Ikalawang Cronica
24 Pitong taóng gulang si Jehoas nang maging hari siya,+ at 40 taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Zibia na mula sa Beer-sheba.+ 2 Patuloy na ginawa ni Jehoas ang tama sa paningin ni Jehova habang nabubuhay ang saserdoteng si Jehoiada.+ 3 Pumili si Jehoiada ng dalawang asawa para kay Jehoas, at nagkaanak ito ng mga lalaki at mga babae.
4 Nang maglaon, ipinasiya* ni Jehoas na ayusin ang bahay ni Jehova.+ 5 Kaya tinipon niya ang mga saserdote at ang mga Levita at sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa mga lunsod ng Juda at mangolekta ng pera sa buong Israel para sa pagkukumpuni ng bahay ng inyong Diyos+ taon-taon. Gawin ninyo ito agad.” Pero hindi agad kumilos ang mga Levita.+ 6 Kaya tinawag ng hari ang pinunong si Jehoiada at sinabi sa kaniya:+ “Bakit hindi mo sinabihan ang mga Levita na kunin mula sa Juda at Jerusalem ang sagradong buwis na itinakda ng lingkod ni Jehova na si Moises,+ ang sagradong buwis ng kongregasyon ng Israel, para sa tolda ng Patotoo?+ 7 Pinasok ngayon ng mga anak ng napakasamang babaeng si Athalia+ ang bahay ng tunay na Diyos,+ at ginamit nila sa mga Baal ang lahat ng banal na bagay ng bahay ni Jehova.” 8 Pagkatapos, nagpagawa ang hari ng isang kahon+ at inilagay ito sa labas sa may pintuang-daan ng bahay ni Jehova.+ 9 At nagpalabas ng panawagan sa buong Juda at Jerusalem na dalhin kay Jehova ang sagradong buwis+ na ipinataw sa Israel ng lingkod ng tunay na Diyos na si Moises noong nasa ilang sila. 10 Ang lahat ng matataas na opisyal at ang buong bayan ay nagsaya,+ at patuloy silang nagdala ng mga kontribusyon at inihulog nila ang mga iyon sa kahon hanggang sa mapuno ito.*
11 Kapag ipinapasok ng mga Levita ang kahon para ibigay sa hari at nakikita nilang napakarami nang pera doon, pumupunta ang kalihim ng hari at ang kinatawan ng punong saserdote para kunin ang laman ng kahon.+ Pagkatapos, ibinabalik nila ito sa kinalalagyan nito. Iyon ang ginagawa nila araw-araw, at marami silang nakukuhang pera. 12 Pagkatapos, ibinibigay iyon ng hari at ni Jehoiada sa mga nangangasiwa sa gawain sa bahay ni Jehova, at umuupa sila ng mga tagatabas ng bato at ng mga bihasang manggagawa para ipaayos ang bahay ni Jehova,+ pati ng mga manggagawa sa bakal at sa tanso para kumpunihin ang bahay ni Jehova. 13 Ang trabaho ay sinimulan ng mga nangangasiwa sa gawain at nagpatuloy ang pagkukumpuni sa pangangasiwa nila. Ibinalik nila sa maayos na kondisyon ang bahay ng tunay na Diyos at pinatibay ito. 14 At nang matapos na sila, dinala nila sa hari at kay Jehoiada ang natirang pera, at ginamit nila ito sa paggawa ng mga kagamitan para sa bahay ni Jehova, mga kagamitan para sa paglilingkod at para sa paghahandog at mga kopa at mga kagamitang ginto at pilak.+ At regular silang naghahandog ng mga haing sinusunog+ sa bahay ni Jehova habang nabubuhay si Jehoiada.
15 Namatay si Jehoiada matapos masiyahan sa mahabang buhay; 130 taóng gulang siya nang mamatay. 16 Kaya inilibing nila siya sa Lunsod ni David kasama ng mga hari,+ dahil gumawa siya ng mabuti sa Israel+ para sa tunay na Diyos at sa bahay Niya.
17 Pagkamatay ni Jehoiada, dumating ang matataas na opisyal ng Juda at yumukod sa hari, at nakinig ang hari sa kanila. 18 Iniwan nila ang bahay ni Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno at nagsimula silang maglingkod sa mga sagradong poste* at sa mga idolo. Nagalit ang Diyos* sa Juda at sa Jerusalem dahil sa kasalanan nila. 19 Paulit-ulit siyang nagsugo sa kanila ng mga propeta para manumbalik sila kay Jehova, at patuloy na nagbabala* sa kanila ang mga ito, pero hindi sila nakinig.+
20 Napuspos* ng espiritu ng Diyos si Zacarias na anak ng saserdoteng si Jehoiada,+ at tumayo siya sa harap ng bayan at sinabi niya: “Ito ang sinabi ng tunay na Diyos, ‘Bakit ninyo nilalabag ang mga utos ni Jehova? Hindi kayo magtatagumpay! Iniwan ninyo si Jehova, kaya iiwan niya kayo.’”+ 21 Pero nagsabuwatan sila laban sa kaniya+ at pinagbabato nila siya sa looban* ng bahay ni Jehova gaya ng iniutos ng hari.+ 22 Hindi inalaala ni Haring Jehoas ang tapat na pag-ibig na ipinakita sa kaniya ni Jehoiada na ama ni Zacarias. Pinatay niya ang anak nito, na nagsabi bago mamatay: “Parusahan ka nawa ni Jehova sa ginawa mo.”+
23 Sa pasimula ng taon,* lumusob ang hukbo ng Sirya laban kay Jehoas, at sinalakay nila ang Juda at Jerusalem.+ Pagkatapos, pinatay nila ang lahat ng matataas na opisyal+ ng bayan, at ipinadala nila sa hari ng Damasco ang lahat ng nasamsam nila. 24 Kaunti lang ang mga sundalo ng hukbong Siryano na sumalakay, pero ibinigay ni Jehova sa kamay nila ang isang napakalaking hukbo,+ dahil iniwan ng mga ito si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno; kaya naglapat sila* ng hatol kay Jehoas. 25 At nang iwan nila siya (iniwan nila siyang sugatán*), nagsabuwatan laban sa kaniya ang sarili niyang mga lingkod dahil pinatay niya ang mga anak* ng saserdoteng si Jehoiada.+ Pinatay nila siya sa sarili niyang higaan.+ Kaya inilibing nila siya sa Lunsod ni David,+ pero hindi sa libingan ng mga hari.+
26 Ito ang mga nagsabuwatan+ laban sa kaniya: si Zabad na anak ni Simeat na babaeng Ammonita at si Jehozabad na anak ni Simrit na babaeng Moabita. 27 Ang mga ulat tungkol sa mga anak niya at sa maraming mensahe ng paghatol laban sa kaniya+ at sa pag-aayos* ng bahay ng tunay na Diyos+ ay nasa mga akda* ng Aklat ng mga Hari. At ang anak niyang si Amazias ang naging hari kapalit niya.