Ikalawang Cronica
31 Nang matapos nila ang lahat ng ito, ang lahat ng Israelitang naroon ay nagpunta sa mga lunsod ng Juda, at pinagdurog-durog nila ang mga sagradong haligi,+ pinutol ang mga sagradong poste,*+ at giniba ang matataas na lugar+ at ang mga altar+ sa buong Juda at Benjamin, pati sa Efraim at Manases,+ hanggang sa mawasak nila ang lahat ng ito. At bumalik ang lahat ng Israelita sa kanilang mga lunsod, sa kani-kanilang pag-aari.
2 Pagkatapos, inatasan ni Hezekias ang mga saserdote sa mga pangkat nila+ at ang mga Levita sa mga pangkat nila;+ binigyan niya ng kani-kaniyang atas ng paglilingkod ang bawat isa sa mga saserdote at mga Levita.+ Mag-aalay sila ng mga handog na sinusunog at ng mga haing pansalo-salo, maglilingkod, at magbibigay ng pasasalamat at papuri sa mga pintuang-daan ng mga looban* ni Jehova.+ 3 Nagbigay ang hari mula sa sarili niyang pag-aari para sa mga handog na sinusunog,+ kasama na ang mga handog sa umaga at sa gabi,+ pati ang mga handog na sinusunog para sa mga Sabbath,+ mga bagong buwan,+ at mga kapistahan,+ ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Jehova.
4 Bukod diyan, inutusan niya ang mga nakatira sa Jerusalem na ibigay sa mga saserdote at mga Levita ang takdang bahagi nila,+ para masunod nilang mabuti* ang kautusan ni Jehova. 5 Pagkalabas ng utos, nagbigay ang mga Israelita ng maraming unang bunga ng butil, bagong alak, langis,+ at pulot-pukyutan, at ng lahat ng bunga ng lupain;+ bukas-palad nilang ibinigay ang ikasampu ng lahat ng bagay.+ 6 At ang mga taga-Israel at taga-Juda na nakatira sa mga lunsod ng Juda ay nagdala rin ng ikasampu ng mga baka at mga tupa at ng ikasampu ng mga banal na bagay+ na pinabanal para sa Diyos nilang si Jehova. Kaya napakarami nilang natipong handog. 7 Nagsimula silang magtipon ng mga handog noong ikatlong buwan,+ at natapos sila noong ikapitong buwan.+ 8 Nang dumating si Hezekias at ang matataas na opisyal at makita ang napakaraming handog, pinuri nila si Jehova at pinagpala ang bayan niyang Israel.
9 Tinanong ni Hezekias ang mga saserdote at mga Levita tungkol sa napakaraming handog, 10 at sinabi sa kaniya ni Azarias na punong saserdote mula sa sambahayan ni Zadok: “Mula nang magdala sila ng mga abuloy sa bahay ni Jehova,+ laging sagana sa pagkain ang bayan at marami pang sobra, dahil pinagpala ni Jehova ang bayan niya, at ganito pa karami ang natira.”+
11 Kaya inutusan sila ni Hezekias na maghanda ng mga imbakan*+ sa bahay ni Jehova, at inihanda nila ang mga iyon. 12 Lagi silang nagdadala ng mga abuloy, ng mga ikasampung bahagi,*+ at ng mga banal na bagay; ang Levitang si Conanias ang inatasang mangasiwa sa lahat ng ito, at ang kapatid niyang si Simei ang pumapangalawa sa kaniya. 13 Sina Jehiel, Azazias, Nahat, Asahel, Jerimot, Jozabad, Eliel, Ismakias, Mahat, at Benaias ay mga komisyonadong tumutulong kay Conanias at sa kapatid niyang si Simei, sa utos ni Haring Hezekias, at si Azarias ang nangangasiwa sa bahay ng tunay na Diyos. 14 At ang anak ni Imnah na si Kore, ang Levita na nagbabantay sa pintuang-daan sa gawing silangan,+ ang nangangasiwa sa kusang-loob na mga handog+ sa tunay na Diyos, at ipinamamahagi niya ang mga abuloy kay Jehova+ at ang mga kabanal-banalang bagay.+ 15 At nasa ilalim ng pangangasiwa niya sina Eden, Miniamin, Jesua, Semaias, Amarias, at Secanias, sa mga lunsod ng mga saserdote;+ ipinagkatiwala sa kanila ang atas na mamahagi nang pantay-pantay sa mga kapatid nila sa mga pangkat,+ sa nakabababa at sa nakatataas. 16 Bukod pa ito sa ipinamamahagi sa mga nakalista sa talaangkanan, ang mga lalaking pumupunta sa bahay ni Jehova araw-araw para maglingkod at gampanan ang mga atas ng pangkat nila at ang mga anak nila na edad tatlo pataas.
17 Ang mga saserdote ay nakatala ayon sa kanilang mga angkan,+ gaya rin ng sa mga Levita na edad 20 pataas,+ ayon sa mga atas ng pangkat nila.+ 18 Nakalista rin sa talaangkanan ang lahat ng kanilang asawa, anak na lalaki, at anak na babae, kahit ang maliliit nilang anak, ang buo nilang kongregasyon—dahil iningatan nilang banal ang kanilang sarili para sa bagay na banal dahil sa atas na ipinagkatiwala sa kanila— 19 pati ang mga inapo ni Aaron, ang mga saserdoteng nakatira sa mga pastulan sa palibot ng mga lunsod nila.+ Sa lahat ng lunsod, may mga lalaking inatasan para mamahagi sa lahat ng lalaki sa mga pamilya ng mga saserdote at sa lahat ng nakalista sa talaangkanan ng mga Levita.
20 Ganiyan ang ginawa ni Hezekias sa buong Juda, at patuloy niyang ginawa ang mabuti at tama sa paningin ng Diyos niyang si Jehova at nanatili siyang tapat sa Kaniya. 21 At ang lahat ng ginawa niya para hanapin ang kaniyang Diyos, may kaugnayan man ito sa paglilingkod sa bahay ng tunay na Diyos+ o sa Kautusan at mga batas, ay ginawa niya nang buong puso, at nagtagumpay siya.