Ikalawang Cronica
30 Nagpadala si Hezekias ng mensahe sa buong Israel+ at Juda, at sumulat pa nga siya ng mga liham para sa Efraim at Manases,+ para papuntahin sila sa bahay ni Jehova sa Jerusalem at ipagdiwang ang Paskuwa para kay Jehova na Diyos ng Israel.+ 2 Pero ipinasiya ng hari, ng kaniyang matataas na opisyal, at ng buong kongregasyon sa Jerusalem na ipagdiwang ang Paskuwa sa ikalawang buwan;+ 3 hindi nila ito naipagdiwang sa takdang panahon+ dahil hindi sapat ang bilang ng mga saserdote na nagpabanal ng kanilang sarili+ at hindi pa natitipon ang bayan sa Jerusalem. 4 Nagustuhan ng hari at ng buong kongregasyon ang kaayusang ito. 5 Kaya nagpasiya silang magpadala ng mensahe sa buong Israel, mula sa Beer-sheba hanggang sa Dan,+ na ang bayan ay dapat pumunta sa Jerusalem at magdiwang doon ng Paskuwa para kay Jehova na Diyos ng Israel, dahil hindi pa nila iyon nagagawa bilang isang grupo ayon sa nasusulat.+
6 At ang mga mensahero* ay lumibot sa buong Israel at Juda dala ang mga liham mula sa hari at sa kaniyang matataas na opisyal, gaya ng iniutos ng hari. Sinasabi sa liham: “Bayang Israel, magbalik-loob kayo kay Jehova na Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, para muli siyang magpakita ng lingap sa mga natira at nakatakas mula sa kamay ng mga hari ng Asirya.+ 7 Huwag ninyong tularan ang mga ninuno at ang mga kapatid ninyo na hindi naging tapat kay Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno, kaya ginawa niya silang isang bagay na nakapangingilabot, gaya ng nakikita ninyo.+ 8 Ngayon ay huwag ninyong tularan ang katigasan ng ulo ng mga ninuno ninyo.+ Magpasakop kayo kay Jehova at pumunta kayo sa kaniyang santuwaryo+ na ginawa niyang banal magpakailanman at maglingkod kayo sa Diyos ninyong si Jehova, para mawala ang nag-aapoy na galit niya sa inyo.+ 9 Dahil kung magbabalik-loob kayo kay Jehova, ang mga kapatid at ang mga anak ninyo ay kaaawaan ng mga bumihag sa kanila+ at papahintulutang bumalik sa lupaing ito,+ dahil ang Diyos ninyong si Jehova ay mapagmalasakit* at maawain,+ at hindi niya kayo tatalikuran kung magbabalik-loob kayo sa kaniya.”+
10 Kaya ang mga mensahero* ay nagpunta sa bawat lunsod sa buong lupain ng Efraim at Manases,+ maging hanggang sa Zebulon, pero pinagtatawanan sila at iniinsulto ng mga tao.+ 11 Pero may ilan mula sa Aser, Manases, at Zebulon na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem.+ 12 Ginabayan din ng kamay ng tunay na Diyos ang Juda para magkaisa sila* sa pagtupad sa iniutos ng hari at ng matataas na opisyal ayon sa sinabi ni Jehova.
13 Nagtipon sa Jerusalem ang napakaraming tao para ipagdiwang ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa+ sa ikalawang buwan;+ isa itong napakalaking kongregasyon. 14 Inalis nila ang mga altar na nasa Jerusalem,+ at inalis nila ang lahat ng altar ng insenso+ at itinapon ang mga ito sa Lambak ng Kidron. 15 Pagkatapos, pinatay nila ang hain para sa Paskuwa noong ika-14 na araw ng ikalawang buwan. Nahiya ang mga saserdote at ang mga Levita, kaya pinabanal nila ang kanilang sarili at nagdala sila ng mga handog na sinusunog sa bahay ni Jehova. 16 Pumuwesto sila sa mga lugar na itinakda para sa kanila, ayon sa Kautusan ni Moises na lingkod ng tunay na Diyos; pagkatapos, iwinisik ng mga saserdote ang dugong+ ibinigay ng mga Levita. 17 Marami sa kongregasyon ang hindi pa nakapagpabanal ng sarili nila, at ang mga Levita ang inatasang pumatay ng mga hayop na ihahain sa Paskuwa para sa lahat ng hindi malinis,+ para pabanalin sila para kay Jehova. 18 Dahil marami sa bayan, lalo na sa Efraim, Manases,+ Isacar, at Zebulon, ang hindi pa nakapaglinis ng sarili pero kumain ng hain para sa Paskuwa, na salungat sa nasusulat. Pero nanalangin si Hezekias para sa kanila: “Pagpaumanhinan nawa ni Jehova, na mabuti,+ 19 ang bawat isa na naghanda ng kaniyang puso para hanapin ang tunay na Diyos,+ si Jehova, na Diyos ng kaniyang mga ninuno, kahit hindi pa siya malinis batay sa pamantayan ng kabanalan.”+ 20 At nakinig si Jehova kay Hezekias at pinagpaumanhinan* ang bayan.
21 Kaya napakasayang ipinagdiwang+ ng mga Israelitang nasa Jerusalem ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa+ nang pitong araw, at ang mga Levita at mga saserdote ay pumupuri kay Jehova araw-araw, habang pinatutugtog nang malakas ang mga instrumento nila para kay Jehova.+ 22 Bukod diyan, kinausap at pinatibay ni Hezekias ang* lahat ng Levita na naglingkod kay Jehova nang may karunungan. At kumain sila sa buong panahon ng kapistahan sa loob ng pitong araw;+ naghahandog sila ng mga haing pansalo-salo+ at nagpapasalamat kay Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno.
23 Pagkatapos, nagpasiya ang buong kongregasyon na ipagdiwang ito nang pitong araw pa, kaya masaya nila itong ipinagdiwang nang pitong araw pa.+ 24 At si Haring Hezekias ng Juda ay nag-abuloy para sa kongregasyon ng 1,000 toro* at 7,000 tupa, at ang matataas na opisyal ay nag-abuloy para sa kongregasyon ng 1,000 toro at 10,000 tupa;+ at maraming saserdote ang nagpapabanal ng sarili nila.+ 25 At patuloy na nagsaya ang buong kongregasyon ng Juda, ang mga saserdote, ang mga Levita, ang buong kongregasyon mula sa Israel,+ at ang mga dayuhang naninirahan+ sa lupain ng Israel at ng Juda. 26 Napakasaya sa Jerusalem, dahil mula noong panahon ni Solomon na anak ni David na hari ng Israel, ngayon lang nangyari ang ganito sa Jerusalem.+ 27 Bandang huli, tumayo ang mga saserdoteng Levita at pinagpala ang bayan;+ at pinakinggan ng Diyos ang tinig nila, at ang panalangin nila ay nakarating sa kaniyang banal na tahanan, sa langit.