Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto
8 Ngayon, mga kapatid, gusto naming malaman ninyo kung ano ang nagawa ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos sa mga kongregasyon sa Macedonia.+ 2 Nagdurusa sila sa panahon ng matinding pagsubok. Pero kahit napakahirap nila, masayang-masaya pa rin sila at napakabukas-palad. 3 Ibinigay nila ang lahat ng maibibigay nila,+ ang totoo, higit pa nga sa kaya nilang ibigay.+ At mapapatotohanan ko ito. 4 Sila pa mismo ang paulit-ulit na nakikiusap sa amin na payagan silang magbigay at makapaglingkod din sa mga banal.*+ 5 At higit pa sa inaasahan namin ang ginawa nila; ibinigay nila ang sarili nila sa Panginoon at sa amin din ayon sa kalooban ng Diyos. 6 Kaya hinimok namin si Tito na tapusin ang sinimulan niyang paglikom sa tulong+ na buong puso ninyong ibinibigay. 7 Gayunman, kung paanong nag-uumapaw kayo sa lahat ng bagay, sa pananampalataya, kakayahang magsalita, kaalaman, debosyon, at sa pag-ibig namin sa inyo, maging bukas-palad din sana kayo sa ganitong uri ng pagbibigay.+
8 Sinasabi ko ito, hindi para utusan kayo, kundi para malaman ninyo ang debosyon ng iba at para masubok kung tunay ang pag-ibig ninyo. 9 Dahil alam ninyo ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na bagaman mayaman siya, naging mahirap siya alang-alang sa inyo,+ para yumaman kayo sa pamamagitan ng kahirapan niya.
10 At ito ang opinyon ko rito:+ Para ito sa kapakinabangan ninyo, dahil nakita kong sinimulan na ninyo ito isang taon na ang nakalilipas, at talagang gusto ninyo itong gawin.+ 11 Kaya tapusin na ninyo ang sinimulan ninyo. At ang maibibigay ninyo ayon sa kakayahan ninyo ay magpapatunay ng pagiging handa ninyong magbigay. 12 Dahil kung may pananabik ang isang tao, nagiging kalugod-lugod ang ibinibigay niya; hindi inaasahan na ibibigay ng isa ang hindi niya kayang ibigay kundi kung ano lang ang kaya niya.+ 13 Hindi naman sa gusto ko kayong mahirapan at madalian ang iba, 14 pero mapupunan ng inyong labis sa ngayon ang kailangan nila at ng labis nila ang kailangan ninyo para magkaroon ng pagpapantay-pantay. 15 Gaya ng nasusulat: “Hindi nagkaroon ng sobra-sobra ang taong sagana, at hindi naman kinapos ang taong kaunti ang taglay.”+
16 Ipinagpapasalamat namin sa Diyos na ang malasakit sa inyo ni Tito ay gaya ng malasakit namin sa inyo.+ 17 Dahil talagang sinunod niya ang sinabi namin sa kaniya, at dahil gustong-gusto niyang gawin iyon, pupunta siya sa inyo nang kusang-loob. 18 Pero pasasamahin namin sa kaniya ang kapatid na puring-puri sa lahat ng kongregasyon dahil sa pangangaral nito ng mabuting balita. 19 Hindi lang iyan. Inatasan din siya ng mga kongregasyon na sumama sa aming paglalakbay habang ipinamamahagi namin ang nalikom na tulong para sa kaluwalhatian ng Panginoon at bilang patunay na gusto naming tumulong sa iba. 20 Sa gayon, hindi kami makikitaan ng mali sa pamamahagi namin sa ibinigay ninyong malaking kontribusyon.+ 21 Dahil ‘tapat kami sa pag-aasikaso sa lahat ng bagay, hindi lang sa paningin ni Jehova, kundi pati sa paningin ng mga tao.’+
22 Isa pa, pasasamahin namin sa kanila ang ating kapatid na maraming beses na naming napatunayang masipag* sa maraming bagay. Pero mas masipag pa siya ngayon dahil malaki ang tiwala niya sa inyo. 23 Pero kung may nag-aalinlangan kay Tito, sinasabi ko sa inyo na siya ay kasama* ko at kamanggagawa para sa kapakanan ninyo; o kung may nag-aalinlangan sa mga kapatid na kasama niya, sila ay mga apostol ng mga kongregasyon at nagbibigay ng kaluwalhatian kay Kristo. 24 Kaya ipakita ninyo sa kanila na mahal ninyo sila,+ at ipakita ninyo sa mga kongregasyon kung bakit namin kayo ipinagmamalaki.