan,+ para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan at pag-asa.+ 12 At tatawag kayo at lalapit at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo.’+
13 “‘Hahanapin ninyo ako at makikita ninyo ako,+ dahil buong puso ninyo akong hahanapin.+ 14 At hahayaan kong makita ninyo ako,’+ ang sabi ni Jehova. ‘At titipunin ko ang mga binihag sa inyo mula sa lahat ng bansa at lugar kung saan ko kayo pinangalat,’+ ang sabi ni Jehova. ‘At ibabalik ko kayo sa lugar na pinagmulan ninyo noong ipatapon ko kayo.’+
15 “Pero sinabi ninyo, ‘Binigyan tayo ni Jehova ng mga propeta sa Babilonya.’
16 “Dahil ito ang sinabi ni Jehova sa hari na nakaupo sa trono ni David+ at sa buong bayan na naninirahan sa lunsod na ito, ang mga kapatid ninyo na hindi ninyo kasama sa pagkatapon, 17 ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Magpapadala ako laban sa kanila ng espada, taggutom, at salot,*+ at gagawin ko silang gaya ng bulok* na mga igos, na napakapangit at hindi makakain.”’+
18 “‘At hahabulin ko sila ng espada,+ taggutom, at salot, at gagawin ko silang nakapangingilabot sa paningin ng lahat ng kaharian sa lupa,+ isang sumpa, isang bagay na nakakagulat, na sisipulan+ at hahamakin ng lahat ng bansa kung saan ko sila pinangalat,+ 19 dahil hindi sila nakikinig sa mga salita ko na ipinadala ko sa kanila sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta, na isinusugo ko nang paulit-ulit,’* ang sabi ni Jehova.+
“‘Pero hindi kayo nakikinig,’+ ang sabi ni Jehova.
20 “Kaya pakinggan ninyo ang salita ni Jehova, kayong lahat na ipinatapon ko sa Babilonya mula sa Jerusalem. 21 Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, tungkol kay Ahab na anak ni Kolaias at kay Zedekias na anak ni Maaseias, na nanghuhula ng kasinungalingan sa inyo sa pangalan ko,+ ‘Ibibigay ko sila sa kamay ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya, at pababagsakin niya sila sa harap ninyo. 22 At ang mangyayari sa kanila ay magiging sumpa na gagamitin ng lahat ng ipinatapon sa Babilonya mula sa Juda: “Gawin ka nawa ni Jehova na gaya nina Zedekias at Ahab, na inihaw ng hari ng Babilonya sa apoy!” 23 dahil sa kasuklam-suklam na mga gawain nila sa Israel;+ nangangalunya sila sa asawa ng mga kasamahan nila at nagsasalita ng mga kasinungalingan sa pangalan ko na hindi ko iniutos sa kanila.+
“‘“Ako ang nakaaalam at ang saksi,”+ ang sabi ni Jehova.’”
24 “At sabihin mo kay Semaias+ ng Nehelam, 25 ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: “Dahil nagpadala ka ng mga liham sa pangalan mo sa buong bayan na nasa Jerusalem, sa saserdoteng si Zefanias+ na anak ni Maaseias, at sa lahat ng saserdote, na nagsasabi, 26 ‘Ginawa kang saserdote ni Jehova kapalit ng saserdoteng si Jehoiada para maging tagapangasiwa ng bahay ni Jehova, para hulihin ang sinumang nababaliw at gumagawing gaya ng isang propeta at ilagay siya sa pangawan at sa pikota;*+ 27 kaya bakit hindi mo sinaway si Jeremias ng Anatot,+ na gumagawing gaya ng propeta sa inyo?+ 28 Nagpadala pa nga siya ng ganitong mensahe sa amin sa Babilonya: “Matatagalan pa! Magtayo kayo ng mga bahay at tirhan ninyo ang mga iyon. Gumawa kayo ng mga hardin at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon,+—”’”’”
29 Nang basahin ng saserdoteng si Zefanias+ ang liham na ito sa harap ng propetang si Jeremias, 30 dumating kay Jeremias ang salita ni Jehova: 31 “Magpadala ka ng mensahe sa lahat ng ipinatapon, ‘Ito ang sinabi ni Jehova tungkol kay Semaias ng Nehelam: “Dahil nanghula sa inyo si Semaias kahit na hindi ko siya isinugo, at pinaniniwala niya kayo sa kasinungalingan,+ 32 ito ang sinabi ni Jehova, ‘Paparusahan ko si Semaias ng Nehelam at ang mga inapo niya. Walang isa man sa pamilya niya ang makaliligtas, at hindi niya makikita ang mabuting bagay na gagawin ko para sa bayan ko,’ ang sabi ni Jehova, ‘dahil tinuturuan niya ang bayan na magrebelde kay Jehova.’”’”