Liham sa mga Taga-Efeso
2 Isa pa, binuhay kayo ng Diyos, kahit patay kayo dahil sa inyong mga pagkakamali at kasalanan,+ 2 na ginagawa ninyo noon gaya ng mga tao sa sistemang ito,*+ ayon sa kagustuhan ng tagapamahala na may awtoridad sa hanging*+ umiimpluwensiya ngayon sa mga masuwayin.* 3 Oo, kasama natin sila dati at namumuhay tayong lahat kaayon ng pagnanasa ng ating laman.+ Ginagawa natin ang mga bagay na hinahangad ng ating laman at isip,+ at mula pa nang isilang tayo, karapat-dapat na tayo sa poot ng Diyos,+ gaya ng lahat ng iba pa. 4 Pero dahil sa saganang awa ng Diyos+ at sa matinding pag-ibig niya sa atin,+ 5 binuhay niya tayo kasama ng Kristo, kahit patay tayo dahil sa mga kasalanan natin.+ Nailigtas kayo dahil sa walang-kapantay na kabaitan. 6 Bukod diyan, binuhay tayo ng Diyos nang magkakasama at binigyan ng puwestong uupuan sa langit dahil kaisa tayo ni Kristo Jesus,+ 7 para sa darating na mga sistema ay maipakita niya sa atin ang kaniyang kahanga-hangang walang-kapantay na kabaitan* sa pamamagitan ng kaniyang kagandahang-loob sa atin na mga kaisa ni Kristo Jesus.
8 Sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitang ito, nailigtas kayo dahil sa pananampalataya,+ at hindi ito dahil sa sarili ninyong pagsisikap; regalo ito ng Diyos.+ 9 Hindi ito resulta ng mga gawa+ para walang maging basehan ang sinuman na magmalaki. 10 Tayo ay gawa mismo ng Diyos at nilalang*+ na kaisa ni Kristo Jesus+ para magawa natin ang mabubuting bagay, na patiunang itinakda ng Diyos para gawin natin.
11 Kaya tandaan ninyo na dati, kayong mga tao ng ibang mga bansa* ay tinawag na di-tuli ng mga lalaking tinuli ng tao. 12 Nang panahong iyon, hindi pa ninyo kilala si Kristo, napakalayo ninyo sa bansang Israel, at hindi kayo bahagi ng mga tipang batay sa pangako ng Diyos;+ namumuhay kayo sa sanlibutan nang walang pag-asa at walang Diyos.+ 13 Pero ngayong kaisa na kayo ni Kristo Jesus, kayo na dating malayo ay nailapit sa pamamagitan ng dugo ng Kristo. 14 Dahil siya ang ating kapayapaan.+ Pinag-isa niya ang dalawang grupo+ at giniba ang pader na naghihiwalay sa mga ito.+ 15 Sa pamamagitan ng kaniyang laman, inalis niya ang alitan, ibig sabihin, pinawalang-bisa niya ang Kautusan, na binubuo ng mga tuntunin at batas, para ang dalawang grupo na kaisa niya ay maging isang bagong tao+ at magkaroon ng kapayapaan 16 at mapagsama sa iisang katawan ang dalawang bayang ito at lubusang maipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng pahirapang tulos,+ dahil inalis niya ang alitan+ sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan. 17 Dumating siya at ipinahayag ang mabuting balita ng kapayapaan+ sa inyo na malayo sa Diyos at gayundin sa mga malapit sa Kaniya, 18 dahil sa pamamagitan niya, tayo, ang dalawang bayan, ay malayang makalalapit sa Ama sa tulong ng iisang espiritu.+
19 Kaya hindi na kayo mga estranghero at dayuhan,+ kundi mga mamamayan+ kasama ng mga banal at mga miyembro na ng sambahayan ng Diyos,+ 20 at itinayo kayo sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta,+ at si Kristo Jesus mismo ang pinakamahalagang batong pundasyon.*+ 21 Ang buong gusali, na kaisa niya at na ang mga bahagi ay matibay ang pagkakadugtong-dugtong,+ ay unti-unting nagiging isang banal na templo para kay Jehova.+ 22 Dahil kayo ay kaisa ni Kristo, pinagsama-sama kayo ng Diyos para maging bahay na titirhan niya sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.+